Dalawang buwang bakwit


Bumalik na sila sa kanilang mga komunidad ngayon. Pero hindi makakalimutan nina Charlene ang mapait nilang karanasan bilang dalawang buwang bakwit.

Kuha ni Isa Lorenzo
Kuha ni Isa Lorenzo

Mahigit dalawang buwan naging bakwit si Charlene Montenegro. Bitbit ang anim na anak, naglakad siya ng limang oras mula sa kanyang tirahan sa Purok 5, San Isidro, Surigao del Sur, papunta sa municipal gym sa bayan ng Lianga noong nakaraang Hunyo..

Napilitang lumikas ang mag-anak ni Charlene kasama ng 47 pang pamilya nang dumating ang mga sundalo mula sa 38th Infantry Brigade ng Philippine Army sa kanilang pook. Tumira ang mga sundalo rito, maging sa mga bahay ng mga taga-Purok 5. Noong Hulyo 17, nagkaroon ng putukan sa pagitan ng mga NPA at sundalo.

Pinagbintangan ring NPA ang mga taong nakatira sa labas ng Purok 5, kaya napilitan silang lumipat sa sentro ng Purok bago sila lumikas.

Dahil sa takot, hindi na pumupunta ang mga tao sa kanilang uma (bukid).

“Takot at kaba ang naramdaman namin papunta dito,” ani Charlene. “Hindi namin alam kung ano ang pwedeng mangyari.”

Pagdating sa Lianga Gym, agad-agad na bumuo ang mga taga-Purok 5 ng mga komite para sa pagkain, health at sanitation at accommodation. Bawat isa ay may tungkulin at nagtutulungan ang mga miyembro ng komunidad.

Kabilang si Charlene sa health and sanitation committee. Inaalam nila kung sino na ang nagkasakit at dinadala ang mga ito sa health center kung kailangan.

Bukod sa gawain niya sa naturang komite, umiikot ang araw ni Charlene sa pag-alaga ng anak, pagluto, at pag-asikaso sa iba pang bakwit.

Malungkot si Charlene dahil mahirap ang buhay bakwit. May lagnat na siya dahil walang ibang tulugan kundi ang matigas na semento sa gym at tabi-tabi ang mga tao mamuhay at matulog.

May lagnat din si Nanay Ana Umandam. Pakiramdam naman ng kanyang asawa na si Tatay Cocoy, “Mahirap. Masakit. Pagod, kasi hindi kami sanay sa ganitong buhay.”

Si Jun Milandres naman, nagbakwit dahil ayaw niyang sumali sa “Bagani Force” na inoorganisa ng militar. Pilit nilang nirerekluta ang mga Lumad dito.

“Ang kailangan ng magsasaka ay bukid,” ani Jun. “Hindi baril na nakakasira sa kabuhayan.” Araw-araw naglilis si Jun sa gym, na punung-puno ng tao at ng kanilang mga gamit.

Matapos ang isang buwan, nadagdagan pa ang ang bakwit. Mahigit 1,700 na Manobo ang napilitang magbakwit mula sa 14 na komunidad dahil sa matinding operasyong militar. Bukod sa harassment na dinanas ng mga taga-komunidad, pinigilan din ng mga militar ang pagdala ng bigas sa mga purok at sa Alternative Learning System for Agricultural and Livelihood Development, isang paaralan para sa mga Manobo at ibang nakatira sa mga malapit na komunidad.

Bumalik na sila sa kanilang mga komunidad ngayon. Pero hindi makakalimutan nina Charlene ang mapait nilang karanasan bilang dalawang buwang bakwit.