Istorya ng Linggo

Mayo Uno: Hudyat ng mas matindi pang paglaban


Ipinamalas ng mga manggagawa ang kanilang lakas noong Mayo Uno, sa pinakamalaking pagkilos sa panunungkulan ni Pang. Noynoy Aquino. Simula pa lamang ito, anila, ng papalaking mga pagkilos hangga’t walang tunay na pagbabago.

Umabot sa 25,000 manggagawa at mamamayan ang lumahok sa pinakamalaking kilos-protesta mula nang maupo si Pangulong Aquino. (Darius Galang)
Umabot sa 25,000 manggagawa at mamamayan sa Kamaynilaan ang lumahok sa pinakamalaking kilos-protesta mula nang maupo si Pangulong Aquino. (Darius Galang)

Sa gitna ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at kabiguan ng gobyerno na itaas ang sahod ng mga manggagawa sa bansa, humugos sa lansangan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mahigit sa 65,000 katao sa Mayo Uno, Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

Ito ang pinakamalaking kilos-protesta simula nang maupo sa puwesto si Pang. Benigno Aquino III. Hudyat lamang daw ito ng mas malalaki pang pagkilos ng mga mamamayang naniniwalang ipinamalas ni Aquino na “walang pagbabago” sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Sa pagtantiya ng Kilusang Mayo Uno (KMU), militanteng sentro ng paggawa, lumahok sa tinaguriang “Workers’ and Peoples’ Day of Outrage” ang 25,000 katao sa National Capital Region (NCR); 5,000 sa Calamba City, Laguna; 15,000 sa Masbate, Bikol; 5,000 sa Davao City; 1,000 sa Cagayan de Oro City; 3,500 sa mga probinsya sa Caraga; 3,000 sa Bacolod City, at libu-libo rin sa iba pang mga lungsod at probinsya.

Sa NCR, nagtipun-tipon ang mga demonstrador sa Trabajo, Paco, Blumentritt, at Moriones sa Maynila, bago tumungo sa Liwasang Bonifacio bandang ala-una ng hapon. Sinunog nila ang isang effigy ni Pangulong Aquino na nakasakay sa isang Porsche na may plakang US 1, bilang simbolo ng umano’y pagpapakatuta nito sa mga kapitalista at imperyalistang Estados Unidos.

Bandang alas-singko ng hapon, nagmartsa sila patungong Mendiola Bridge para ihatid sa paanan ng Malakanyang ang panawagang ibaba ang presyo ng mga bilihin at itaas ang pambansang sahod ng P125 para mga manggagawa sa pribadong sektor at P6,000 dagdag sa buwanang suweldo para sa pampublikong sektor.

Mula empresa tungong lansangan

Noong araw ding iyon, inanunsiyo ng Pangulo na itataas ang sahod sa pamamagitan ng mga regional wage board (RWB). Ngunit hindi nito nagpigilan ang pagsambulat ng galit ng mga manggagawa, na inaasahang hindi makasasapat ang “barya-baryang” dagdag-sahod ng RWB, lalo at patuloy na tumataas ang presyo ng langis at iba pang mga bilihin.

Kasama ang kanilang mga pamilya at kapitbahay sa komunidad, libu-libong manggagawa mula sa iba’t ibang empresa sa NCR ang sumama sa paggunita ng ika-125 na Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

Isa na rito si Claudio Dabalos, manggagawa ng Pentagon Steel Corp. sa Balintawak, Quezon City. Sa loob ng 20 taong paglilingkod sa kompanya bilang machine operator, nasa minimum na P404 pa rin ang kanyang arawang sahod. Kasama sa protesta ang kanyang asawang si Jocelyn, na hirap na hirap namang magbadyet. “Minsan, wala na kaming pambili ng bigas,” aniya.

Minimum pa rin ang sahod ni Claudio dahil matagal nang walang nagaganap na Collective Bargaining Agreement sa pagitan ng manedsment at ng kanilang unyon, na hinawakan ng mga dilawan. Ngayon lamang, sa ilalim ng Association of Democratic Labor Unions-KMU, natututo ang mga manggagawang ipaglaban ang kanilang mga karapatan. “Kailangang ibigay na ang P125 dagdag-sahod. Kung tutuusin, hindi na ito kasya pero malaking bagay pa rin amin,” ani Claudio.

Samantala, walang tulog at galing pa sa walong oras na night shift ang manggagawa ng Republic Asahi Glass Corp. sa Taguig City na si Eric Dom-dom. Sumama siya sa kilos-protesta, “dahil hindi lang ito para sa amin, kundi para sa lahat,” aniya.

Limang taon na siyang kontraktuwal at tumatanggap lamang ng minimum na sahod. Kasama niya ang unyon sa ilalim ng National Federation of Labor Unions-KMU, na nakikipaglaban para sa mga karapatan sa paggawa na matagal nang ipinagkakait sa kanilang mga kontraktuwal.

Suot ng mga manggagawa ang kani-kanilang uniporme na tinatakan ng mga panawagan gaya ng ‘Sahod Itaas! Presyo Ibaba!,’ ‘Isabatas ang HB 375’ (panukalang batas para sa P125 dagdag-sahod) o‘Itigil ang oil overpricing!’.

Binigkis ang iba pang mga sektor

Sa programa sa Liwasang Bonifacio, inilahad ng kinatawan ng mga manggagawa sa serbisyo at pagbabangko, mga manggagawa sa export processing zones, tinanggal na mga manggagawa ng ABS-CBN, at iba pa ang mga atake sa kanilang karapatan, na maiuugat umano sa neoliberal na mga polisiya ng administrasyong Aquino.