Kapirasong Kritika

Napikon sa Noynoying


Sa mga matagal nang nakakabasa ng mga sulatin ni Joel Rocamora, dating presidente ng Akbayan at ngayo’y hepe ng National Anti-Poverty Commission, may ilang bagay na kapansin-pansin sa kanyang depensa sa pangulo laban sa nauusong “Noynoying.” Sa titulo pa lang na “?Noynoying’ is [the RAs are] Annoying,” napakatahas na ng kanyang tono. Wala na ang mapagpatawa, palabiro, at mapangutyang estilo na gamit niya lalo na sa pagbanat sa Kaliwa. Tirang pikon siya: “annoying political gimmick,” “cheap publicity gimmick.” Ganyan siguro talaga ang transisyon mula sa mga kontra-Kaliwa at mayayamang NGO patungo sa mismong trono ng kapangyarihang pampulitika sa bansa.

Sa mga matagal nang nakakabasa ng mga sulatin ni Joel Rocamora, dating presidente ng Akbayan at ngayo’y hepe ng National Anti-Poverty Commission, may ilang bagay na kapansin-pansin sa kanyang depensa sa pangulo laban sa nauusong “Noynoying.” Sa titulo pa lang na “’Noynoying’ is [the RAs are] Annoying,” napakatahas na ng kanyang tono. Wala na ang mapagpatawa, palabiro, at mapangutyang estilo na gamit niya lalo na sa pagbanat sa Kaliwa. Tirang pikon siya: “annoying political gimmick,” “cheap publicity gimmick.” Ganyan siguro talaga ang transisyon mula sa mga kontra-Kaliwa at mayayamang NGO patungo sa mismong trono ng kapangyarihang pampulitika sa bansa.

Nakilala ng marami si Rocamora bilang opisyal ng Akbayan na, tulad ng kanyang barkadang si Mon Casiple, ay rumaraket din bilang “independyenteng manunuring pampulitika.” Bago niyan, nakilala siya ng ilan bilang awtor ng librong Breaking Through [1994] at iba pang katulad na sulatin – bumabanat sa Kaliwa, nag-uugnay ng mga hayag na organisasyon sa tinatawag na underground, at nagsisiwalat ng mga lihim ng underground. Sa librong iyun, makapal pa ang pagpapanggap niya bilang maka-Kaliwa, bagamat pinupuri na niya ang programang “Philippines 2000” ni Fidel Ramos. Ang totoo, “breaking away” sa Kaliwa ang ginawa niya sa librong iyun, o bago pa man.

Anu’t anuman, hepe na siya ng NAPC ngayon at malapit na kadikit ni Pang. Noynoy Aquino. Sa ganito mainam makita ang mga kahinaan ng sanaysay niya. Sabi niya, “maayus-ayos na gimik” ang Noynoying kaya nakakuha ng kaunting puwang sa midya. Nalimutan niyang idagdag na ang pangunahing midya sa bansa, maka-Noynoy. Humantong daw ang mga “pampulitikang kaaway” ng gobyerno sa Noynoying dahil nahihirapan silang banatan ang mga patakaran ng gobyerno. Mali: Sa pagbanat sa mga patakaran ng gobyerno nagmula ang Noynoying. Kapos sa diskarte o arte man lang ang pagtanggi niya: “Masasabi ko nang buong pagmamalaki: hindi tamad o bobo si PNoy.”

Pero ang malaking kahinaan ng sanaysay niya, pinapakitid ang ibig sabihin ng reporma sa pamamagitan ng pag-angkin dito. Pansinin muna natin ang modang buhat-bangko niya: Ipinagtatanggol niya si Noynoy pero sabi niya, “Ang pagpayag [ni Noynoy] na bigyang puwang ang kanyang Gabinete na magpanimula ng mga patakarang pang-reporma ang siyang nagbigay-lakas sa gobyernong ito para magpatupad ng mga mayor na reporma…” Ano ba talaga? Ipinagtatanggol ba si Noynoy o inilalaglag? Noynoying ba o hindi? Pero mas mahalaga: Nasaan ang reporma? Siya mismo, nagdadahilan na hindi ito makakaabante kung hindi mapapanagot si Gloria Arroyo – na hindi pa napapanagot.

At mga pambansang demokrata pa raw ang ayaw sa reporma! Hadlang daw ito sa “katuparan ng kanilang iniilusyong rebolusyon!” Ang totoo, kung may lumalaban man para sa reporma sa ilalim ng gobyernong Aquino, iyan ay walang iba kundi ang mga pambansang demokrata. Tunay na reporma – iyung magbibigay ng ginhawa sa mga mamamayan. Ang problema, hindi ito maibigay ng gobyernong Aquino. Kaya lumalakas ang paghahangad ng mga tao ng tunay na pagbabago. Kaya nga isang pagwawasto: Mga magbubukid ng Hacienda Luisita ang lumaban para sa pamamahagi ng lupa doon, hindi ang gobyerno. At katuwang nila, hindi kalaban, ang mga pambansang demokrata dito.

Pero hindi kalinawan ang gusto ni Rocamora sa sanaysay na ito. Gusto lang niyang takutin ang publiko, palabasing maka-Kaliwa – Maoista pa nga – ang Noynoying. Naisip kaya niyang sisihin si Francis Tolentino, hepe ng Metropolitan Manila Development Authority na nagbawal sa mga aktibista na mag-planking sa protesta kung saan isinilang ang Noynoying? Pero hindi na si Tolentino o mga aktibista ang may kasalanan sa Noynoying, kundi si Noynoy mismo. Pumatok ang Noynoying dahil sapul nito ang sentimyento sa pangulo ng mga mamamayan. Sa likod ng masasayang ngiti at masasarap na pangako ng pangulo, ramdam ang pagtindi ng hirap at gutom ng mga tao.

Para itong “Imeldific” at “Marcosian,” pero naimbento habang presidente pa si Aquino.

25 Marso 2012