Editor's Picks Pambansang Isyu

Biktima ng bagyo, binibiktima uli ng gobyerno


Hindi pangkaraniwang mga biktima ng bagyo ang mga mamamayan ng Compostela Valley at Davao Oriental. Noong nakaraang Disyembre, winasak ng Bagyong Pablo ang dalawang probinsya. Pagsasalarawan ng mga nakasaksi, para itong hinulugan ng bomba atomiko. Mahigit anim na milyong katao ang apektado. Naubos lahat ang mga puno, at nabuwag maging ang malalaking istruktura gaya ng […]

Barikada ng mga nakaligtas sa Bagyong Pablo sa Montevista Highway, Compostela Valley, para igiit ang pananagutan sa sakuna ng malalaking kompanya, at humingi ng ipinagkakait na relief ng gobyerno. (People's Lens)
Barikada noong Enero 15 ng mga nakaligtas sa Bagyong Pablo sa Montevista Highway, Compostela Valley, para igiit ang pananagutan sa sakuna ng malalaking kompanya, at humingi ng ipinagkakait na relief ng gobyerno. (People’s Lens)

Hindi pangkaraniwang mga biktima ng bagyo ang mga mamamayan ng Compostela Valley at Davao Oriental.

Noong nakaraang Disyembre, winasak ng Bagyong Pablo ang dalawang probinsya. Pagsasalarawan ng mga nakasaksi, para itong hinulugan ng bomba atomiko. Mahigit anim na milyong katao ang apektado. Naubos lahat ang mga puno, at nabuwag maging ang malalaking istruktura gaya ng eskuwelahan at simbahan, habang ang maliliit na kabahayan ay nagkapira-piraso.

Pero sa halip na maghintay na lamang sa mga evacuation center para sa tulong na hindi dumarating, nagkasa sila ng isang barikada. Noong Enero 15, mahigit 5,000 katao ang umokupa sa Montevista National Highway sa Compostela Valley. Hindi nila pinaraan ang mga sasakyan, hangga’t hindi sila nabibigyan ng pagkain.

“Talagang nagdesisyon kaming magbarikada dahil wala nang ibang paraan para kami ay mapakinggan ng gobyerno,” ani Karlos Trangia, isang magsasakang Lumad at tagapagsalita ng Barug Katawhan, isang bagong tayong grupo ng mga nakaligtas sa Bagyong Pablo.

Sa halip na pagmalasakitan, kinasuhan pa ng pulisya ng salang public disorder ang pitong lider ng barikada. Kinagabihan, dumating na ang tulong. Pero kasya lamang sa 10 araw ang ipinamahagi ng gobernador na relief packs at bigas. Ilang residente pa ang nakatanggap ng bulok na bigas.

Sa barikada, nangako si Sek. Dinky Soliman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng 10,000 sako ng bigas na darating umano sa susunod na dalawang araw. Pero habang sinusulat ang artikulong ito, hindi pa rin ito dumarating.

Tapos na ang bagyo pero tila nagsisimula pa lamang ang unos. Ngayon, mismong ang gobyerno ang sumasalanta sa pagsisikap ng mga biktima na makabangon. Bilang tugon, isang malaking pagkilos sa susunod na mga araw ang muling ikakasa ng Barug Katawhan.

Mapaminsalang mga kompanya

Hindi lamang relief ang hinihiling ng mga nagbarikada. Hinihiling din nila ang hustisya. Para sa kanila, may dapat sisihin para sa malubhang pinsala: ang malalaking kompanya ng troso, mina, at plantasyon na sumira at dumambong sa kalikasan.

Sa datos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), may halos 83,000 ektaryang trosohan ang sakop ng mga Integrated Forest Management Agreement (IFMA) sa Baganga, Cateel, Caraga at Manay, mga bayan sa Davao Oriental na pinakaapektado ng Bagyong Pablo. Kabilang ang IFMA sa mga hindi kasali (exempted) sa diumano’y “log ban” ni Pangulong Aquino.

Halos 20 porsiyento naman ng lupain sa dalawang probinsya ang ikinumbert sa mga plantasyon ng saging na pang-eksport, mula 2000 hanggang 2010. Inulat ng grupong pangkalikasan, Panalipdan, na maging ang conservation site na Mt. Kampalili-Puting Bato sa Compostela Valley ay pinapasok ng Dole-Stanfilco at AMS-Sumifru, lokal na subsidaryo ng mga kompanyang transnasyunal sa US at Japan.

Hirap pa ring makabangon ang mga mamamyan ng Compostela Valley at Davao Oriental sa pagkasalantag dulot ng Bagyong Pablo (PW File Photo/Romeo Quijano)
Hirap pa ring makabangon ang mga mamamyan ng Compostela Valley at Davao Oriental sa pagkasalantang dulot ng Bagyong Pablo (PW File Photo/Romeo Quijano)

Samantala, may 30,000 ektarya ng sakahan at kagubatan ang kinumbert na rin sa mga plantasyon ng palm oil at biodiesel.

Malawakan din ang pagmimina. Sa Southern Mindanao, may 37,000 ektarya ang sakop ng mga Mineral Production Sharing Agreement (MPSA), at may isang milyong ektarya pa ang sakop ng mga aplikasyon para sa MPSA at eksplorasyon.

Sa isang pahayag matapos ang Bagyong Pablo, nanawagan ang Panalipdan at isang grupo ng mga Lumad kay Pangulong Aquino: “Itigil na ang liberalisasyon at pagbebenta ng aming mga lupaing ninuno para sa malalaking kompanya. Dapat ding mapanagot ang mga kompanyang ito sa pandarambong na nagdulot sa amin ng kamatayan!”

Mahigit isang libong katao ang namatay sa bagyo, sinasabing ang pinakamalakas na nanalasa sa Mindanao sa huling 40 taon.

Ngayon, makaraan ang halos dalawang buwan, nasa bingit pa rin ng kamatayan ang mga binagyo. Walang pagkain at tirahan ang karamihan. Wasak ang mga pananim at plantasyon, kaya hindi makapagtrabaho.

Sa laki ng pinsala, kailangang umasa muna ng mga mamamayan sa tulong. “Dapat pakainin ng gobyerno ng isang taon ang mga biktima ng bagyo para sila makabangon,” ayon kay Francis Morales, executive director ng Balsa Mindanao, nangunguna sa relief operation ng mga grupong pangmasa.

‘Saan napupunta ang tulong?’

Kung tutuusin, bumabaha ng tulong para sa mga biktima ng Pablo. Nagbigay ng tone-toneladang bigas at milyun-milyong pisong halaga ng relief goods ang USAID, United Nations, at mga gobyerno ng Australia, Canada, at Indonesia. Bukod pa rito ang P18 Bilyon mula sa calamity fund ng gobyernong Aquino.

Diumano'y overpriced na bunkhouse ng DSWD (Davao Today/ Medel V. Hernani)
Diumano’y overpriced na bunkhouse ng DSWD (Davao Today/ Medel V. Hernani)

Ang tanong ni Trangia, “Saan napupunta ang tulong? Hindi ito umaabot sa mga magsasaka, lalo na sa mga liblib na lugar.” Umano’y dalawang beses pa lamang sila nakakatanggap ng relief (ang huli, resulta pa ng barikada). Iniulat din ng mga Lumad sa Baganga na binebenta ang relief packs sa halagang P200 kada isa.

Kinuwestiyon din ng mga biktima ang overpriced na mga bunkhouse ng DSWD. Naiulat sa mga pahayagan na ginastusan ng ahensiya ng kalahating milyong piso ang bawat bahay na gawa lamang sa ilang pirasong kahoy at yero. Nananawagan sila ng pagbibitiw sa puwesto ni Soliman dahil sa korupsiyon.

Dagdag pa Trangia, “Ang pagpuwersa sa amin sa mga bunkhouse ay isang porma ng hamletting. Labag ito sa aming customary laws (batas katutubo). Bakit hindi na lang kami bigyan ng mga materyales para makagawa kami ng sariling bahay?”

Inakusahan nila ang DSWD na “nakikipagkutsabahan” sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para gamitin sa kontra-insurhensiya ang relief efforts. Mga sundalo ng AFP ang namimigay ng relief goods at nagtatayo ng mga bunkhouse.

Namataan din ang mga sundalo na kasama tropang Amerikano sa Baganga. Ayon sa Barug Katawhan, tahasang panggagamit ito ng Estados Unidos sa sakuna para manghimasok sa internal na usapin ng bansa.

Ginagamit rin ang sitwasyon ng mga kompanya ng mina, troso, at plantasyon para gipitin ang kanilang mga manggagawa. “Nagsasagawa sila ng early retirement program. Pinapapirma rin sila ng kasunduan na hindi sasali sa unyon bago makapagtrabaho muli,” ani Trangia.

Kung ang mga residente ng Compostela Valley at Davao Oriental ang masusunod, hindi na dapat payagan muling tumakbo ang mga kompanya ng troso, mina, at plantasyon, at dapat mapanagot sa pandarambong at pagsira sa kalikasan. Tunay na reporma sa lupa–o pagbalik ng lupaing ninuno para paunlarin ng mga magsasaka ang kanilang hiling.

Pero sa mata ng gobyerno, rebelde ang sinumang may ganitong hiling. “Inaakusahan na kaming tagasuporta ng NPA (New People’s Army) kahit sa paghingi lamang ng relief. Bakit daw kami sasama sa rali?” ani Trangia.

Alam na niya ang sagot. Dahil kung hindi, lalo silang walang makakain. Lalo silang bibiktimahin ng gobyerno, at ng mga negosyong tila sakuna lamang ang dala.