Parangal at pagpapatuloy


Hinggil sa dalawang likhang sining nina Renz Lee at Melvin Pollero.

Renz Lee
Rehabilitasyon Hindi Phaseout!
Graphite on Wall
2018
Melvin Pollero
Buhay at Kabuhayan
Color pens and pencils on paper
2020

Tulad ng maraming estudyanteng aktibista, matapos sa unibersidad at mga karatig-komunidad, kumilos ang aktibista, alagad ng sining, at martir ng sambayanan na si Renz Lee sa mga batayang sektor ng lipunan — sa kaso niya, sa kilusang paggawa, bago sa mga katutubo at magsasaka. Tulad din ng maraming estudyanteng aktibista, bitbit niya ang mga kakayahan para ipaglingkod sa pakikibaka — sa kaso niya, ang kahusayan sa pagpipinta at sining-biswal.

Sa loob ng mga progresibong organisasyon, maraming aktibista at alagad ng sining ang gumagawa ng likhang-sining na hindi patungkol sa matatayog at “unibersal” na tema na karaniwang pinapahalagahan sa sining: buhay, kamatayan, pag-ibig — kahit nga pagsasamantala, panunupil o paglaban. Madalas, nakikita nila ang pangangailangang gumawa ng likhang-sining na patungkol sa mga kongkretong isyu na hindi man agad na pinapahalagahan ng lipunan ay napakahalaga, minsan ay buhay-at-kamatayan, para sa mga kabilang sa batayang sektor.

Ganyan ang isyu ng jeepney phaseout, na tumampok sa balita sa panahon ng rehimen ni Rodrigo Duterte at nilabanan pangunahin ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide o Piston, kasaping organisasyon ng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno o KMU na kinabilangan at pinaglingkuran ni Renz. Bagamat nakalugar sa isang partikular na panahon sa kasaysayan kumpara sa ibang posibleng paksa o tema ng likhang-sining, napakahalaga nito para sa mismong ikabubuhay ng mga tsuper ng jeep — at, mapapatunayan, para sa buhay at kabuhayan ng nakakaraming karaniwang tao sa bansa.

“Rehabilitasyon Hindi Phaseout” (2018, graphite on wall) ni Renz Lee

Kakatwang ilugar ang naturang mga likhang-sining sa pag-iiba ni Walter Benjamin: “Ang tunggalian ng mga uri, na laging tinutunghayan ng isang historyador na aral kay [Karl] Marx, ay tunggalian para sa mga magaspang at materyal na bagay. Kung wala ang mga ito’y wala rin ang mga bagay na pino at ispiritwal [Hinggil sa Konsepto ng Kasaysayan, 2013].” Sa likhang-sining nila, pinaglilingkod ang “mga bagay na pino at ispiritwal” sa “tunggalian ng mga magagaspang at materyal na bagay.” Mahalaga ito dahil, paliwanag ni Michael Lowy, “ang nakataya sa tunggalian ay materyal, pero ang motibasyon ng mga aktor panlipunan ay ispiritwal [Fire Alarm, 2005]” — hustisya, pangarap na disenteng kinabukasan, at iba pa.

Sa “Rehabilitasyon Hindi Phaseout” (2018, graphite on wall), ipinakita ni Renz at mga kasamahan ang paglaban ng mga tsuper ng jeep sa iskemang jeepney phaseout. Hindi tiyak kung nasaan ang hanay ng mga nagpoprotestang drayber: sa kanilang pondohan ba, sa kalsada, sa Mendiola, maliit na protesta ba ito o welgang pantransportasyon. Sa ganito, tinahi ang iba’t ibang porma at antas na ng tinahak ng paglaban. Malinaw ang katangian ng mga tsuper: maralita, lalake, may-edad, mas malamang na mga tatay. Sobrang higpit ng ugnayan ng jeepney sa kanilang kabuhayan at representasyon, na ang banta rito ay banta sa kanila mismo.

Sa “Buhay at Kabuhayan” (2020, 12.5 x 19 in medium, color pens and pencils on paper) naman, ipinakita ni Melvin Pollero, kaibigan at kasamahan ni Renz mula kolehiyo hanggang kilusang paggawa, ang isa pang larawan ng paglaban. Palatandaan ang balat: nasa sentro si Elmer “Tatay Elmer” Cordero, 72-taong gulang na tsuper na noong Hunyo 2020 ay napabilang sa “Piston 6,” mga tsuper na inaresto sa protesta laban sa jeepney phaseout, at naging popular na mukha ng mga jeepney driver at kanilang paglaban. Suot ni Tatay Elmer ang face mask at face shield, mga palatandaan ng isang partikular na panahon, ang pagtama ng pandemyang Covid-19.

Kung ang likha ni Renz ay imahe ng sama-samang paglaban sa posibleng mga sentro ng protesta na umpukan ng mga tao, ang likha ni Melvin ay imahe ng nag-iisang tao na napapaligiran ng mga waring inayos na mga imahe. Kung tila larawan o picture ang likha ni Renz, parang “protest selfie” na may graphic design naman ang kay Melvin. Kung itim-at-puti ang likha ni Renz, epekto ng midyum na ginamit at taliwas sa makulay at buhay na buhay na imahe ng mga jeepney, matingkad naman ang mga kulay ng likha ni Melvin, tila angkop sa social media na siyang lagusan. Kung nagsisimula pa sa isyu ng jeepney phaseout ang mga islogan sa likha ni Renz, mas masaklaw na ang mga panawagan sa likha ni Melvin: Paninirahan at karapatan, ipaglaban! Oust! Paglingkuran ang sambayanan!

“Buhay at Kabuhayan” (2020, 12.5 x 19 in medium, color pens and pencils on paper) ni Melvin Pollero

Makabuluhan ang porma ng mga likha: ipinapakita ang magkaibang larangan ng tunggalian na pinasok para isulong ang parehong panawagan ng parehong sektor ng lipunan. Kung ihahanay sa panahon at pagpapatuloy, ipinapakita rin ang masalimuot na kumbinasyon ng pagsulong at pag-aangkop na ginawa para sa parehong laban. Nagsisimula pa lang ang laban noong kay Renz, inabot ng pandemya kay Melvin. Pagsulong, sa paglawak at pagtalas ng mga panawagan. Pag-aangkop, sa mahirap na kalagayan ng pagpoprotesta sa gitna ng pandemya at pagmaksimisa ng social media. At dahil nasa social media ang eksibit at pagtatambal na ito, hamon at palaisipan kung paano mapapatagal ang halaga ng mga sining-biswal; sa usaping ito, magkasundo ang pagpapahalaga ng pakikibaka at sining laban sa mabilisang pagtanaw at pagkaligta sa mga imahe sa social media.

“Ang pinakamataas na parangal,” madalas sabihin ng mga aktibista patungkol sa mga kapwa-aktibistang pumanaw tulad ni Renz, “ay ang ituloy ang pakikibakang isinulong ng kasamang nabuwal.” Sa pagpapatuloy sa pakikibaka, pinaparangalan ng mga artista ng bayan si Renz; at sa pagpaparangal kay Renz, humahango sila sa pagpapatuloy nila — sa isang pakikibaka na nagpapatuloy rin, lagi’t laging nag-aangkop, at sumusulong sa kabila ng mga balakid.

Hatid rin sa inyo ng Nomina Nuda UGATLahi Artist Collective Kilusang Mayo Uno Mono8 Gallery Concerned Artists of the Philippines UP Artists’ Circle Fraternity