Sentensiyang walang hustisya


Nasa maximum security cell man ng New Bilibid Prison, hindi tunay na mga kriminal ang mga bilanggong pulitikal, kundi biktima ng kriminalisasyon ng mga adhikaing pulitikal.

Mga bilanggong pulitikal sa New Bilibid Prison, Muntinlupa City (Ilang-Ilang Quijano)

Hindi nakilala ni Danilo Rodriguez Sionicio ang kanyang dalawang anak nang binisita siya ng mga ito sa New Bilibid Prison (NBP), Muntinlupa City, kung saan siya nakapiit. Isang taong gulang na sanggol pa lamang ang bunsong si Dexter, at dalawang taong gulang naman ang panganay na si Judy Ann nang maaresto siya sa Gabaldon, Nueva Ecija. Ngayon, may sentensiya na siya ng reclusio perpetua. Sampung taon at 12 taong gulang na rin ang kanyang mga anak.

Gaya ng 35 pang bilanggo sa maximum security cell ng nasabing bilibid, at ng mahigit 300 pang bilanggo sa sa buong bansa, hindi tunay na kriminal si Danilo. Tinatawag silang mga detenidong pulitikal (poldet), inaresto at ibinilanggo sa gawa-gawang mga kasong kriminal na isinampa sa kadahilanang pulitikal. Nalalasap ng mga poldet ang buong pait ng pagkawala kapwa ng kalayaan at hustisya.

Karaniwang akusasyon

Kuwento ni Danilo, isa siyang magsasakang miyembro ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL). Nakikipagpulong siya sa mga magsasaka sa loob ng kanyang tahanan noong Abril 1, 2001 nang biglang dakpin ng mga pulis. Pinagbintangan siyang rebelde na nagngangalang ‘Danilo Rodrigo,’ diumano’y pumatay sa asawa ng isang konsehal sa barangay. “Wala silang dalang warrant of arrest noong hinuli ako,” aniya. Ikinulong siya sa Cabanatuan City Provincial Jail at sinampahan ng kasong murder.

Makaraan ang 10 taon, ngayon lamang nakita ng bilanggong pultikal na si Danilo Sionicio ang kanyang mga anak na sina Dexter at Judy Ann. (Ilang-Ilang Quijano)

Mismong ang huwes umano ng Branch 40 Regional Trial Court sa Balayan City ang nag-udyok sa kanyang umamin na miyembro ng New People’s Army (NPA). “Masakit sa loob ko na masentensiyahan sa salang hindi ko naman talaga ginagawa,” sabi ni Danilo. Iginiit niyang natalo lamang siya sa kaso dahil sa kawalan ng pinansiya at kutsabahan ng mga awtoridad. “Gusto lang nilang pigilan ang pagkilos ko sa AMGL sa pamamagitan ng pagkawing nito sa pagiging rebelde,” aniya.

Samantala, sinentensiyahan noong 1999 para rin sa salang murder ang lider-mangingisda na si Selman Alegre at kanyang matatanda at sakiting magulang na sina Jesus, 66, at Moreta, 65. Kasama ni Selman sa NBP ang kanyang ama, habang nasa Correctional Institution for Women naman ang kanyang ina.

Umano’y goon ng isang panginoong-maylupa na pilit inaagaw ang kanilang lupain sa Sagay City, Negros Occidental ang inakusahang pinatay ng pamilya Alegre, isang krimeng mariin nilang itinatanggi. Katunayan, ani Selman, ang nasabing panginoong-maylupa ang pumatay sa kanyang kapatid noong 1994. Ngunit dahil malapit umano sa matataas na opisyal ng lokal na pamahalaan, “isang taon lamang siya nabilanggo.”

Samantalang ang kanyang buong pamilya, nahaharap sa reclusio perpetua. “Walang duda na may kinalaman sa laban namin sa lupa ang pagkakadawit sa amin sa krimen na hindi naming ginawa,” aniya.  Sinabi niyang interesado ang mga debeloper sa kanilang lupain sa tabing-dagat–puti ang buhangin nito. Dahil dito, matagal silang hinaras at tinangkang palayasin.

May arthritis at sakit sa puso sina Jesus at Moreta, kaya naman nananawagan si Selman na palayain sila sa mga batayang makatao. Umaasa rin siyang mapapalaya ang kanyang pamilya at lahat ng mga bilanggong pulitikal sa proseso ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Philippines (GPH) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Kasalukuyang nakabimbin ang usapang pangkapayapaan dahil sa kabiguan ng GPH na tumupad sa ilang mga kasunduan, kabilang na ang pangakong palalayain ang mga poldet.

Hindi pa nadadalaw si Selman ng kanyang mga anak, dahil na rin sa kawalan ng pamasahe. Hiniwalayan na rin siya ng kanyang asawa. Labis siyang nag-aalala sa kawalan ng pagkalinga ng dalawa niyang anak.

Mag-amang Alegre na sina Selman (pinaka-kanan) at Jesus (pinaka-kaliwa), mga mangingisdang pinagbintangang pumatay sa goon ng isang panginoong may-lupa sa Negros Occidental (Ilang-Ilang Quijano)

Gayunpaman, nananatili ang kanyang paninindigang pulitikal. “Gusto ko nang makakilos ulit, para matulungan ang mga mangingisda sa laban sa malalaking palaisdaan at pangangamkam ng lupa. Sa huli, walang makakain ang mga tao roon dahil iilang tao lang nakikinabang sa mga rekurso,” aniya.

Gayundin, kahit matagal nang nawalay sa buhay sa kanayunan, malakas pa rin ang malasakit ni Danilo para sa mga kapwa magsasaka. “’Eh kung ang pagpapalaya na lang sa mga bilanggong pultikal hindi maibigay ni Pangulong Aquino, paano pa kaya ang tunay na reporma sa lupa para sa mga magsasaka?

‘Tortyur’ ng pagkakabilanggo 

Isa sa mga pinakamatagal nang bilanggong pulitikal sa bansa, 19 taon nang nakakulong sa NBP si Reynaldo Mahinay, 41. Katunayan, marami na rin sa kanyang kasamahan noon, kabilang ang kilalang poldet na si Donato Continente, ang nakalaya na—hindi dahil nabigyang-hustiya ng gobyerno, kundi dahil natapos na rin ang kani-kanilang sentensiya.

Hindi gaya ni Reynaldo at iba pang pang poldet na inakusahan lamang na rebelde, aminado si Mahinay na naging miyembro siya ng NPA. Ngunit gaya ng karaniwang ginagawa ng gobyerno sa nahuhuling mga rebelde, hindi kasong pulitikal gaya ng rebelyon at isinasampa sa kanila, kundi mga kasong kriminal. “Kapag nahuli ka, lahat ng kasong ibinibintang nila sa NPA ang ipapatong sa iyo, kahit na hindi ikaw ang gumawa,” ani Reynaldo, na sinentensiyahan ng reclusio perpetua dahil sa pagpatay umano sa isang intelligence asset ng militar.

Labag sa GPH-NDFP Comprehensive Agreement on Human Rights and International Humanitarian Law at sa batas (Hernandez doctrine) ang pagkikriminalisa sa mga salang pulitikal. Gayunpaman, reyalidad ito para sa mga poldet. Ayon nga kay Reynaldo, “Tinatanggal nila ang kredibilidad mo bilang rebolusyonaryo, hinuhubaran ka ng dignidad at ginagawang simpleng kriminal.”

Matinding pisikal na tortyur ang dinanas niya sa kamay ng militar, nang mahuli noong 1996 sa Bataan. Ngunit hinigitan ito ng “araw-araw na sikolohikal na tortyur” ng pagkakabilanggo sa loob ng mahabang panahon. “’Yung panlulumo, normal na ‘yan eh. Napaka-dekadente ng kultura sa loob ng kulungan, lalasunin ka nito nang parang asido. Kapag hindi nilabanan, magtatagumpay ang gobyerno na gawin kang kriminal,” aniya.

At kahit nga sa gitna ng pagdiriwang ng Kapaskuhan kasama ang kanilang mga kapamilya, kaibigan, at tagasuporta, inihinto ang pagdiriwang at tinipon sila ng mga guwardiya para lamang bilangin kung kumpleto pa—na para bang mayroon pa sa kanila ang makakatakas sa loob ng social hall ng piitang iyon na bantay-sarado ang lahat ng mga lagusan.

Nang matapos ang pagdiriwang, kinailangan na ring umalis ng mga anak ni Danilo. Alam niya na kung hindi palalayain ng gobyernong Aquino, taon pa ang kanyang bibilangin bago makita muli ang mga ito. Gayunpaman, sapat na ang alala ng kanilang pagdalaw para sa susunod na mga taon ng pangungulila. “Taas morale!” aniya sa akin, at itinaas ang kamao.

Inihatid niya nang tingin at kaway ang papalayong bunso na si Dexter, habang isa-isa na silang muling binilang ng mga guwardiya. Tatlumpu’t anim. Kumpleto, nagbalik sila sa kani-kanilang mga selda nang malayang-malaya naman ang mga diwa at isipan.

Panoorin ang bidyo ni Jesus Alegre na nagtatanghal ng isang kantang Bisaya: