FEATURED

Roundtable | Ano ang Pamana ni Pangulong Aquino sa mga Pilipino?


Sa unang labas ng bagong segment na ROUNDTABLE, tatlong tao ang sasagot sa tanong: Ano kaya ang maipagmamalaking pamana ni Noynoy Aquino sa bayan matapos ang kanyang termino?

shutterstock_23965924Sa kanyang huling taon sa pagkapangulo, sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA), susumahin ni Pangulong Noynoy Aquino ang kanyang mga tagumpay at ibabandila ang kanyang mga pamana. “Tuwid na daan” ang kolektibong pangalan ng mga “pamana” ni Aquino sa sambayanan. Sa ipinatahak ni Aquino na “tuwid na daan” sa mga mamamayan, kamusta nga kaya ang biyahe? Matagtag kaya o maaliwalas? Maginhawa ba o malubak?
Dito sa bagong segment ng Pinoy Weekly na ROUNDTABLE, tunghayan natin kung kamusta ang biyahe para sa ilang sektor sa bansa. Kamusta nga kaya ang biyahe sa ipinamang tuwid na daan?

GARY C. DEVILLES

Para sa akin, ang malinaw na kontradiksyon ng rehimeng ito ay ang tinatawag nilang “daang matuwid,” na hindi nila natuwid o nagawang itawid o tawirin. Tamang-tama na ang pagsasapribado ng mga batayang serbisyo ng pamahalaan ay nagmula pa sa panahon ng kanyang ina na si dating pangulong Cory Aquino, ang Build-Operate-Transfer (BOT) scheme, na nangangako na sa pamumuhunan ng pribadong sektor, uunlad ang kalakaran at maililipat muli sa pamahalaan ang serbisyong ito. Subalit lahat ng BOT ay pawang bigo. Nariyan ang MRT at LRT at ipinakikita na walang kakayahan ang mga namahala rito na ayusin ito at lalong walang magagawa ang pamahalaan na maiayos ito sakaling mailipat sa kanila ito. Ano ang ginagawa ng pamahalaan dito? Tulad ng ginawa ni Noynoy sa lahat ng suliranin sa kanyang pamahalaan, ang magnoynoy o noynoying. Asan ang daang matuwid? Asan ang pampublikong sasakyan?

Si Prop. Gary C. Devilles ay nagtuturo ng panitikan ng Pilipinas at media studies sa Ateneo de Manila University. Ang kanyang mga pananaliksik ay nakatuon sa sensory ethnography, urban studies at kulturang popular.

 

ANNA LEAH ESCRESA

11695026_10153131232943924_4934569032535485646_nEton, Kentex, Semirara, PAL, Tanduay, GMA, Sumifru — Ito ang mga katagang magiging tatak at pamana ng administrasyong Aquino sa usapin ng paggawa. Ang kanyang limang taong panunungkulan ay kinatatangian ng pagpapatindi ng neoliberal na atake sa mga manggagawa sa usapin ng sahod, trabaho at karapatan. Ipinatupad niya ang two-tiered wage system na lalong nagpabarat sa sahod sa pamamagitan ng paggamit ng floor wage (ang first tier) na nakabatay sa poverty threshold, at sa productivity-based, ang second tier na nakabatay sa pagtatakda ng management. Pinatindi ni PNoy ang kontraktuwalisasyon sa pamamagitan ng DOLE Department Order 18-A, na naglilinaw na ang employer-employee relationship ay sa pagitan ng agency at manggagawa, at hindi ang prinsipal na kompanya. Inaalisan nito ng obligasyon ang prinsipal na kompanya sa anumang mga paglabag sa labor standards ng mga agency. Napatunayang hindi epektibo ang Labor Law Compliance System ng administrasyong Aquino sa kabi-kabilaang paglabag sa basic labor standards katulad ng occupational health and safety sa loob ng lugar-pagawaan ng mga kumpanya na ibinunga pa ng pagkamatay ng mga manggagawa sa Kentex, Eton at Semirara. Sa madaling salita, ang pamana ni PNoy sa manggagawang Pilipino ay barat na sahod, kontraktuwal na trabaho, at kamatayan bunga ng di-ligtas na lugar-pagawaan.

Si Anna Leah Escresa ay isang labor advocate at kasalukuyang naglilingkod sa isang NGO para sa mga manggagawa, ang Ecumenical Institute for Labor Education and Research, Inc. (EILER).

BAYAN MUNA REP. NERI COLMENARES

hor-commitee-hearing1. Paglala ng kahirapan, kawalan ng lupa, trabaho at kagutuman. Sabi ni Aquino, lumago ang ekonomiya, pero maraming mamamayan ang singhirap pa rin ng daga, walang sapat na pagkain, pabahay, walang trabaho, walang sariling lupang sinasaka.

2. Pagsasapribado ng serbisyo publiko at pagtaas ng bayarin. Sa halip na pondohan, isinasapribado ang edukasyon, ospital, serbisyong pangkalusugan at tahanan ng maralita

3. Paglala ng korupsiyon. Wala ibang pork barrel king kundi si Aquino. Mas malaki, mas malala at mas garapal. DAP, pork barrel, lump sum funds, Ligtas sa kaso ang mga kaklase, kabarilan, kapartido.

4. Kriminal na kapabayaan. Libu-libong buhay ang nasawi dahil sa kapalpakan at kapabayaan. Luneta hostage taking, insidenteng Mamasapano, OFWs in distress katulad ni Mary Jane Veloso, supertyphoon Yolanda, bagyong Pablo, Ruby at iba pa, MRT-LRT at PNR accidents, Kentex fire, paulit-ulit na aksidente sa Semirara.

5. Kataksilan sa soberanya at kasarinlan ng bansa. Pagpapasok ng US sa EDCA at VFA sa tabing ng pagtatanggol sa panghihimasok ng Tsina.

6. Kawalang Hustisya at paglabag sa karapatang pantao. Walang hustisya sa mga biktima ng Hacienda Luisita massacre, iba pang EJK, tortyur, harassment at dumaraming paglabag sa karapatang pantao.

Si Neri Javier Colmenares ay unang kinatawan ng Bayan Muna Party-list sa Ika-16 Kongreso. Deputy minory leader siya sa Kamara at pinuno ng Makabayan Bloc.

Ano ang tingin o opinyon ninyo sa paksa ng ROUNDTABLE? Mag-iwan ng komento sa ibaba gamit ang inyong Facebook accounts. Tara na sa ROUNDTABLE!