Migrante

Ang bagong kahulugan ng ‘Katas ng Saudi’


Pampasaherong dyipni. Mga alahas. Bahay at lupa. Ito ang dating nabansagang “Katas ng Saudi” dahil marami sa mga migranteng Pilipino na nagtrabaho sa Saudi Arabia noong dekada ’70 at ’80 ay nakapagpundar ng mga ito matapos magbanat ng buto sa isa sa pinaka-represibong bansa sa buong mundo. Pero ngayon, tila iba na ang kahulugan ng […]

Evelyn Banez, asawa ni Danilo na isa sa tinaguriang Saudi 200++. (Darius Galang)
Evelyn Banez, asawa ni Danilo na isa sa tinaguriang Saudi 200++. (Darius Galang)

Pampasaherong dyipni. Mga alahas. Bahay at lupa. Ito ang dating nabansagang “Katas ng Saudi” dahil marami sa mga migranteng Pilipino na nagtrabaho sa Saudi Arabia noong dekada ’70 at ’80 ay nakapagpundar ng mga ito matapos magbanat ng buto sa isa sa pinaka-represibong bansa sa buong mundo.

Pero ngayon, tila iba na ang kahulugan ng “Katas ng Saudi.” Para sa mga manggagawang Pinoy na pinagkaitan ng karapatan ng mga employer nila, saka pinabayaan ng gobyerno ng Pilipinas, pawis at dugo – ibayong paghihirap nang walang kapalit na ginhawa – ang “Katas ng Saudi.”

Isa sa naghihirap na mga Pilipino si Danilo Bañez. Ang kanyang asawang si Evelyn, magkahalong lungkot at inis ang naramdaman tuwing naiisip ang sinasapit hanggang ngayon ng kanyang asawa na nasa Saudi pa, di pa makauwi.

Lungkot, dahil alam niya ang hirap na kasalukuyang nararanasan ni Danilo sa pinagtatrabahuhang bansa. At inis, dahil batid niyang dapat na may pananagutan at may kapasiyahan ang pamahalaan ng Pilipinas upang mapauwi sila.

Isa lang si Evelyn sa mga kaanak ng tinaguriang Saudi 200+, mga manggagawang hindi makalabas ng naturang bansa – pinagkaitan ng kanilang mga benepisyo, karapatan, pati ng serbisyo ng sariling gobyerno.

Katas ng Saudi?

Isa si Danilo sa 88 manggagawa ng Al-Suwayeh, isang kompanyang kontratista ng mga manggagawa sa Saudi. Natapos na ang ikatlong kontrata ni Danilo sa naturang bansa bilang tile setter, pero sa salaysay ni Evelyn, nag-iba ang designasyon ng kanyang asawa pagkatapos nito.

Natapos na ang kontrata niya noong Marso pa ng nakaraang taon. Hindi maibigay ang ilang benepisyo sa mga manggagawa dahilan ng pagka-bangkarote ng kumpanya. End of service benefits na lang ang hinihintay nila, marami pang hintayan ang naganap.

“Kung baga, sa asawa ko, ikatong contract niya na, kaya bale anim na taon na ang hinahabol niya roon. ’Yung iba, may 18 taon, 20 taon, ang pinakamatagal na ay 30 taon. So yung mga taong iyon, sila yung malaki-laking hahabulin na end-of-service benefits. Konsuwelo na nila iyon. Isa iyon na dapat binabayaran ng kumpanya, na nakakapagpabigat sa bayarin niya.”

Ngayong nakapagpahayag na ng pagkabangkarote ang kompanya, hindi na ito maibibigay, kundi man mugmog na lamang ang maibibigay na mga benepisyong ito.

“Sa ngayon, hindi pa rin mabigyan si Danilo ng exit visa,” saad ni Evelyn. Kasama ng asawa niya ang ilan ilan pang kasalukuyan ay walang trabaho at walang kabuhayan sa Saudi. Isa lamang ang Al-Suwayeh sa anim na kompanyang nagsaad ng pagkabangkarote.

“Isa lang ang Al-Suwayeh pero dito ang pinaka-malaking ratio ng mga Pilipinong nawalan ng trabaho,” paliwanag ni Evelyn.

Sa hinaba-haba ng kanilang pagdurusa, naisip nilang gumawa ng ingay. Nagsagawa sila ng hunger strike, maging ang pag-okupa sa embahada, upang pukawin ang pansin ng gobyerno ng Pilipinas.

Ang naglaon na desisyon naman ni Bise-Presidente Jejomar Binay ay dahil na rin sa ilang kakilala ng ilang trabahador sa Saudi sa istap ni Binay. “Na-try niyang kontakin ’yung isang malapit na istap ni Binay,” kuwento ni Evelyn.

“Noong mga panahon na rin na iyon, nasa sasakyan daw si Binay (at iyung istap niya). ’Yun ’yung panahon na sinabihan siya na ‘sige bigay mo ‘yung buong detalye, thru text.’ Kaya ibinigay naman nung isang kasama namin. That day rin, tinawagan siya, na magbigay ng detalye ng kaso ng Al-Suwayeh, at i-fax the following day,” aniya.

Tagumpay man na naipaabot ang kaso, Al-Suwayeh lang ang nabanggit sa pahayag ni Binay. Sa inilabas na press statement ni Binay, sinabi niyang pauuwiin na raw ang mga manggagawa ng Al-Suwayeh bago matapos ang Oktubre.

Pero hindi kumbinsido si Evelyn sa mga interbensiyon ni Binay at ng embahada sa Saudi. “Kuwestiyonable pa nga sa akin na magagawa nila iyan,” sabi ni Evelyn, “kasi may holiday ang Saudi ng Oktubre.”

“Kung nag-pertain lang siya sa report ng embassy (na aasikasuhin nila ang pag-uwi nina Danilo), eh malabo,” anas ng ginang. “Noong gabi kasi na iyon, kaka-text pa lang ng asawa ko, na nag-meeting sila ni Labor Attache Valenciano, at sinabi daw (ni Valenciano) na ‘yung covered ng (recruitment) agency na Nawras na 15 OFWs ng Al Suwayeh ay inaasikaso personally ng liaison officer ng Nawras (hindi ng embahada). Napilitan na gawin iyon (ng liaison officer ng Nawras) dahil sarado na ang recruitment agency nila rito sa Pilipinas.”

Ang tanong nga ng kanyang asawa kay Valenciano: “Paano naman kaming mga balik-manggagawa? Anong gagawin namin, sino ang hihintayin naming aasikaso?” Sinagot naman umano ng labor attache na “baka puwede munang paratingin sa nakatataas” at “tignan natin”.

“Hindi pa pala umaabot sa taas ’yung real score, kung baga,” inis na salaysay ni Evelyn.

Gobyernong PH: Usad-pagong

Diin ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, dahil dokumentado ang mga manggagawa na ito, inisyatiba na ng gobyerno dapat ang mamuno sa kanilang paglikas sa bansa, kasama man ang nag-empleyo sa kanila.

“Nagdedepende kami pa rin mismo sa kakayanan ng employer kasi na mag-release ng exit visa. Laya matagal na ’yung panawagan namin na immediate intervention ng Philippine Government dito sa usapin ng exit visa. Dahil unang una, ang mga kompanya, partikular sa Al-Suwayeh, ay sarado na. Pangalawa’y suspended na ’yung mga agency dito,” paliwanag ni Martinez.

At nakita ni Martinez ang kabagalan ng gobyerno, bukod pa sa tila inutil nitong pagkilos kung titignan ang mga rekurso na nasa kamay nito.

“Dapat nga nang nawalan ng trabaho (ang mga manggagawang Pinoy sa Saudi), nang sinabi nang natalo na ’yung kompanya, bankrupt na, dapat automatic na ginagawan nila kaagad ng paraan at hindi dapat iasa sa mga recruitment agency. (Tutal) narito naman sila sa Maynila. Dapat immediately nahanap ’yan ng accommodation,” sabi pa ni Martinez.

Pangalawa, ayon pa sa lider-migrante, dapat na isahanda ang mabilisang pagsasaayos ng exit visa. Paliwanag ni Martinez, dapat na ginawa ng embahador na inutusan ang kanyang labor attaché – na siya naming nag-apruba ng job order – na agad na magbigay ng exit visa para makauwi na ang naistranded na mga migrante.

“’Yung mabagal na aksiyon na ganito ng gobyerno ang nagpapatagal,” sabi pa niya.

Nagkaroon man ng ilang pahayag ang panig ng pamahalaan, lalo na ang pahayag ni Binay, na magpapauwi sila ng mga manggagaling sa Saudi, hindi pa rin kuntento ang mga kaanak nila. Kung makakauwi man sila, hindi pa ito dahil sa pana-panahong pahayag ng mga pulitiko, kundi sa pagpepresyur pa ng mismong mga manggagawa at Pinoy sa Saudi.

“Sana naman ay hindi maliitin ang mga pagkilos ng mga pamilya nila,” dugtong ni Martinez.

Karapatan ng mga manggagawa

Martsa/karaban ng mga migrante patungong Mendiola para simbolikong bigyang ng subpoena si Pangulong Aquino para sa MIgrants Tribunal sa Nob. 28-29. (Kontribusyon)
Martsa/karaban ng mga migrante patungong Mendiola para simbolikong bigyang ng subpoena si Pangulong Aquino para sa Migrants Tribunal sa Nob. 28-29. (Kontribusyon)

Hindi bulag si Evelyn sa usapin kung may karapatan ang mga manggagawang tulad ng kanyang asawa, tulad na lamang sa Repatriation Fund, na mismong mga overseas Filipino workers (OFW) ang nagbabayad.

Binalikan pa nga ni Evelyn na binabayaran nila ng tama ang mga bayarin bago pa makaalis ng bansa ang kanyang asawa. “Bakit hindi kayang sagutin ng OWWA ‘yung gastusin? Kung blood money nga – para sa nakapatay – ay naipo-provide, so how come sa mas mababang halaga lang na para doon sa pauwi lang naman ay hindi nila ma-provide?”

“Ibig sabihin (lang nito), wala pala kaming mahihitang tulong sa inyo?” patuloy na inis ng ginang.

Inubos ni Evelyn ang rekurso ng kanyang pamilya. Humingi siya ng tulong kahit sa ilang media outfits para maisapubliko ang kanyang hinaing, hindi lamang para sa kanyang asawa, ngunit para rin sa daan pang hindi makauwi sa bansa. Hanggang sa humingi na siya ng tulong sa Migrante International.

Patuloy na umuugong ang pagkilos at protesta ng mga kaanak ng mga nasa Saudi.

“Ang mas masakit lang sa kanila, mula noong nanawagan silang gusto na nilang mapauwi, at naniniwala sila sa sinasabi ng embahada, pinanghahawakan nila ’yung ganyang salita. Pero ngayon, dismayado sila lalo na noong mag-decide na silang mag-hunger strike, nang mag-occupy ng embassy aytalagang lalong nadagdadagan ang sama ng loob nila ngayon,” sabi pa ni Evelyn.

Kakatasin?

Ang siste, hindi pa nga napapauwi ang lahat ng mga Pilipinong tulad ni Danilo, patuloy pa rin ang pagpasok ng mga Pilipino sa Saudi.

Nakapasok sa isang kasunduan ang Pilipinas at ang kaharian ng Saudi Arabia. Unang lumutang ang PH-Saudi Unified Contract noong dekada ’90 at umani agad ito ng disgusto mula sa hanay ng mga OFW maging sa recruitment agencies. Kahit pa dinagsa ito ng batikos kasama ng mga protesta, maging ng isang temporary restraining order mula sa korte, ipinatupad ito noong 2003 sa ilalim noon ni Labor Secretary Patricia Sto. Tomas.

Sa ilalim ng kasunduang ito, maraming paglabag sa kontrata ang malayang magagawa at magiging lehitimo ng mga kompanya at recruitment agencies sa Saudi.

“Ibig sabihin, kahit na compliant sa POEA terms ang kontratang pinirmahan dito ng OFW, malayang baguhin ito ng mga kompanya o ahensiya sa Saudi, ayon sa nakasaad sa unified contract,” paliwanag ni Martinez.

Hindi naman panig, ayon kay Sec. Rosalinda Baldoz ng DOLE, ang kanyang kagawaran sa ganitong patakaran. Pero inamin niyang mayroon ngang unified contract. At wala pa siyang ginagawang hakbang para matigil ito.

“Samantala, 800 hanggang 900 OFWs ang lumalabas ng bansa patungong Saudi araw-araw, na walang malinaw na interbensiyon na ginagawa ang DOLE o ang Department of Forteign Affairs para ihinto ang tahasang paglabag sa labor rights. Patunay lamang ito na nagbubulag-bulagan ang pamahalaan upang hindi masira ang Saudi job market,” dughtong ni Martinez.

Sa isang press conference sa tanggapan ng Migrante International nitong Oktubre, nagtipon-tipon ang ang ilang nakauwi na mula sa Saudi, maging ang mga kaanak ng hindi pa, upang ipanawagan na sagutin na ng gobyerno ang kanilang mga hinaiing.

Bukod pa ito sa dagliang pagpapauwi na ng tulad ni Danilo. Natanto at nagkaisa na rin ang mga kaanak ng mga istranded na OFWs na may seryosong problema ang isang sistemang nangangalakal ng lakas-paggawa ng mga Pilipino para sa ibang bansa – nang halos walang proteksiyon mula sa gobyernong nangangalakal sa kanila.

Noong Oktubre 24 hanggang 25, dinala nila sa tarangkahan ng DFA at DOLE, hanggang paanan ng Mendiola, Manila, ang “Katas ng Saudi”: nagkaraban ang mga kaanak nina Danilo para iharap sa madla at sa gobyerno ang paghihirap ng Saudi 200++.

Sa Mendiola, simbolikong nagbigay sila ng subpoena sa Malakanyang para panagutin ang pangulo, hindi lang sa kaso ng Saudi 200++, kundi sa polisiya nitong pag-eksport sa lakas-paggawa para sa kapakinabangan ng dayuhang mga interes. Sa Nobyembre 28-29, isang Migrants’ Tribunal ang gaganapin sa Maynila para husgahan ng mga migrante ang labor-export policy ng mga bansang tulad ng Pilipinas. Ilalantad din sa tribunal na ito ang kalupitang dulot ng naturang polisiya sa mga tulad nina Danilo at Evelyn.

Ilalantad nila ang bagong “Katas ng Saudi.”