FEATURED

Sine Totoo


Rebyu ng Barikada (Tudla Productions, kasama ang Sandigang Maralitang Nagkakaisa at Kalipunan ng Damayang Mahihirap, 2011, 33 minuto)

Rebyu ng Barikada (Tudla Productions, kasama ang Sandigang Maralitang Nagkakaisa at Kalipunan ng Damayang Mahihirap, 2011, 33 minuto)

May exciting na bagong direksyon na tinatahak ang mga political film collective o grupong media na nakaugnay sa kilusang masa.  Ito ay ang naratibo (“may storyang”) pelikula.  Nauna na ang May Day Productions ng sektor ng manggagawa sa pagprodyus at pagpalabas ng Ka Bel (2010), isang naratibong pagsasapelikula ng buhay ni Crispin Beltran, lider manggagawa at kongresista.

At ngayon nga, itong Barikada, ukol sa isyu ng demolisyon sa San Juan na prinodyus ng Tudla Productions, katuwang ang mga organisasyon ng maralitang tagalunsod.  Ang maikling feature ay tumatalakay sa buhay ng isang pamilya’t isang maralitang komunidad sa San Juan sa panahon ng napipintong demolisyon.

Mas kilala ang Southern Tagalog Exposure, Kodao, May Day at Tudla Productions sa kanilang dokumentaryong pelikula at news reels.  Ang huli ang maiikling trailer at teasers na panghimok ng diskusyon sa napapanahong isyu ng sektor at komunidad.

Gayunpaman, narito pa rin sa maikling feature ang markang nagpapatangi sa mga akda ng mga political film collective:  malalim na pagkaugnay sa komunidad, partisipasyon ng mga kasapi (sa katunayan, ang malalaking papel sa Barikada ay ginampanan ng mga taga-Corazon de Jesus, San Juan mismo), komprehensibong pagtalakay sa mga isyu, at panawagan sa politikal na pagkilos.

Ang pagsanga sa naratibo ay pagtugon sa isyu ng popularisasyon (o paghahanap ng popular na porma’t pamamaraan) sa gawaing propaganda na hinihikayat sa mga organisasyon ng kilusang masa.  Paano mas popular na palalaganapin ang mga detalye’t kawing-kawing na isyu para ito ay makapagpamulat, makapagpakilos at makapag-organisa?

Sa Barikada, ginamit ang kumbensyon ng drama sa telebisyon.  Pangunahing tampok ang inang organisador ng isang pamilya, at ang magkakasalikop na buhay ng magkakapitbahay sa komunidad.  May pangunahing problema (ang kinakaharap na demolisyon) na lalong pinabibigat ng maliliit na problema (di suportadong kabiyak, problema sa eskwela ng anak, at kapitbahay na payag sa relokasyon, halimbawa).  Mayroong kontrabida (ang mayor) at goons (maglipanang ahente sa komunidad).

Malakas at tadtad ng musika.  Ang sinematograpiya ay nakukuha ang detalye ng eksena’t saklaw ng komunidad.  At masinsin ang disenyong pamproduksyon, tulad ng pangongolekta ng bote ng Emperador, ang popular na brand ng inumin sa komunidad.  At siempre, may katanggap-tanggap na “happy ending” bilang bukas na pagwawakas.

Pero hindi lang popular ang ginamit sa Barikada, nananatiling lutang ang politikal na usapin:  ang mismong isyu ng demolisyon, ang dokumentaryong footage ng barikada sa komunidad, mga talumpati ng mass leader at kuro-kuro ng aktwal na kasapi ng komunidad, paggamit sa 2011 SONA (State of the Nation Address) ng mamamayan bilang lokasyon ng huling eksena, at aktwal na larawan ng pakikilahok.

Sa pamamagitan ng pagsanga sa maikling feature, ang popularisyon ng isyu ay inaangat sa dayalektikong ugnay nito sa pagpapataas ng standard o ang panuntunan para sa mga porma at laman ng propaganda ay higit na naaangat.  Mas masaklaw na—di na lamang dokumentaryo’t trailer—ang nasa menu ng mga political film collectives.  Nadagdagan ito ng kapangyarihan ng popular na porma ng maikling feature.

Hindi na bago ang paghahanap ng mga akdang magpapamukod-tangi sa komersyal at alternatibong media.  Hindi maipapalabas ang maiikling feature na ito sa mainstream television, at wala namang layong magawa ito.  Hindi rin siya pang-Cinemalaya o Cinemaone, mga alternatibong platform ng (mainstream) indie cinema.

Sa France, ito ay “cine verite” (film truth); sa Italian cinema, ito ay neorealismo—parehong pagtatangka na magbuyanyang ng alternatibong realidad labas sa dominasyon ng Hollywood cinema.  Tulad sa tampok na adaptasyon ng neorealismo sa indie cinema sa bansa, ang alternatibong media ay naglalayon pa ring maging magnet ng kapital, naglalayon pa ring kumita.

At ito ang nagpapalaya sa mga akda ng mga political film collective—mayroon na itong audience (ang mismong komunidad na pinaghalawan ng material, at ang iba pang komunidad na may kahalintulad na isyu).  Labas ito sa kapital, ang mga pelikula ay kumikilos batay sa tangkang maka-uring formasyon at transformasyon.

Sa unang bugso ng maikling feature ng mga political film collectives, napalawak ang posibilidad ng media at pelikula para sa kilusang masa:  popular, layong malaya at nagpapalaya, tulad ng mga kasapi at komunidad na pinaghalawan at kalahok ng pelikula.  Naninindigan ang mamamayan, manggagawang kultural, organisasyong pangmasa para sa ating lehitimong kahilingan, lalo pa’t lalong-lalo na’t kontraryong paninindigan sa estado ito.