Uncategorized

‘Leona Calderon’ ni Pilar Pilapil, binili na ng Viva Films


Aligaga ngayon si Pilar Pilapil sa pagtitinda ng kanyang pelikulang “Leona Calderon” ng Filmmakers Entertainment nila nina Jowee Morel, ang kanyang direktor at isa pang prodyuser, si Andy Villalba. Sa pagitan ng taping ng kanyang “Ina Kapatid Anak” para sa ABS-CBN, nakikipagpulong si Pilar kay Vic del Rosario, ang may-ari ng Viva Entertainment para sa […]

Pilar Pilapil
Leona Calderon
Leona Calderon

Aligaga ngayon si Pilar Pilapil sa pagtitinda ng kanyang pelikulang “Leona Calderon” ng Filmmakers Entertainment nila nina Jowee Morel, ang kanyang direktor at isa pang prodyuser, si Andy Villalba.

Sa pagitan ng taping ng kanyang “Ina Kapatid Anak” para sa ABS-CBN, nakikipagpulong si Pilar kay Vic del Rosario, ang may-ari ng Viva Entertainment para sa maayos na pagtatanghal ng pelikula.

Binili na kasi ng mga del Rosario ang obra ni Jowee na tumatalakay sa isang Overseas Filipino Worker sa London na nagtatrabaho sa siyudad na ‘yon sa loob ng tatlumpu’t limang taon pero biglang natuklasang may karamdaman siyang uterine cancer.

Ang tanong ay uuwi ba si Leona Calderon sa Pilipinas para magpagamot samantalang mauubos ang kanyang mga inipong pera pero makakapiling naman niya ang kanyang mga mahal sa buhay o mananatili siya sa London para sa kaukulang libreng medikal na pangangalaga bagamat malayo siya sa mga mga minamahal?

***

Nagkaroon ng premiere showing ang pelikula ni Pilapil sa Gateway Cinema 1 kamakailan na dinaluhan ng mga kritiko, peryodista, kapwa bituin at mga kasamahan sa trabaho ni Pilar.

Dumalo sina Morel at Andy sa okasyon at matagumpay ang pagdiriwang.

Ayon kay Bibsy Carballo, isang beteranang peryodistang pampelikula, nakakaantig ang pelikula at ang pagganap ni Pilapil sa kanyang papel.

Ang sabi naman ni Jess Evardone, kapwa artista ni Pilar ay “hindi ko akalaing gano’n ka-intense ang pagganap ni Pilar. Hindi ko akalain na kayang-kaya niya ang gano’ng papel.”

Pati ang mga taga-Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB ay naghohosana kay La Pilapil: “It’s an immortal acting for her.”

Dumalo sa premiere night ang anak ni Pilar na si Pia Pilapil kasama ang asawa nitong bulag na modelong si Gerry Gonzalo at ang kanilang mga anak.

Nandoon din ang mister ni Pilar na si Pastor Bernie Peñas, ang aktres na si Liza Diño, ang mga direktor na sina Nick Lizaso at George Vail Kabristante, ang tenor at aktor na si Miguel Castro, ang aktres na si Deborah Sun gayundin ang mga peryodistang pampelikulang sina Zaldy Rolex, Arthur Quinto, Ricky Calderon, Dennis Adobas, Anthony Solis, William Reyes, Danny Vibas at JC Nigado.

***

Kahit ang mag-amang Vic at Vincent del Rosario, Jr. ay panay ang papuri kay Morel sa paggawa ng pelikula.

“It’s already a classic,” pahayag daw ni Vincent,

Kaya naman hindi na nagpatumpik-tumpik ang mga del Rosario sa pagbili ng karapatang pagmamay-ari sa obra sa pagpapalabas sa mga sinehan.

Gayunman, iba pa rin ang pagbili nito para sa telebisyon, para sa video, para sa iba pang pamamaraan ng pagmamay-ari.

Basta’t ang napagkasuduan pa lang ngayon nina Pilar, Jowee at Villalba ay ang pagpapalabas ng Viva Entertainment sa pelikula sa mga sinehan

***

At alam ba ninyong ikinontrata na ni Boss Vic sina Pilar at Jowee sa ilalim ng kanyang produksyon?

Kaya Viva Films artists na sina Pilapil at Morel.

May nakalaan nang mga proyekto ang Viva Entertainment sa dalawang alagad ng sining.

May binanggit nang teleserye si Vic kay Jowee na gagawin sa kumpanya para ipalabas sa TV5 kaya naman nananabik na ang Fil-Briton filmmaker na makapagtrabaho sa organisasyon.

Nasa Bali, Indonesia pa lang ngayon si Morel para sa kanyang bakasyon kasama ang isa pa niyang kaibigan at prodyuser, si Simon Luckin.

Tatlong linggo ang gugugulin nina Jowee at Simon sa Bali pero ayon sa direktor, anumang oras na ipatawag siya ng Viva Entertainment sa anumang gawain tatapusin niya ang kanyang bakasyon grande para makapagtrabaho.

Samantala, sa Marso na ang pagtatanghal ng “Leona Calderon” at kinakabahan na sina Pilaring, Jowee at Andy sa kalalabasan ng obra sa takilya at sa mga kritiko.