Pambansang Isyu

Mga petisyuner, natuwa sa pagpapalawig ng Korte Suprema sa TRO vs taas-singil sa kuryente


Bahagyang ikinatuwa ng militanteng mga grupo ang pagpapahaba ng Korte Suprema sa temporary restraining order  (TRO) sa hinihinging P4.15 per kilowatt-hour na dagdag-singil sa kuryente ng Meralco. Sa desisyon ng  Korte Suprema, inapubahan nito ang hiling ng koalisyong Makabayan para sa  60-araw na pagpapalawig ng TRO at pinigilan din ng korte ang power generators na […]

Pagbasura sa P4.15 kwh na taas singil sa kuryente ang hiling ng grupong Gabriela.  (Macky Macaspac)
Pagbasura sa P4.15 per kilowatt-hour na taas-singil sa kuryente ang hiling ng mga petsiyuner tulad ng Gabriela. Macky Macaspac

Bahagyang ikinatuwa ng militanteng mga grupo ang pagpapahaba ng Korte Suprema sa temporary restraining order  (TRO) sa hinihinging P4.15 per kilowatt-hour na dagdag-singil sa kuryente ng Meralco.

Sa desisyon ng  Korte Suprema, inapubahan nito ang hiling ng koalisyong Makabayan para sa  60-araw na pagpapalawig ng TRO at pinigilan din ng korte ang power generators na mangolekta ng karagdagang singil.

Kabilang sa mga power generator company ang Masinloc Power Partners Co. Ltd., c/o AES Philippines, San Miguel Energy Corp., South Premiere Power Corp., First Gas Power Corp. at ang National Grid Corp. of the Philippines. Kasama rin na pinigilang maningil ng TRO ang  Philippine Electricity Market Corp. (PEMC) na opereytor ng spot market.

“Hindi pa rin naman malinaw kung bababa ang singil sa kuryente, kaya kahit may ektensiyon sa TRO, hindi kami titigil sa pagprotesta hangga’t hindi tuluyang naibabasura ang hinihinging dagdag-singil,” sabi ni Gabriela Rep. Luz Ilagan, isa sa mga petitioner.

Sinabi pa ni Ilagan na kailangang ibasura na rin ng Korte Suprema ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 o Epira na dahilan ng overpricing at manipulasyon sa presyo ng mga kompanya ng elektrisidad.

Hindi sapat ang ektensiyon ng TRO sa taas singil sa kuryente dapat daw na tuluyang ibasura ito ayon sa mga militanteng grupo.  (Macky Macaspac)
Hindi sapat ang ektensiyon ng TRO sa taas singil sa kuryente dapat daw na tuluyang ibasura ito ayon sa mga militanteng grupo. (Macky Macaspac)

Sabi naman ni Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, na hindi malulugi ang Meralco dahil sa TRO.

“Ang mga konsyumer, wala halos maibayad sa kuryente dahil walang trabaho o kaya naman kulang ang sahod dahil hindi naman mabigyan ng signipikanteng maitaas ng gobyerno ang sahod,”  sabi ni Salvador.

“Mahigit sa P17 Bilyon ang net profit ng Meralco dahil sa pakikipagsabwatan nito sa power producers na karamiha’y pagmamay-ari din nito,” sabi ni Salvador.

Hindi naman din daw nangangahulugan na pumanig ang Korte Suprema sa mga mamamayan, sabi naman ng Kilusang Mayo Uno (KMU). “Resulta ito ng malawak na pagtutol ng publiko,” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.