#YesToRedLipstick

November 3, 2020

Nagsimula sa pagkondena sa red-tagging kina Angel Locsin, Liza Soberano, Catriona Gray, Ella Colmenares at Gabriela. Naging protesta.

Bilang pagsuporta sa karapatan magkaroon ng opinyong pulitikal at adbokasiya, ginamit ng kababaihan at iba pang tagasuporta ang pagsuot ng red lipstick sa mga litrato sa social media. Tugon ito sa ginawang babala ni Lt. Gen. Antonio Parlade sa mga babaing artista. Ayon sa heneral, baka sapitin nila ang sinapit ng mga babae sa armadong kilusan. Ayon rin sa heneral, na walang anumang pruweba na ipinakita, bahagi ang ilang sibilyan tulad ni Angela “Ella” Colmenares (na kapatid ni Angel) sa armadong pakikibaka.

Ganito ang red-tagging. Mabigat itong paratang dahil sa dalang banta sa buhay ng sinumang mapagbibintangan. Panawagan nga ng iba’t ibang personalidad at indibdwal ang #NoToRedTagging #YesToRedLipstick.

Sa Nicaragua ginamit rin ng kababaihan at kalalakihan ang pulang lipstick sa social media para maipanawagan ang paglaya ng mga bilanggong pulitikal. Oktubre 2018 nang arestuhin ang aktibistang si Marlen Chow. Nang tanungin siya ng mga interrogator ng pulisya anong grupo ang kinabibilangan niya, ang sagot niya lamang ay “pico rojo” o lipstick.

May ilan pang makasaysayang gamit ng pulang lipstick. Noong maagang bahagi ng ika-20 siglo, nagsuot ng pulang lipstick ang kababaihang nagpoprotesta para sa karapatang bumoto, o mga tinawag na suffragette. Noong Marso 3, 1913 sa makasaysayang martsa sa Washington, DC na dinaluhan ng hindi bababa sa 5,000, nagsuot ng pulang lipstick ang mga babae. Ito ay ayon sa librong Red Lipstick: An ode to a beauty icon ni Rachel Felder.

Ayon pa kay Felder, sinisimbolo rin noon ng pagsusuot ng red lipstick ang pagpupumiglas ng kababaihan sa pagkakahon sa mga ito. Sa mga nagdaang henersyon, ang red lipstick ay para sa mga showgirl at artista.

Maganda kasi tignan sa mga babae na tinuturing na palamuti. Pero malayo sa pagiging palamuti ang ginampanan ng mga tulad ni Remedios Gomez-Paraiso, kilalang kumander ng Hukbong Bayan Laban sa Hapon. Kilala si Gomez-Paraiso bilang “Commander Liwayway”, na namuno sa armadong pakikibaka sa ilang labanan sa Tarlac, Pampanga, at Zambales, habang nakasuot ng pulang lipstick. Ayon raw sa kanya, kasama sa ipinaglalaban niya sa rebolusyon ay ang karapatang maging totoo sa sarili niya.

Andrea Jobelle Adan

Andrea Jobelle Adan

Si Jobie Adan ay nagtapos nang may karangalan ng kursong Pamamahayag sa UP College of Mass Communication sa Diliman, Quezon City. Siya ngayon ang pinakabatang istap ng PW.