Main Story

Hamon sa alternatibong midya: Palakasin ang boses ng mga mamamayan


Palakasin ang kolektibong boses ng sambayanan. Ito ang mensahe ng dalawang araw na pambansang kumperensiya ng mahigit isandaang delegado ng alternatibong midya mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa noong Oktubre 9 hanggang 10 sa College of Mass Communication (CMC) sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. “New Time, New Challenges: Strengthening the Voice of the People” ang […]

Ilan sa participants ng National Conference of the Alternative Media kung saan tinatag ang Altermidya. <strong>KR Guda</strong>
Ilan sa participants ng National Conference of the Alternative Media kung saan tinatag ang Altermidya. Darius Galang

Palakasin ang kolektibong boses ng sambayanan.

Ito ang mensahe ng dalawang araw na pambansang kumperensiya ng mahigit isandaang delegado ng alternatibong midya mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa noong Oktubre 9 hanggang 10 sa College of Mass Communication (CMC) sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

“New Time, New Challenges: Strengthening the Voice of the People” ang tema ng kauna-unahang kumperensiya ng alternatibong midya, kung saan din binuo ang Altermidya, People’s Alternative Media Network.

Binuksan ni Prop. Jose Maria Sison, chair emeritus ng International Network for Philippine Studies, ang kumperensiya. Sa kanyang keynote address, sinabi ni Sison na napapanahon ang pagkakaisa ng progresibong mga media practitioner na angkop na kolektibong tawaging “people’s media”.

The people’s media must constantly expose and oppose the anti-people character, strategies, tactics, and the most arcane tricks of the imperialist media and the local reactionary media and how these spread outright lies and disinformation. Such critique should help to counter, weaken and defeat imperialist and reactionary propaganda,” sabi pa ni Sison.

Alternative media sa kasaysayan

Inilatag din ng inimbitahang mga tagapagsalita sa kumperensiya ang kahalagahan at ambag ng alternatibong midya sa kasaysayan ng Pilipinas.

Sa kanyang pananalita sa unang araw ng kumperensiya, inilahad ni Prop. Luis Teodoro, dating dekano ng UP CMC at beteranong mamamahayag, ang rebolusyonaryong tradisyon ng alternatibong midya mula pa sa panahon ng kolonyalismong Espanyol sa mga lathalaing La Solidaridad at ang publikasyon ng Katipunan na Kalayaan.

May pangkomunidad na publikasyon rin umano noong panahon ng kolonyalismong Amerikano.

Pinasadahan naman ni Edita Burgos, asawa ng tanyag na press freedom icon na si Jose Burgos Jr. at tagapamahala ng WE Forum at Malaya, at ni Lourdes Fernandez, dating editor-in-chief ng Malaya, ang karanasan at kalagayan ng pamamahayag sa ilalim ng diktadurang Marcos.

Ibinahagi naman ni Satur Ocampo ang mga ambag ng underground press sa porma ng Ang Bayan, Taliba ng Bayan, at Balita ng Malayang Pilipinas, sa paglaban sa diktadura sa panahon din ni Marcos at pagpapalaganap ng mga balita hinggil sa rebolusyonaryong kilusan.

Tinalakay naman ni Prop. Diosa Labiste ng UP CMC ang community press bilang bahagi ng alternatibong midya. Aniya, dahil nakadikit sa mga komunidad, mas sensitibo ang community press sa isyu ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan.

Sa kanyang pagtatasa para sa dalawang araw na kumperensiya, inilahad ni Benjie Oliveros, ang naihalal na national coordinator ng Altermidya at patnugot ng Bulatlat.com, ang kahalagahan ng alternatibong midya sa kasalukuyan. Aniya’y ipinagpapatuloy ng alternatibong midya ang progresibong tradisyon sa loob ng alternatibong pamamahayag sa kasalukuyan.

Dugtong pa niya, sa pagtatasa ng mga ulat ng mga pormasyon sa loob ng kumperensiya, na walang bahid na interes ng kita o negosyo ang mga pormasyon ng midya na dumalo.

Gamit din ng mga grupo ang iba’t ibang porma ng kasalaukuyang pangmadlang midya, mula sa limbagan, radyo, websites, bidyo, hanggang social media, upang gampanin ang tungkulin sa pagpapalaganap ng impormasyon at analisis sa mga isyu sa punto-de-bista ng mga mamamayan.

Nagpasa ng resolusyon ang kalipunan hinggil sa iba’t ibang usapin na nakakaapekto sa midya at mga mamamayan sa kasalukuyan. Kabilang dito ang resolusyon para ikampanya ang tunay na Freedom of Information Act, labanan ang Cybercrime Prevention Act of 2013, gunitain ang ika-limang taong anibersaryo ng Ampatuan massacre, lumahok sa paglaban sa Charter Change at sistema ng pork barrel at itaguyod ang gender-sensitive reporting.

Nagpahayag ang bagong-tatag na Altermidya ng suporta sa nakawelgang mga manggagawa ng  Radio Mindanao Network-Davao Employees Union.

Network ng people’s media

Iniluklok bilang kauna-unhaang tagapangulo ng kalipunan si Teodoro, na board member din ng PinoyMedia Center (PMC). Hinirang naman si Oliveros ng Bulatlat bilang pambansang tagapag-ugnay.

Kasama ang Pinoy Weekly at PMC sa organisador ng kumperensiya.

Kabilang din sa mga tagapanguna ng kumperensiya ang pambansang mga grupo ng alternative media na nakabase sa Kalakhang Maynila. Kabilang dito ang Bulatlat Multimedia, Kodao Productions, Tudla Productions, Buhay Manggagawa, Arkibong Bayan, Aklat ng Bayan, College Editors Guild of the Philipppines, at ang bagong-tatag na publikasyong online na Manila Today.

Dumalo ang mga kinatawan ng alternative media outfits mula sa mga lalawigan, tulad ng Davao Today, Bicol Today, Radyo Sagada, Northern Dispatch at mga programang radyo mula sa Sorsogon, Albay, Camarines Norte, Davao, Nueva Ecija, Aurora, Dumaguete, Cebu, Tacloban, at Cagayan de Oro.

Kasama rin sa nag-organisa ng kumperensiya at kabahagi ng Altermidya ang Ibon Foundation at UP CMC.

Lumahok din ang mga grupong Southern Tagalog Exposure (STEx), Sine Panayano at Kilab Multimedia, gayundin ang indibidwal na mga media practitioner na naniniwala sa mga layunin at adbokasiya ng alternatibong midya.

Kasama rin dito ang mga media practitioner mula sa iba’t ibang sektoral na organisasyon tulad ng sa kababaihan at bata, migrante, maralitang tagalungsod, katutubo, alagad ng simbahan at magsasaka.