Ang Talim at Talas ng Pitong Sundang


(Itinanghal ng SINAGBAYAN, Nobyembre 30, 2012 Bulwagang Tandang Sora, College of Social Work and Community Development, University of the Philippines, Diliman) Sa paggunita ng mga makabayang kilusan sa ika-149 kaarawan ni Andres Bonifacio, itinanghal ang dulang Ikapitong Sundang, isang sayaw na pagtatanghal na hinaluan ng paglalaro ng anino, pelikula at ilaw. Galaw ang naging pangunahing tagapagsalaysay […]

(Itinanghal ng SINAGBAYAN, Nobyembre 30, 2012 Bulwagang Tandang Sora, College of Social Work and Community Development, University of the Philippines, Diliman)

Walang kasing talas ang Pitong Sundang na patuloy sa paghasa ng kamulatang dapat baguhin ang kasalukuyang sistemang panlipunan.

Sa paggunita ng mga makabayang kilusan sa ika-149 kaarawan ni Andres Bonifacio, itinanghal ang dulang Ikapitong Sundang, isang sayaw na pagtatanghal na hinaluan ng paglalaro ng anino, pelikula at ilaw. Galaw ang naging pangunahing tagapagsalaysay sa dula at indayog ang naging tagahabi ng mga pangyayari.  Musika naman ang naging gabay sa kasaysayan ng lupa, habang naging tulay sa nakaraan, kasalukuyan, pang-aapi at paglaban, ang mga tula na pinatalas ng mga progresibong talinhaga.  Hindi lamang ang hangin ang pinadugo ng mga sundang, kundi maging ang kamalayan ng mga manonood; ang pagkamulat sa sistema ng pang-aapi’t pang-aalipin, ang kasaysayan ng pakikidigma.

Nagsimula ang dula sa pagpapakita ng isang mag-aaral na masayang nakikinig ng musika. Kasabay ng kanyang galaw ang paghawi ng kanyang uniporme sa hangin.  Kakulitan niya sa paglalaro sa lupa  ang iba pang batang anak ng mga  kasamang abala sa pagtatanim.  Ang lupa ang magsisilbing lunan ng kasaysayan, ang lupa ang magiging dahilan ng pananakop at pag-aangkin. Ito rin ang magsisilbing dahilan kung bakit kailangang patalasin ang mga sundang,  hanggang sa  maputol nito ang iba’t ibang uri ng pagsasamantala sa nakararaming mamamayan na siyang lumilikha ng yaman sa bansa.

Laman ng  indayog ang katotohanan na ang bawat isa’y mag-aaral ng kasaysayan. Ginawang katatakutan ang lupa ng mga mananakop. Pinakalat na ito’y tahanan ng mga masasamang  espiritu at dito malalagak ang mga hindi sumusunod sa simbahan, sa dagat-dagatang apoy.  Subalit kung tutuusin, ang lupa ang buhay na libong-taong kinalinga ng kamay ng ating mga ninuno.  Mahalaga ang sayaw sa puntong ito sapagkat kahit walang ginamit ng mga salita, naghuhumiyaw na narinig ng mga manonood kung bakit nananatili ang kapangyarihan sa iilan.

Sinayaw sa dula ang kalagayan ng masang magbubukid at katutubo.  Sa pamamagitan ng isang dasal-panalangin, binigyang-katuturan kung bakit dumating ang  mga halimaw na nangamkam ng lupa. Sa una’y masaya ang mga magsasaka sa pagtanim ng mga binhi ng buhay.  Dahil walang iisang nagmamay-ari sa lupa, ang anumang biyayang hatid nito’y pantay-pantay na ipinamamahagi.  Hindi nagtagal, matapos paunlarin ang lupa, dumating ang mangangamkam nito.

Pinahirapan nila ang mga nabungkal ng lupa, inangkin ang  ani sa pamamagitan ng kapirasong papel. Papatawan ang mga kasama ng sapilitang serbisyo,  bibilhin ang kanilang lakas-paggawa.  Kasabwat sa sistemang ito ang ahensiya ng militar na sa pamamagitan ng din ng sayaw, isiniwalat ang dahas ng estado. Sinayaw ang paggahasa sa yaman, sa mga babaeng mandirigma, pati ang mga pagpaslang sa mga walang muwang at karaniwang mamamayan. Tila sa yugtong ito ipinakita ang pakikipagsayaw sa kamatayan; niyuyugyog ang mga katawang walang buhay, pinagtatawanan ang karumal-dumal na krimen.  Maging ang kulunga’y ginawang espasyo ng pagtatanghal. sa pamamagitan ng mga talinghaga tumakas sa bawat rehas at alambre ng piitan, naging paraan ang sayaw upang tumakas ang mga katotohanang hindi tuwirang nasasaksihan sa pang-araw-araw na buhay.

Subalit hindi natatapos ang dula sa pamamagitan ng kalungkutan, takot at pagkasawi.  Lalong hinasa ang sundang ng mga mandirigmang nagpatuloy sa pakikidigma sa kanayunan. Nabuhay ang diwang rebolusyonaryong pilit iniiwasan o tinalikuran na ng ilan sa mga artista at alagad ng sining.  Pinatalas ng kasaysayan at proletaryadong adhikain ang dula; ang lupa ang inangkin, ang lupa ang dapat bawiin. Makakamit ito sa kolektibong lakas, sa abanteng kamalayan gamit ang makabayang sining na inaabot ang mga manonood, lalo na ang mga pinagkaitan ng karunungan at kaalaman sa produksyon ng iba’t ibang anyo ng sining.  Kaya’t nagkaroon ng transpormasyon ang dating mag-aaral ng kasaysayan; siya ngayo’y bahagi na sa paglikha nito.

Sa pagkakataong ito, itinuro ng dula na sa indayog at sayaw ng pakikibaka, hindi nabura, at kailanma’y hindi nawaglit sa ating kolektibong kamalayan ang sining ng digma. Patuloy ang pagyabong nito upang magmulat upang putulin ang pang-aapi, upang dumaloy ang makabayang adhikain ng mga artista, higit lalo ng mga manonood na binababad sa kulturang burgis, elitista at mapagkunwari.

Walang kasing talas ang Pitong Sundang na patuloy sa paghasa ng kamulatang dapat baguhin ang kasalukuyang sistemang panlipunan.