FEATURED

Reintroduksyon at reimbensyon


Rebyu ng Poldet: Panata sa Kalayaan ng mga Detenido Pulitikal, Access Point Bar, 10 Disyembre 2011 Alam nating umiigting ang kontradiksyon pang-estado.  Sa isang banda, pinangunahan ng US Ambassador Harry Thomas, Jr. ang pagbati kay Noynoy Aquino, “The Aquino family has long championed human rights, and I am pleased that this administration has continued that […]

Rebyu ng Poldet: Panata sa Kalayaan ng mga Detenido Pulitikal, Access Point Bar, 10 Disyembre 2011

Alam nating umiigting ang kontradiksyon pang-estado.  Sa isang banda, pinangunahan ng US Ambassador Harry Thomas, Jr. ang pagbati kay Noynoy Aquino, “The Aquino family has long championed human rights, and I am pleased that this administration has continued that tradition and has proven to be a staunch ally in efforts to promote human rights” (http://globalnation.inquirer.net/20623/us-hails-aquino-admin’s-commitment-to-human-rights).

Sa kabilang banda, may 365 na detenidong politikal ang nag-hunger strike sa mga kulungan sa bansa.  Patuloy pa rin ang pagpaslang dahil sa politikal na kadahilanan, patuloy pa rin ang pagpatay sa mga peryodista sa ilalim ng administrasyon ni Aquino.

Mahalaga ang Poldet (paigsi sa “political detainee”) dahil naglilinya ito ng kontraryong kwento at citizenship claim mula sa ofisyal na naratibo ng gobyerno’t estado (malinaw na ang pananalita ng ambassador ay tugon ng interes ng negosyo ng Amerikano at hindi lamang ng pamahalaan niya).  Ito ay binubuo ng mga eksenang nagbibigay ng individual at kolektibong mukha-katawan-pagkatao ng poldet sa kasalukuyan.

Tampok dito ang pagpasok ng tatlong militar at pagpaliwanag sa kanilang posisyon sa human rights; ang tula ni Axel Pinpin na siya rin niyang binibigkas sa akto ng torture sa kanya (at sa isang pagkakataon, siya mismo ang gumanap sa papel); ang sala-salanit na mga hinahabing tinig ng mga nanay at kamag-anak ng pinatay at winalang anak, si Judy Taguiwalo nang siya ay naging detenidong politikal, at kundimang nagbibigkis sa pighati’t pangarap ng lahat; si Ka Satur Ocampo at ang kanyang mensahe; at iba pa.

Unang naipalabas sa Setyembre 2011 sa U.P., ang dula ay nagkakaroon ng maraming pagbabago batay sa kung sino ang nakadalo’t kung sino ang gaganap ng mga tampok na pananalitang nagdaragdag ng layers sa mga eksena.  Mayaman at mabigat ang materyales na pinaghuhugitan ng Poldet dahil, tulad ng social realist tradisyon sa sining biswal at pelikula, ito ay halaw sa substansya ng kolektibong karanasan.

Kailangan muling ipakilala ang figura ng poldet dahil simula nang ito ay tumampok sa panahon ng diktaduryang Marcos at palayain sa unang bahagi ng termino ni Corazon Aquino, nasakop na ang prestihiyo ng kontraryong nilalang ng estado ng iba pang nilalang na nililikha ng estado:  gitnang uri, maller, may credit card, condo owner, cellphone user (na magkaiba kung prepaid at postpaid), may computer notebook, turista sa ibang bansa, at iba pa.

Pinagyaman ang dula ng mga aksesoryang biswal, tulad ng shadow play na malikhaing gumamit ng likidong dugo, aktwal na tao’t cutouts, xerox sa transparency at iba pang prinojek sa likod ng screen, at ng video clip ni Maricon Montajes, film major sa U.P. at ng Taysan 3 na nakadetenido sa Batangas Provincial Jail.  Produktibo ang mga ito dahil efektibo ang “pagpapabulaklak” sa isyung tinutumbok:  ang paglalantad ng figura ng poldet.

Para sa akin, mayroon lang dalawang mahinang eksena sa dula.  Una ay ang sabayang resitasyon ng account ng tatlong kabahagi ng Morong 43 at pagpasok ng mas malakas at mapangnakop na blues sa ingles na pumipi sa mas primaryong eksena ng “tunay na nangyari.”  Pumalutang ang malikhain at madulain at sa proseso, nasakop ang katotohanan.

Ang ikalawa ay ang finale, na nagbalik ang mga tampok na personahe at bumigkas ng baha-bahaging sipi ng manifesto ng paninindigang ipagpatuloy ang laban para sa poldet.  Hindi ito epektibo dahil sa iba-ibang register ng paghahabi, at ng logistikal na kakulangan na limitado ang microphones.

Marami pa rin ang inaasahan sa teknikal na aspekto ng produksyon kung ito ay makakapanghimas ng sentimiento ng “middle forces.”  At hindi naman ito simpleng nakabatay lang sa mas maraming resources, dahil gaya nga ng napatunayan ng shadow play at ng bandang Los Indios Bravos kailangan ng mas efisyenteng koordinasyon ng limitadong resources para sa malikhaing magdidiin sa tunay na realidad.

Pero lahat naman ito ay proseso, at hakbang na kailangang markahan para maigpawan ng higit pa ang malikhain/madulaing pagtalakay sa poldet at sa iba-iba pang isyu ng ating bansa.  Sa pamamagitan ng pag-unawa sa pagtataas ng antas ng kaalaman at popularisasyon ng politikal na isyu sa sining, ang mismong politikal na isyu ay mauunawaan ng lampas pa sa middle forces, ng “already converted,” at para sa nakararaming mamamayan.

Morale booster ang Poldet sa panahon at espasyo ng patuloy na paniniil sa mamamayan ng estado, at nakapanghahati sa pagpupunyagi ng mga sektor ng kilusang masa.