Kapirasong Kritika

Simply Jesse


Nang mamatay si Sec. Jesse Robredo ng Department of Interior and Local Government, pinapurihan siya nang todo ng gobyernong Aquino, ng mga imperyalistang institusyon, at ng grupong Akbayan, kasabwat ang dominanteng masmidya. Inilarawan siya na pulitikong malinis, tunay at puspusan sa paglilingkod, simple ang pamumuhay, malapit sa karaniwang tao, nagdulot ng mga pagbabago, at marami […]

Nang mamatay si Sec. Jesse Robredo ng Department of Interior and Local Government, pinapurihan siya nang todo ng gobyernong Aquino, ng mga imperyalistang institusyon, at ng grupong Akbayan, kasabwat ang dominanteng masmidya. Inilarawan siya na pulitikong malinis, tunay at puspusan sa paglilingkod, simple ang pamumuhay, malapit sa karaniwang tao, nagdulot ng mga pagbabago, at marami pang iba. Sinamantala ang kanyang pagkamatay at ginamit ang pagpaparangal sa kanya hindi lamang para pabanguhin ang gobyernong Aquino, kundi ang umiiral na gobyerno sa pangkalahatan.

Marami na ang nakapansin na kakatwa ang naging pagpaparangal sa kanya. Ang gobyernong nagkait sa kanya ng kontrol sa Philippine National Police kahit kasama ito sa posisyon niya, hindi pursigidong nagtulak ng kumpirmasyon niya sa Commission on Appointments, at nakatunggali niya sa ilang usapin, ay nagpakilalang kaisa at numero unong tagahanga niya. Ang pagiging bukod-tangi niyang pulitiko, ginamit para ipakitang may pag-asa pa ang nakakaraming pulitiko, para isalba ang reputasyon ng mga pulitikong may katangiang naiiba, kundi man direktang kabangga, ng kanya.

/1/

Sa kanilang sanaysay na “Jesse Robredo’s lessons for the Left,” inabante pa nina Joy Aceron at Francis Isaac ang propaganda ng mga naghahari tungkol kay Robredo para pangaralan ang Kaliwa. Bagamat konstruktibo o pamungkahi ang paglalahad, itinuturo ng mga awtor – na galing sa tatlong A: Ateneo School of Government, Active Citizenship Foundation, at Akbayan – ang itinuturing nilang mga kahinaan ng Kaliwa. Bagamat walang dudang itinuturing nila ang kanilang sarili at ang Akbayan na bahagi ng Kaliwa, malinaw na ang pambansa-demokratikong Kaliwa ang talagang pinapangaralan nila.

Inilitanya ng mga awtor ang mga pagpapahalagang pinagsaluhan umano ni Robredo at ng Kaliwa: paglilingkod sa sambayanan, pag-aangat sa kabuhayan ng mga maralita at pagbibigay-kapangyarihan sa kanila, pagkakapantay-pantay, at kahit ang “pagsisikap na baguhin ang pampulitikang sistema ng bansa…” Lumalabas, gayunman, batay sa sipi nila sa anti-Kaliwang manunulat na si Nathan Quimpo, na ang pagkakaiba lang ng Kaliwa kay Robredo ay ang nauna’y “humahantong sa hindi-tradisyunal, maging radikal o rebolusyunaryong pamamaraan” para umano “magkaroon ng kapangyarihan.”

/2/

Nasa interes nina Aceron, Isaac at ng Akbayan na gawing masaklaw ang pakahulugan sa “Kaliwa” para makasama sila rito. Ang problema, sobrang masaklaw ang depinisyon nila, sa puntong kahit ang mga sinasabi nilang pinagsasaluhan ni Robredo at ng Kaliwa ay sinasabi rin ng IMF, World Bank at mga NGO na kadikit ng mga ito. Parang gusto pang palabasing lahat ng tutol sa ganitong pakahulugan sa “Kaliwa” ay lulong sa “kaisipang vanguardist, naniniwalang may monopolyo sila sa sinseridad at kagandahang-loob, at sila lang ang mapagpasyang makakaresolba sa samu’t saring suliraning panlipunan…”

Magandang ibalik ang “Kaliwa” sa pangalang laging kadikit nito, sa pangalan ni Karl Marx – na bagamat binabanggit ng mga taga-Akbayan sa ilang pagkakataon ay hindi naman nila niyayakap nang lubos at tinutuligsa pa nga. Ayon mismo kay Marx, ang ambag niya ay “(1) ipakitang ang pag-iral ng mga uri ay nakabatay sa mga tiyak na istorikal na yugto sa pagsulong ng produksyon, (2) na humahantong ang tunggalian ng mga uri sa diktadura ng proletaryado, at (3) ang diktadurang ito ay walang iba kundi isang transisyon tungo sa pagbuwag sa lahat ng uri at sa isang lipunang walang uri.”

Sa ganitong pakahulugan, hindi talaga Kaliwa si Robredo. At isa iyun sa mainam sa kanya: hindi niya sinabing maka-Kaliwa siya at hindi siya nangahas pangaralan ang Kaliwa na tularan siya. Kung naging mabuting pulitiko man siya, iyan ay hindi para ibagsak ang kasalukuyang sistema at palitan ito ng bago, kundi, sa pinakamainam, para mapabuti ang kalagayan ng mga mamamayan – sa ilalim ng kasalukuyang sistema. Mainam ring hindi niya ipinagsigawan ang kagustuhan niyang panatilihin sa esensya ang kasalukuyang sistema pero malinaw naman ang hangganan ng abot-tanaw niya.

Walang problemang ipakita ang pinagsasaluhan ng Kaliwa at ng mga pulitikong bukod-tangi sa kabutihan. Pero ang angkinin sila bilang bahagi ng Kaliwa? May problema ang mga nagpapakilalang maka-Kaliwa na magsasabing Kaliwa si Robredo. Lulong sila sa baha-bahaging pagbabago ng umiiral na sistema at wala nang tanaw na ibagsak at baguhin ito. Dahil diyan, bilib na bilib sila sa mahuhusay na taong nagdudulot ng “pagbabago,” sa kapabayaan ng pagtitiwala at pagsandig sa masa para lumikha ng pagbabago. Tagapagpaganda sila ng nabubulok na sistema at hindi tagapagbagsak nito.

/3/

Hindi mahirap para sa Kaliwa na kilalaning “may mga lider na hindi maka-Kaliwa… na tunay na nagsusulong sa interes ng mga mamamayan.” Ang problema, sa elipsis sa naturang pangungusap, binura ang nasa parentesis na “tulad ni Robredo.” May mga lider na ang adbokasiya sa iba’t ibang isyu ay tugma sa Kaliwa; maaaring ganito si Robredo. Maaaring tanggaping angat at bukod-tangi siya sa mga pulitiko sa bansa. Pero ang sabihing nagsulong siya sa interes ng mga mamamayan sa pangkalahatan? Sobra naman yata. Nakasama ba siya sa paglaban ng mga manggagawa, magsasaka at maralita?

May mga pulitikong nagsulong sa interes ng mga mamamayan. Ang pinakamalinaw na mga halimbawa: sina Sen. Claro M. Recto, Lorenzo M. Tañada at Jose W. Diokno. Mawalang-galang na, pero malayo sa kanila si Robredo. Kailangan ding agad ihabol: ga-patak lang sila sa karagatan ng mga bulok na pulitiko at anuman ang mabuting nagawa nila ay kulang, pansamantala at madaling bawiin ng sistema. Kahit ang positibong nagawa ni Robredo: Ano nga ba ang tangkang pagloob ni Undersecretary Rico Puno ng DILG sa bahay niya kung hindi ang pagsawata sa mga imbestigasyong binuksan niya?

Tatanggihan ng Kaliwa ang paniniwalang “pwede nang makamit ang pagbabagong nagtatransporma sa buhay ng mga tao sa maraming lugar, iba’t ibang labanan, at samu’t saring larangan,” dahil ipinagpapalagay na magagawa ito sa kasalukuyang sistema. At dahil lang sa mga nagawa ni Robredo? Dahop na dahop ang maka-Kaliwang maniniwala rito: sa teoryang maka-Kaliwa, sa pag-unawa sa kasaysayan ng Pilipinas at ng mundo, sa pag-unawa sa esensyal na katangian ng lipunang Pilipino at sa pagbabagong posible rito, sa mga karanasan ng radikal na pagbabago sa mundo, sa kalagayan ng masang Pilipino.

May mga proyekto ang mga NGO at lokal na pamahalaan na bumabago sa buhay ng mga karaniwang mamamayan? Posible, pero pagbabago ba itong malalim, matagalan at tunay? Nagpapalakas ba ito sa kamalayan, organisasyon at pagkilos ng masa nang hiwalay sa Estado at mga naghaharing uri? O naghahain ng masa sa pagkontrol nila? Tumatalakay ang Kongreso ng mga progresibong panukalang batas? Progresibo para kanino? Sa IMF, World Bank at rehimeng Aquino? Malamang, ang mga nasa Kongreso, wala nang ilusyong nagdudulot sila ng pagbabago – mas angat pa kina Aceron at Isaac.

/4/

Ano kayang mga lider ang nakita nina Aceron at Isaac sa Akbayan at sobrang bilib sila kay Robredo? Marami raw lider na katulad ni Robredo na nariyan at kailangan lang hanapin ng Kaliwa. Bukas ang Kaliwa sa maraming lider, pero maraming lider-Kaliwa na puspusan at matapat na naglilingkod nang walang sweldo, yumayakap sa simpleng pamumuhay. Tahimik silang naglilingkod kahit walang midya at posibilidad na ma-midya. Matatag sila kahit laging may banta ng pagdukot, pagpaslang at pagtortyur. At inaani nila ang tiwala ng mga mamamayan, sukdulang depensahan sila ng buhay.

Dalawang pagwawasto sa mga “datos” nina Aceron at Isaac: Una, hindi mga libing ang pinakamalalaking mobilisasyon ng Kaliwa sa kasaysayan. Hindi hamak na mas malaki ang pagkilos nito sa First Quarter Storm, Edsa 1, Edsa 2 at sa iba’t ibang isyu kumpara sa kahit anong libing. Iyan ang hirap sa mga sumasangguni sa mga “prominenteng radikal na intelektwal” na mali-mali ang pag-unawa sa kasaysayan. Ikalawa, hindi radikal na hakbangin ang Reproductive Health Bill. Totoo, nilalabanan ito ngayon ng Simbahang Katoliko, pero itinutulak naman ito ng IMF, World Bank, at mga NGO nila.

Sa dulo, hindi nakakagulat at hindi palaisipan ang pag-ani ni Robredo ng parangal sa tinatawag nina Aceron at Isaac na “Kaliwa” – na walang iba kundi ang Akbayan. Kakatwang itinuturing nila itong palaisipan, patunay na wala silang kahit palatandaan man lang sa tinatahak na pulitika ng kanilang partido. Kasabwat ang Akbayan ng rehimeng US-Aquino hindi lang sa pagsusulong sa mga kontra-mamamayang patakaran nito, kundi sa pagpapatatag nito sa sarili at sa buong naghaharing sistema sa bansa. Bahagi niyan ang ibayong pagdakila kay Robredo na inabante pa ng sanaysay ng dalawa.

12 Oktubre 2012