Istorya ng Linggo

Pagpanaw ng mukha’t boses ng rebolusyon


Inanunsiyo ng Communist Party of the Philippines ang pagpanaw noong Hunyo 22 ng mukha at tagapagsalita ng rebolusyonaryong kilusan na si Gregorio “Ka Roger” Rosal. Sa Oktubre 15, nakatakdang parangalan ng lahat ng gerilya sa bansa ang yumaong lider, sa pamamagitan ng gun salute.

Gregorio "Ka Roger" Rosal, 1947-2011. (Boy Bagwis / PW File Photo)
Gregorio "Ka Roger" Rosal, 1947-2011. (Boy Bagwis / PW File Photo)

Eksaktong alas-12 ng tanghali sa Oktubre 15, tatayo ang mga gerilya ng New People’s Army (NPA) sa buong bansa sa kani-kanilang pormasyon at magsasagawa ng gun salute sa alaala ng yumaong dakilang tagapagsalita ng rebolusyonaryong kilusan.

Inanunsiyo ng Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau nitong Oktubre 9 ang pagpanaw ni Gregorio “Ka Roger” Rosal, dating tagapagsalita ng CPP at tinitingalang rebolusyonaryong lider, mukha at boses ng armadong rebolusyon sa Pilipinas. 64 anyos si Rosal.

Hunyo 22 pa namatay si Rosal, ayon sa CPP, matapos atakihin sa puso. Ngunit ibininbin nito ang pag-anunsiyo sa publiko ng pagkamatay ni Rosal dahil kinailangan pang kontakin at ipaalam ang naganap sa mga kaanak.

“Ikinatawan niya ang pakikibaka ng ordinaryong mga mamamayan – ang masang magsasaka, manggagawa, maralitang tagalungsod, empleyado at maliliit na propesyunal – na may matayog na hangaring lumaya mula sa namamayaning sistema na nagsasamantala at nang-aapi sa kanila,” bahagi ng pahayag ng Central Committee ng CPP.

Ipinanganak sa maralitang pamilya noong Abril 19, 1947 sa Brgy. Talaibon, Ibaan, Batangas, pangatlo si Rosal sa anim na magkakapatid. Ang kanyang mga magulang, ayon sa CPP, ay naging tenante at “panggitnang magsasaka” sa isang maliit na lupain ng panginoong maylupa ng tubuhan.

Naorganisa sa rebolusyonaryong kilusan si Rosal nang mapasok siya sa isang grupong aktibista sa Batangas na Kabataang Gabay ng Bayan, at kalauna’y naging miyembro ng Kabataang Makabayan. Dito napasimulan ang integrasyon niya sa mga komunidad ng masa.

Nang ideklara ang batas militar ni Marcos noong 1972, lalong tumindi ang pakikilahok ni Rosal sa rebolusyonaryong kilusan. Ayon sa CPP, naging bahagi siya ng grupo ng mga organisador ng mga manggagawa sa Batangas Sugar Central sa Balayan, Batangas.

Si Ka Roger, noong dekada '90. (Boy Bagwis)
Si Ka Roger, noong dekada '90. (Boy Bagwis)

Hulyo 1973 nang hulihin siya ng militar at ikulong. Ngunit matapos ang apat na buwan, kasama ang siyam na kasamahan sa kilusan, tumakas si Rosal sa kulungan.

Matapos nito’y lumahok na siya sa armadong rebolusyon sa kanayunan ng Timog Katagalugan. Sa ilalim ni Maria Lorena Barros, kumilos si Rosal at iba pa sa isla ng Mindoro noong 1974 para magsagawa ng anila’y “panlipunang imbestigasyon” at pagtatag ng rebolusyonaryong mga organisasyon.

Kalauna’y nalipat umano siya sa lugar na pagitan ng Quezon at Bicol, at nagtatag ng rebolusyonaryong mga organo sa Camarines Norte, ayon pa sa CPP. Panahong ito nakilala niya ang asawang si Rosemarie Dumanais, o Ka Soly; nagkaroon sila ng dalawang anak na babae.

Taong 1989, dinukot diumano ng mga sundalo ng gobyerno sa ilalim ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Southern Luzon Command chief Gen. Alejandro Galido ang noo’y tatlong taong gulang na anak ni Rosal na si Andrea. “Sa halip na bumigay sa presyur, matapang na isiniwalat ni Ka Roger ang karumaldumal na krimen na ito sa midya. Napuwersa ang militar na palayain si Andrea sa harap ng pagkondena sa publiko,” sabi pa ni CPP.

Naging saksi umano si Rosal sa panahon ng isa sa “pinakamadilim na kabanata sa kasaysayan” ng rebolusyonaryong kilusan. Naganap sa Timog Katagalugan ang kampanyang “kontra deep penetration agents” na puminsala sa tapat na mga rebolusyonaryo. Ayon sa CPP, bagamat walang direktang responsabilidad si Rosal sa naganap, bilang isa sa mga lider ng rehiyon ay malugod umano niyang tinanggap ang kahinaan na di agad ito natigil.

“Handa kaming harapin ng Partido (CPP) ang malaking pagkakamaling iyon.  Ang mga namatay ay idineklarang martir ng rebolusyon,” sabi ni Rosal, nang makapanayam ng Pinoy Weekly hinggil sa isyu noong Mayo 2003.

Naging saksi din umano si Rosal sa ibayong paglakas ng rebolusyonaryong kilusan matapos ang “Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.” Taong 1993 nang maging tagapagsalita siya ng CPP, at taong 2001 nang matagalaga sa National Propaganda Commission ng partido.

Si Ka Roger at ang kanyang harmonica. (Boy Bagwis)
Si Ka Roger at ang kanyang harmonica. (Boy Bagwis)

“Pinalalalim ng simpleng istilo ng pagprisinta niya ng tindig ng Partido ang kaalaman ng mga mamamayan sa mga isyu at itinataas ang kanilang pampulitikang kamalayan. Lagi niyang isinisiwalat ang mga kasinungalingan ng mga reaksiyunaryo, laluna ang pasistang mga tagapagsalita ng AFP na walang-tigil na gumagawa ng sunud-sunod na kasinungalingan. Kung kaya, kinasuklaman siya nang husto ng mga reaksiyunaryo,” sabi pa ng Central Committee ng CPP.

Dahil sa dedikasyon niya sa pagiging tagapagsalita, sinikap umano niyang maging aksesible sa midya, sa kabila ng hirap at panganib na dulot nito.

Dahil sa epektibidad ni Rosal na makapagsalita sa mainstream media, naglunsad ng serye ng mga kampanyang militar ang AFP sa eksklusibong layuning hulihin siya. Naganap ito sa Laguna noong 1998, Hilagang Quezon noong 2000-2001, Timog Quezon  noong 2002, Albay noong 2003, Masbate noong 2004, Mountain Province noong 2005 at sa Timog Quezon noong 2005-2006.

“Nagdulot ng pagkahina ng kalusugan niya at nagresulta sa maraming mayor na sakit ang walang pagod na pagtrabaho niya,” ayon pa sa CPP-CC.

Si Ka Roger, kasama si Ka Filiw Naogsan, tagapagsalita ng Cordillera People's Democratic Front, sa isang press conference sa Sagada, Mountain Province noong 2003. (Boy Bagwis)
Si Ka Roger, kasama si Ka Filiw Naogsan, tagapagsalita ng Cordillera People's Democratic Front, sa isang press conference sa Sagada, Mountain Province noong 2003. (Boy Bagwis)

Halos namatay umano si Rosal noong 1995 sa sakit na typhoid fever. Na-stroke siya noong mga taong 1997, 2000 at 2006. Matapos ang huling stroke, nahirapan umano siyang gampanan ang dating gawain bilang tagapagsalita ng CPP, bagamat patuloy siyang nakapag-ambag sa rebolusyonaryong kilusan.

“Tinanggihan ni Ka Roger ang mga alok ng ayudang medikal mula sa AFP. Alam niyang patibong lamang ang mga ito at nakita ang ipokritong layunin sa likod nito, dahil hindi naman iniatras ng militar ang pabuya sa ulo niya at patuloy na naglulunsad ito ng mga operasyon para mahuli siya,” sabi pa ni CPP-CC.

Hanggang sa huling paghinga niya, ayon sa CPP, ay inialay ni Rosal ang bawat sandali ng kanyang buhay “para sa paglilingkod sa mga nagugutom at napagkakaitan at para sa kanilang rebolulyonaryong pakikibaka tungo sa panlipunang katarungan at pambansang kalayaan.”