Kabayanihan ni Arman

Sa telebisyon unang nabalitaan ni Adelisa na namatay sa isang engkuwentro ang kanyang nakatatandang kapatid na si Arman. “Noong una, hindi kami naniniwala dahil laging nababalita namatay na si Ka Arman,” kuwento niya

Sa telebisyon unang nabalitaan ni Adelisa na namatay sa isang engkuwentro ang kanyang nakatatandang kapatid na si Arman. “Noong una, hindi kami naniniwala dahil laging nababalita namatay na si Ka Arman,” kuwento niya.

Tatlong taon na ang nakakaraan nang magpasya si Arman Albarillo, pangkalahatang kalihim noon ng Bagong Alyansang Makabayan- Southern Tagalog, na sumapi sa rebolusyonaryong New People’s Army (NPA). Panahon noon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, at kinasuhan ng kasong kriminal si Albarillo at 71 pa, sa isang crackdown sa mga lider progresibo sa rehiyon.

Pinarangalan ng iba't ibang progresibong grupo si Arman Albarillo, bayani at martir ng sambayanan. (KR Guda)
Pinarangalan ng iba’t ibang progresibong grupo si Arman Albarillo, bayani at martir ng sambayanan. (KR Guda)

Hindi nagtagal ang pagpapasya ni Arman. Sa halip na tumigil sa pagkilos, magtago, o maging bukas na target ng pamamaslang gaya ng kanyang mga magulang, sumapi sa NPA si Arman at hindi na muling narining pa sa kalunsuran.

Hanggang noong Hunyo 30. Noong gabing iyon, nakumpirma ng pamilya Albarillo ang masamang balita. Kinumagahan, agad lumuwas ang pamilya sa San Narciso, Quezon, para kunin ang bangkay ni Arman. “Hawak siya ng militar. Matagal pa bago binigay siya sa amin, kasi ayaw kami palapitin. Inabot kami ng dalawang gabi bago namin nakuha ang bangkay… Ang malupit pa doon, hindi nila nilagyan ng gamot (ang bangkay), basta na lamang ibinalot sa plastik,” sabi ni Adelisa, sa panayam ng Pinoy Weekly.

“Halos maglasug-lasog ang katawan ni kuya, tapos yung kamay niya putol pa. ‘Yung ulo niya basag din. Hindi makatao ang pagpatay sa kanya. Kumbaga, tinuring siya na parang hayop,” dagdag ni Adelisa.

Sampung taong gulang noon si Adelisa nang paslangin sa brutal ding pamamaraan ang kanyang mga magulang na sina Expedito at Manuela Albarillo sa loob ng kanilang tahanan sa San Teodoro, Mindoro. Koordinador ng progresibong party-list na Bayan Muna, binaril sa mukha si Expedito at ang kanyang asawanoong 2002 ng umano’y mga sundalo sa ilalim noon ni Hen. Jovito Palparan.

Ayon kay Adelisa, ang paghahanap ng hustisya para sa kanyang mga magulang ang isa sa mga nagtulak kay Arman na mamundok. Subalit sa isang umano’y engkuwentro na ibinibida ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang hudyat ng “katapusan” ng NPA sa Quezon, nasawi siya at 10 pang rebelde.

Sampung taong gulang din ngayon ang panganay ni Arman, na may naulilang tatlong anak.

Mahusay na lider

Sa dalawang gabi ng parangal para kay Arman noong Hulyo 5 at 6 sa UP Parish of the Holy Sacrifice, malinaw na ang kanyang pagkamatay ay hindi lamang kawalan ng kanyang pamilya, kundi ng isang malawak na kilusan.

Ang kilusang ito ang nanguna sa pagbibigay-pugay sa tinaguriang “bayani ng sambayanan.” Daan-daang mga maralitang lungsod, magsasaka, kasapi at lider ng iba’t ibang organisasyong masa ang dumalo sa burol ni Arman at Darwin Amay, isang maralita mula sa isang relocation site sa Laguna na napaslang din sa parehong engkuwentro. Marami ang nagalit at naluha nang makita ang lagay ng dalawang bangkay.

Isang ordinaryong manggagawa sa pagawaan ng bag at sandalyas si Arman nang paslangin ng mga sundalo ang kanyang mga magulang na magsasaka. Gaya ng iba pang biktima ng terorismong inihasik ni Palparan sa isla ng Mindoro, napilitan si Arman at pito pa niyang kapatid na magbakwit.

Kinanlong sila ng mga organisasyong pangkarapatang pantao. Dito nagsimulang mamulat si Arman.

Ayon nga kay Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, ninong ni Arman sa kasal, “Nang angkinin ni Arman ang tungkuling humanap ng katarungan sa pagpaslang ng kanyang magulang, napag-alaman niyang hindi iyon nakabukod na pangyayari, kundi bahagi ng matagal na at malawak na karahasan ng estado laban sa mga mamamayan.”

Noong 2004, naging koordinador ng Bayan Muna-Southern Tagalog si Arman, at naging pangkalahatang kalihim naman ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) noong 2005.

Bilang lider ng Bayan, napamahal di Arman sa maraming mahihirap at inaapi. Pangunahin na dito ang mga maralita ng Sitio Kabute, Calamba, Laguna, isang komunidad na nahaharap sa demolisyon.

Piket noong Hulyo 5 sa tapat ng Department of National Defense ng mga aktibistang nagmamahal kay Arman. (Gregorio B. Dantes, Jr.)

Kuwento ni Nanay Pacing, residente ng Sitio Kabute, si Arman ang nagturo sa kanilang mag-organisa at lumaban. “Simula noon, kapag nagkakaproblema kami, hindi na kami nagpupunta ng barangay. Siya na ang nag-aayos ng problema namin…Nandoon pa kami (sa Sitio Kabute) hanggang ngayon dahil sa kanya. Kahit tinambakan kami ng militar, di kami napaalis dahil sa mga itinuro niya. Idolo ang turing namin sa kanya.”

Nakilala si Arman bilang isang bukod-tanging lider-masa. Mahusay sa pananalita, militante, at masigasig.

Ayon kay Doris Cuario, dating pangkalahatang kalihim ng Karapatan-ST, at matagal nakatrabaho ni Arman, “Siya ang mass leader na gagawin pa rin ang streamers kung walang gagawa, o kaya magkukumpuni ng stage. Wala siyang pinipiling trabaho. Magtatrabaho siya kahit 24 oras.”

“Hindi mo siya makikitaan ng pagod, at waring walang pamamahinga,” ayon naman kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano, na nakasama si Arman sa di-mabilang na lakbayan ng mga magsasaka.

Masayahing kasama

Seryoso si Arman sa trabaho, pero masayahin ding indibidwal. “Lagi niyang pinatatawa ang mga kasama sa pamamagitan ng mga kuwentong bukid,” ayon kay Cuario.

Mahusay din si Arman sa pakikitungo sa mga miyembro ng midya. Naging kaibigan pa niya ang ilan, gaya ng reporter ng GMA-7 na si Maki Pulido na gumawa ng dokumentaryo hinggil sa kanilang pamilya. “Madalas siyang tumawag at magreport sa radyo,” kuwento pa ni Orly Marcellana, tapagsalita ng Katipunan ng mga Magsasaka ng Timog Katagalugan.

Nang maulila, naging “pangalawang ina” ni Arman ang asawa ni Orly na si Eden, dating pangkalahatang kalihim ng Karapatan. Subalit pinaslang din si Eden ng mga sundalo noong 2003 sa Mindoro. Kasama si Arman sa grupong kumuha noon ng bangkay nina Eden at magsasakang si Eddie Gumanoy.

Kalaunan, naging aktibo ang papel ni Arman sa kilusang nais patalsikin sa puwesto si Arroyo. Sa panahong ito, nakahalubilo niya ang mga personaheng anti-Arroyo gaya nina dating bise-presidente Teofisto Guingona, aktor na si Pen Medina, at iba pa.

Komento ni Cuario, madaling makibagay si Arman kayninoman. “Puwede mo siyang ilagay sa sosyalan kung kinakailangan. Puwede mo rin siya ilagay sa mahirap na mahirap na sitwasyon.”

Ang hindi lamang kailanman makakasundo ni Arman, ang mga puwersang pinaniniwalaan niyang nagpapahirap sa mahihirap at inaapi na kanyang pinaglilingkuran.

Hindi nagtagal, kahit isang sibilyan, nalagay sa Order of Battle ng Armed Forces of the Philippines si Arman. Inakusahan siyang rebelde at sinampahan ng gobyernong Arroyo ng umano’y gawa-gawang mga kasong kriminal na multiple frustrated murder at multiple murder. (Kalauna’y ibinasura rin ang nasabing mga kaso)

Noong 2008, kinausap ng mga ahente ng Intelligence Service of the AFP si Arman at inalok na maging impormante kapalit ng malaking halaga ng pera. Mariing tinanggihan ito ni Arman.

“Gawin na lang nila ang gusto nilang gawin sa akin tulad ng kanilang ginawa sa aking mga magulang. Hinding-hindi ako titigil sa paghahanap ng hustisya para sa aking pamilya at buong sambayanan,” sabi noon ni Arman, bago siya tuluyang mamundok.

Sa piling ng mga magsasaka

Sa parangal kay Arman, ipinalabas ang isang bidyo na nagpapakita kay Arman bilang isa nang rebelde. Ganoon pa rin ang kanyang ginagawa—nakikipag-usap sa mga magsasaka, tinutulungan sila sa kanilang problema sa lupa. Ang tanging pinagkaiba, armado na siya.

Isang magsasakang natulungan ni Arman sa mga kabundukan ng Quezon ang nagsalita rin sa parangal. “Siya ang naging parang abogado namin. Ang taong ito ay mapagmahal, matulungin. Wala siyang pinipiling tao basta lumapit sa kanya. Pakiramdam ko nawalan ako ng paa at kamay. Nawala na ‘yung tagapagtanggol namin,” ayon sa magsasaka.

Kuwento ni Adelisa, masayang-masaya ang kanyang kuya sa piniling landas. (Panoorin ang bidyo)

Ipinakita ni Arman na tunay ngang “the best and the brightest,” o ang pinakamahuhusay na indibidwal ng kanyang henerasyon ang nahihimok makibaka, ayon pa kay Ocampo.“Malinaw kay Arman na walang saysay ang buhay ng isang tao kung wala siyang kalayaan, kung walang katarungan sa lipunan, kung ang katotohanan ay hindi pwedeng maisiwalat…Kapag hindi nalutas ang mga problema ng pasalin-salin lamang na mga nakaupo sa gobyerno, dadami ang makikibaka na may malinaw na tanawin ng kanilang pupuntahan.”

Ganito rin ang sinabi ni Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bayan. “Akala nila na kapag pinatay nila ang isang rebolusyonaryo, nagtatapos na ang rebolusyon. Hindi nila maintindihan ang batas ng mga uri…Na nabubulok na ang sistema at may sumisibol na bago,” aniya. Para sa mga martir gaya ni Arman, “pararangalan natin sila hindi sa pamamagitan ng mga bulaklak at rebulto, kundi sa pagsisiguro na magtatagumpay ang rebolusyong sinimulan nila,” dagdag niya.

Kahit nagluluksa, handa ang pamilya Albarillo na tanggapin ang pagkamatay ng kapatid na tinuring nilang pangalawang ama. “Proud kami sa kung anong pinili niyang buhay, sa kung ano ang pakikibakang gusto niyang gawin, dahil alam naming tama,” sabi ni Adelisa.

Tinanggap ng panganay ni Arman, ang 10 taong gulang na si Arkian, ang isang kahoy na tropeo, lilok ng isang kamao na may hawak na karit. Simbolo ito ng kabayanihan ng kanyang ama—ang kanyang tanging mapanghahawakan sa pangungulila, gaya ng marami pang minahal at iniwan ni Arman.