Kapirasong Kritika

Hindi pa Tapos


A single spark, sabi ni Mao Zedong sa ilang pesismistang pananaw sa pinapamunuan niyang Partido Komunista ng Tsina, can start a prairie fire. Kaya ng isang titis na mag-umpisa ng apoy sa kadawagan. Nag-umpisa ang pelikulang Bonifacio: Ang Unang Pangulo sa itinuturing na titis na nagpaliyab sa rebolusyong Pilipino laban sa kolonyalismong Espanyol  ang pagpaparusa […]

A single spark, sabi ni Mao Zedong sa ilang pesismistang pananaw sa pinapamunuan niyang Partido Komunista ng Tsina, can start a prairie fire. Kaya ng isang titis na mag-umpisa ng apoy sa kadawagan. Nag-umpisa ang pelikulang Bonifacio: Ang Unang Pangulo sa itinuturing na titis na nagpaliyab sa rebolusyong Pilipino laban sa kolonyalismong Espanyol  ang pagpaparusa ng kamatayan sa harap ng nanonood na publiko sa Gomburza, o kina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora noong 1872. Kasama sa nanood doon, ayon sa pelikula, ang batang si Andres Bonifacio, at nakakakilabot ang marahang eksena ng pagpulot sa telang nahulog ng isa sa mga bibitaying pari habang kinakaladkad sila patungo sa entabladong may garrote sa gitna.

Mula doon, hinagod na ng pelikula ang buhay ni Bonifacio na kalakhay kaugnay ng itinatag niyang Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan: ang pagkuha ng inspirasyon at pagkatapos ay pagkalas sa mga kaisipan ni Jose Rizal, ang pagkakatatag ng Katipunan at paglaganap nito sa bansa, ang pagsusuplong dito at pagsuong nito sa mga sagupaan, ang pag-agaw ni Emilio Aguinaldo sa pamumuno ng Katipunan, at ang pagkulong at pagpatay kay Bonifacio. Sumisingit-singit ang kwento mula sa kasalukuyan ng mga estudyanteng nagsasaliksik tungkol kay Bonifacio at sa Katipunan. Sumisingit-singit naman sa mismong kwento ang pag-iibigan nina Bonifacio at Gregoria de Jesus at iba pang kwentong pamilya at kaugnay ng pamilya.

Bonifacio Ang Unang PanguloPara sa isang hindi madalas manood ng pelikula, mabilis ang takbo ng istorya. Kung may bahaging mabagal, iyan ay dahil sa tuluy-tuloy na pag-uusap ng mga karakter. Hindi tawag-pansin ang pagganap ni Robin Padilla na Bonifacio, at nakakatuwang hindi na pinilit gawing nakakakilig ang mga eksena nila ni Vina Morales  o nina Daniel Padilla at Jasmine Curtis, na hindi love team sa pelikula. May paraan bang ilarawan ang kolonyalismong Espanyol nang hindi masyadong madilim ang mga gabi, at sa gayoy makatipid sa paggawa ng pelikula? Bagamat seryoso ang pelikula, nakapagpasok ng katatawanan, mapapaisip ka tuloy kung bakit hindi pa dinamihan. Bonifacio: Tatlong daang kasapi? Sa Maynila lang ba ito? Sagot: Sa buong bansa na.

Kaalaman ang kagyat na masasabing kabuluhan ng Bonifacio: Ang Unang Pangulo. Isinisiwalat nito ang itinuturing na historikal na katotohanan ng maraming historyador, na nananatiling lingid sa kaalaman o lihim para sa napakarami nating kababayan. Madalang na nating marinig at matalakay sina Rizal, Bonifacio at Aguinaldo, pero kahit ang ating naririnig at natatalakay ay kulang  at ang kulang ay nilalaman ng pelikula. Noon, mababasa lamang ang kwentong nilaman ng pelikula sa mga libro nina Teodoro A. Agoncillo, Amado Guerrero (o Jose Maria Sison) at Renato Constantino. Ngayon, salamat sa paggabay ni Prop. Milagros C. Guerrero, mahusay na historyador at kapwa-awtor ni Agoncillo sa isang libro, mapapanood na ang naturang kwento sa pelikula.

Mas malamang, may magpapaabot ng pahabol sa kaalamang ibinabahagi ng pelikula. Tiyak na panggatong sa apoy ng kontrobersya ang paglalarawan kay Rizal bilang sagad-sagaring repormista at kay Aguinaldo bilang traydor sa himagsikan. Pero ang pelikula ay kwento ni Bonifacio at ang naturang mga lugar, o malapit sa mga ito, ang kinalagyan nila kaugnay ng Katipunan. (Hindi pa nga todo ang paglalarawan kay Aguinaldo, na ipinakitang nag-utos lang ng pagdakip kay Bonifacio at tumangging tumulong nang nagsumamo si De Jesus. Sabi ni Prop. Guerrero sa dating palabas ni Randy David sa telebisyon, nakahukay siya ng pahayag ni Aguinaldo sa isang diyaryo noong kolonyalismong Amerikano: That Bonifacio was an evil man. I had him killed.)

Kahanga-hanga ang malinaw at matapang na paggigiit ng pelikula sa pagpili at pagtahak ni Bonifacio at ng Katipunan sa landas ng rebolusyon. Ibang usapin pa kung nasobrahan ito sa linaw at tapang; kung gawa ito ng mga aktibista, baka masabihan itong grim and determined. Isang maliit na kahinaan, gayunman: Hindi natapatan ang linaw at tapang ng paliwanag hinggil sa ipinakitang mga pagkatalo sa labanan ni Bonifacio. Sapat na bang paliwanag ang maagang pagkabisto rito ng mga awtoridad? O ang naisinghal ng kakampi ni Bonifacio sa eksena ng Kumbensyon sa Tejeros, na nakatipon ang mga Espanyol sa Maynila habang kaunti ang mga ito sa Cavite? Dahil sa kawalan ng paliwanag dito, may dating tuloy na nakatadhanang mabigo si Bonifacio.

Anu’t anuman, malinaw na napagtibay ng pelikula na si Bonifacio ang unang pangulo ng bansa. Ayon dito, noong Agosto 1896, nang magdeklara ng pag-aalsa si Bonifacio laban sa kolonyalismong Espanyol at pamunuan ang mga Katipunero sa pagpunit sa mga sedula sa Sigaw ng Pugadlawin, humiwalay na ang bayani sa gobyernong kolonyal at nagtayo na ng bagong gobyerno. Matutuntungan ito para ilantad ang mga kahaliling gobyernong kolonyal at neo-kolonyal, ang pagsulat ng kasaysayan ng bansa, at ang mga naging pangulo. Bukas pa sa talakayan kung makabuluhang ikampanya ang ganyang pagkilala kay Bonifacio ng gobyerno ngayon, pero matagal nang kinikilala ng mga makabayan ang mahalagang papel niya sa pagsilang ng sambayanang Pilipino.

Marami nang aktibistang nagpahayag ng pagkagusto sa pelikula. Kung palalawakin pa, marami nang nagmamahal sa bayan ang nagpahayag ng pagkagusto sa pelikula. Sa tingin ko, may mga taong gustong maging aktibista na magpapasya nang aktwal na maging aktibista pagkatapos makapanood. Para sa mga manonood na tunay na may bukas na isip, sapat na ang paglalantad ng pelikula sa pambubusabos ng mga Espanyol para makitang nagpapatuloy ang mga ito sa kasalukuyan: ang paghahari-harian ng mga awtoridad, ang pagpatay sa mga lumalaban, ang pagkakait ng kita mula sa pinagpaguran. Nakakatulong din na nadudulas ang dila ng mga karakter  ang Katipunan ay Kilusan, at ang kapatid ay kasama. Hindi pa tapos ang rebolusyon!

Trenta porsyento lang ng sinehan ang may nakaupo noong nanood ako. Pagkatapos ng huling eksena  ni Bonifacio at ng Katipunan na magiting na sumasabak sa labanan, nakakaiyak ang alab ng katapangan  nagkaroon ng impit na palakpakan. Sa labas, nakapila ang gustong mag-selfie sa mga poster ng pelikula. Nanood ako kasama ang isang batang siyam na taong gulang. Tinanong ko siya kung naintindihan niya ang pelikula. Oo raw. Sabi ko, Sige nga, ano ang natutunan mo? Biniro ko siya agad: Na pogi si Daniel Padilla? Sabi niya, Hindi ah. Bayani si Bonifacio! Traydor si Aguinaldo! Tulad ni Bonifacio na pumulot sa tela mula sa Gomburza, sanay panoorin ng mga bata at kabataan ang pelikula  na isang dagdag sa maraming titis ng pag-aalsa.

31 Disyembre 2014