FEATURED

Teatro ng tunay


Rebyu ng Mrs. B (dula ni Joi Barrios, kasama sina Rowena Festin at Grundy Constantino, Agosto 2011)

Rebyu ng Mrs. B (dula ni Joi Barrios, kasama sina Rowena Festin at Grundy Constantino, Agosto 2011)

Ang pilosopong si Slavoj Zizek ang gumawa ng distinksyon sa dalawang parallel na realidad:  ang Tunay (Real) ay ang realidad ng kapitalismo, ang metanaratibo ng kapital, na may sariling pribilihiyadong buhay sa kontemporaryong global na kaayusan; at ang tunay (real) o ang realidad mula sa ibaba, ang inaasahang maetsapwera ng Tunay.

Magkasalungat ang kwento.  Sinasabing gumaganda, halimbawa, ang pambansang ekonomiya, na diretso na tayo kay Presidente Noynoy Aquino sa daang matwid; at ito ang kwento ng Tunay.  Ang tunay na sinasabi naman mula sa hanay ng nakararaming mamamayan:  nasaan?

Ang dulang pagtatanghal na Mrs. B ay masasabing teatro ng tunay (theater of the real).  Ito ay nagsasaad ng kontra-naratibo sa metanaratibo ng kapitalismo sa bansa sa panahon ni dating Presidente Gloria Arroyo, at ni Aquino:  na ang paglabag sa karapatang pantao—lalo na ang mga kaso ng desaparasidos—ang collateral damage para sa pag-akda ng bansa sa neoliberalisasyon.

Nagawa itong pagtunghay sa tunay sa pamamagitan ng mga dulang device.  Una, ang paksa ay biographical, halaw sa buhay at karanasan ni Edith Burgos (kilala sa marami bilang Mrs. B), ang ina ni Jonas na ayon sa website (http://freejonasburgosmovement.blogspot.com/) ay apat na taon at 116 na araw nang sapilitang winala nang buksan ko sa umagang sinusulat ko itong rebyu.

Ang pagtunghay ay pagsaksi sa isang natatanging buhay, sa pagpili nito sa buhay bilang modalidad ng kontemporaryong pagkilos, na di lang individual at pamilya, kundi kolektibong pakikiisa at pagkilos para sa katarungang pantao sa bansa.  Ito ang buhay ng endurance at stamina, na madaling mapanghina sa mga pintuang nagsasara at balaho sa bawat madaraanan.  Ito ang testimonial ni Mrs. B sa dula, at ang aktwal na testimonial niya sa pagtatapos ng dula bilang kabahagi pa rin ng pagtatanghal ng teatro ng tunay.

Ikalawa, may plastisidad ang dula at natatangi ang kakayahan nitong maging bukas sa mas kontemporaryong kaganapan sa patuloy na paglabag sa karapatang pantao.  Naipasok ang mga karagdagang kaso ng manunulat na si Ericson Acosta at film student Maricon Montajes na nakakulong sa mga piitan.  Angdula ay nakaangkla sa pagiging makabuluhan, at nagagawa ito dahil ang bawat staging (ang orihinal ay noong 2009) ay pagpapanibagong dula na higit na nakakatugon sa kawalan-kabuluhan (irrelevance) ng estado sa pagtataguyod ng karapatang pantao.

Ikatlo, ang dulang nakafokus sa buhay ng isang kontraryong nilalang ng estado ay may kapasidad na pangalanan ang mga tauhan (halimbawa, ang linya ni Mrs. B, “”Sinungaling ka, General Tolentino. Ano ang kapalit ng promotion? Buhay ng anak ko? Do you have sons, General? The sins of the father will be visited upon the son.”), substansya ng kanilang buhay (siya, ang buhay ni Jonas na natutunghayan natin kay Mrs. B, ang mga aktwal na pamilya ng mga winala’t pinaslang sa pagtatapos ng dula), at ang karanasan (ang sistematisasyon ng paglabag sa karapatang pantao).

Ang kapangyarihang magpangalan ni Mrs. B ay hindi fantasyang ahensya.  Ito ay kontra-estadong kapangyarihan na umakda sa karanasan ng kanyang mamamayan, pati na si Mrs. B.  Ang dulang testimonial ay pagrehistro ng pagtutol at pagbabalikwas:  pinapangalanan ng biktima ang sarili, ang kanyang anak na mas matinding biktima, ang kahalintulad na karanasan ng napakaraming pamilya’t anak, ang pambansang karanasan sa kultura ng impunidad.

Di tulad ng sine—mapa-Hollywood na negation ng tunay o mapa-indie cinema na madalas ay estetisasyon (para sa international art film market) ng tunay—ang dula ay nagbibigay-diin (o nagpapabigat) sa tunay.  Sino ang hindi maantig gayong ang aktwal na personahe (na nandoon sa pagtatanghal) at ang mismong tauhan (napakagaling na isinabuhay ni Malou de Guzman nang ako ay manood) sa dulang itinanghal ay nandoon:  ang tinutunghayan ay di lamang teatro kundi ang mismong tunay.

At ito ang patuloy na inobasyon ng kilusang kultural, ang gawing makabuluhan ang teatro sa panahong ang teatro ay nananatiling elitista kahit pa kakatwang nakakiling ang mainstream theater (maging ng mga university theater group) sa pagbibigay-libangan.  Malibang para ang tunay ay maibsan, tulad sa karanasan sa panonood ng sine.

Sa maliit pero napapanahong produksyon ng Mrs. B, ang teatro ay may kapangyarihang akdain at itanghal ang tunay, kontraryo sa ofisyal na lagay ng bansa at ng kanyang mamamayan.  At sa kapangyarihang ito, ang kolaboratibong kapangyarihang isaad na sa patuloy lamang na pakikibaka ang Tunay ay mababalikwas.