Panununog sa Bacoor

November 5, 2020

Pandemya, bagyo, at sunog ang sinapit ng komunidad ng mga mangingisda sa Bacoor, Cavite. Sa huli, hindi sakit o kalikasan ang posibleng kalaban nila, kundi kapwa tao.

Ang Manila Bay: Reclaiming Lives ay serye ng imbestigatibo, naratibo at in-depth na mga ulat hinggil sa mga buhay at pakikibaka ng mga komunidad at mamamayang apektado ng malawakang reklamasyon sa kahabaan ng baybayin ng Manila Bay sa ilalim ng programang pang-imprastraktura na Build Build Build ng rehimeng Duterte.

Iklik ang imahe para lumaki


Bahagyang humina ang hangin, at ang ulan din. Tahimik na sa Brgy. Sineguelasan, at sa katabi nitong Brgy. Alima, sa Bacoor, Cavite. Sa baybayin nito, sa dulo ng dagat, na nakatayo ang daan-daang bahay, karamiha’y bahay ng mga mangingisda, lalong tahimik. Marami kasi, lumikas, o pinalikas, dahil sa bagyo.

Nobyembre 1 noon, mag-aalas-10 ng gabi. Lumipat si JM, 10, sa kabilang bahagi ng Brgy. Sineguelasan, kaliwa ng covered court kung kaharap ang tubig, kasama ang mga kaibigan.

Hindi siya sumama sa mga magulang niya, na nagbakwit sa kanilang eskuwela, sa Bacoor Central Elementary School, dahil parating na raw ang supertyphoon Rolly. Anunsiyo ng lokal na gobyerno, bulnerable ang mga taga-Sineguelasan at Alima.

Tingnan na lang umano ang nangyari sa Bicol, na binaha ang maraming bayan, at sa Albay, na may umagos na lahar mula sa paanan ng bulkang Mayon at nagtangay ng libu-libong bahay at buhay. Mabuti na raw na lumikas para makaiwas. Nang nasa mga evacuation center na sa mga eskuwelahan, pinagbawalan silang bumalik sa komunidad.

Pero may iilang nagpaiwan. “May mga matanda na, hindi na makalabas ng bahay,” kuwento pa ni JM.

Tulog na ang marami sa mga naiwan, kasi alas-10 na nga. Nakita ni JM, mula sa malayo, na may umapoy sa isang bahagi ng kabahayan. “Binuhusan ng mga tao ng tubig-dagat. Pero parang lalong lumalaki ang apoy,” kuwento niya. Halos kasabay nito, sa gitnang bahagi ng kabahayan, may umapoy rin. “Mabilis lang kumalat. Ambilis,” sabi niya.

May pangatlo pa. Di tumagal, buong lugar na, umaapoy. “Umulan ng baga (sa palibot ng sunog),” ani JM.

Nabulag na sa sunog ang pusang saksi sa pagkasunog ng komunidad. Neil Ambion

* * *

Si Jonjon, kaliwa, nakitambay sa isa sa natitirang kabahayan sa baybayin ng Sineguelasan. KR Guda

Serye ng mga putok ang narinig nina Jonjon, 32, tatay ni JM, sa kaliwang bahagi ng komunidad, lampas ng covered court, kung nasaan ang sunog. “Nakatakbo pa ang ibang nandun para kumuha ng mga gamit. TV, isang appliance…pero di na nakabalik. Napakabilis ng pagkalat,” sabi ni Jonjon. “Nasunog ang modules (sa distance learning) ni JM. Pati mga libro.

Si Nanay Lourdes, isa ring tagakomunidad, anak lang ang nabitbit. Nangatog sa takot ang anak. “Hindi n’yo ba alam, natutulog kami, bigla kang kakalabogin kasi may sunog. Tapos ang mga anak ko, sarap ng tulog. Wala man lang ako nadampot (na gamit), anak ko lang,” naiiyak na ani Nanay Lourdes. “‘Yung anak ko, pagdating sa labas, nangangatog, yakap-yakap ko. Hindi ko maisip na nangyari iyun sa amin.”

Si Aling Paulyn, 64, naman, at ang kanyang asawa, nasa dulo ng kabahayan. Nakahiga na ang mag-asawa nang narinig nila ang mga putok. “Tumakbo agad kami palabas,” aniya. Pero naiwan ang limang aso nila. Ang isa, naiwan sa kulungan, kaharap ng mismong sunog. Katabi ng bahay nila, isang espasyo ng tubig na nilalagakan ng mga bangka. Hindi nasunog ang bangka, pero lahat sa palibot nito’y sunog.

“Biglang hinangin ang apoy, papalayo sa bahay namin,” ani Paulyn, kaya di nasunog ang bahay nila. Pero ang kanilang aso, tahol nang tahol, hanggang umaga. “Na-trauma ata ‘yung aso, kawawa naman.”

Samantala, ang mag-asawang sina Arthur at Gemma naman, nakabakwit na sa Sineguelasan Elementary School noong gabi nang mabalitaan nila ang sunog. “Wala kaming naisalbang gamit,” ani Gemma. Pero pinilit nilang makalapit sa sunog. Kinuhanan nila ito ng video at litrato.

Inspektor si Arthur ng isang pamprobinsiyang bus. Dahil sa pandemya, nawalan siya ng trabaho. Nag-sideline siya ng pagpapadyak, pero bihira naman ang sumakay. “Malamang hindi na kami pababalikin sa lugar,” aniya, matapos ang sunog. “Saan kaya kami ililipat?” tanong niya. Ano na ang hanabuhay namin?

Naabutan ng Pinoy Weekly sa naturang eskuwela ang mga nakabakwit na residente ng Brgy. Sineguelasan. Nakapila sila para magpatala sa social workers ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), at sa relief goods. Pero tanong ni Gemma, hanggang kailan ang relief? Walang katiyakan.

Sabi ni Arthur, nagtataka siya kung bakit matagal bago naapula ang apoy. “Wala pang isang oras, nandun na ang mga bumbero,” aniya. “Andaming bumberong dumating. Pero parang ambagal nilang kumilos,” sabi pa ni Gemma. Tinutok ang mga hose sa pader na naghihiwalay sa barung-barong na mga bahay sa tubig, at sa Monterra Villas, isang middle-class na subdibisyon sa tabi ng nasunog na komunidad.

Kuwentu-kuwento ng mga tao, may mga namatay daw sa sunog. Sa panahong sinusulat ang artikulo, wala pang naibabalitang namatay. Pero mahirap magrekober ng patay sa sunog na iyun: isang karagatan ng mga yerong parang papel na kinumos ang lugar.

* * *

Mga evacuee sa isang klasrum sa Sineguelasan Elementary School: Siksikan, aabot sa 10 pamilya sa loob. Neil Ambion

Ang inisyal na sabi ng mga awtoridad, posibleng mga kandilang naiwan na nakatirik sa mga bahay ang dahilan ng sunog. Undas kasi. Pero duda si Arthur dito. “Walang tao dun (sa komunidad). May bagyo. Papaanong may nagtirik ng kandila?” Lalong nakakapaghinala ang tila tatlong magkakasabay na siklab ng sunog, at ang bilis ng pagkalat.

Isang dekada nang nakatira sina Arthur at Gemma sa Sinegualasan. Sina, Nanay Lourdes, Aling Paulyn, at Jonjon, mahigit pa rito. Matagal na silang sinasabihan ng lokal na pamahalaan na may plano ito sa lugar. Pero kalakhan ng mga residente’y mangingisda. Iyun lang ang alam nilang kabuhayan. Sa pagtagal ng panahon, unti-unting papahirap ang pangingisda roon.

Nitong nakaraang dalawang taon, nagtayuan ang mga istrukturang komersiyal sa palibot ng komunidad. Walang isang kilometro ang layo sa Sinegulasan, nandoon ang kamakaila’y tinawag na POGO (Philippine Offshore Gaming Operations) Island, sakop na ng Kawit, na isang maliit na isla ng mangroves na may isang resort, Island Cove, na nagsara noong 2018.

Noong Hulyo 2019, sa isang pahayag, sinabi ni Sen. Leila de Lima na nakababahala umano ang naturang 32-ektaryang POGO Island dahil maaaring hudyat ito ng “kolonisasyon ng mga Tsino” sa bansa. “Sa ngayon, 32 ektarya ito pero maaaring maging simula ng posibleng kolonisasyon kung magdedesisyon silang mag-okupa pa ng mas maraming lupa sa iba-ibang lugar sa bansa. Mas malala pa ito sa ginawa nila sa West Philippine Sea kapag nagkataon,” sabi ni De Lima.

Sinasabing isang mayamang Chinese-Filipino ang bumili sa isla mula sa pamilyang Remulla. Inaasahan umanong mag-eempleyo ng 20,000-50,000 manggagawang Tsino.

Sa panukalang Cavite Reclamation Project ng probinsiyal na pamahalaan ng Cavite, balak “magtayo” ng pamahalaan ng limang isla sa pamamagitan ng reklamasyon. Itatayo ang apat sa kanlurang bahagi ng Sangley Point, Cavite City, at isa sa silangang bahagi nito, malapit sa baybayin ng Bacoor — malapit sa POGO Island at halos katapat ng Brgy. Sinegualasan. Sasakop ito sa 1,331 ektarya, at “mixed-use” o halo ang paggamit: may komersiyal at residensiyal.

Nakapaloob sa proyektong ito sa buong Cavite ang Diamond Reclamation and Development Project na nagkakahalagang P13-5 Bilyon, at ang 320-ektaryong Bacoor Reclamation and Development Project na nagkakahalagang P42-B. Ang huli, nakakuha na ng environmental compliance certificate sa Department of Environment and Natural Resources o DENR kahit may matinding pagtutol sa mga residente, kabilang ang mga residente ng Sinegualasan at Alima.

Samantala, pinasinayan na rin ni Pangulong Duterte noong Pebrero, bago ang pandemya, ang proyekto para sa Sangley Point International Airport, na naglalayon daw na paluwagin ang Ninoy Aquino International Airport o NAIA. Ginawad ni Duterte ang proyekto sa MarcoAsia Corp. ni Lucio Tan, kasosyo ang China Communications Co. Ltd. ng gobyernong Tsino.

Kasabay ito halos ng pagtatayo naman ng Aerotropolis o airport sa halos-katapat-sa-Manila Bay na Bulakan, Bulacan.

Bahagi naman ang proyekto sa Cavite, gayundin ang Sangley Point Development Project, at siyempre ang Aerotropolis sa Bulakan, ng Manila Bay Sustainable Development Master Plan, na napinal ng National Economic Development Authority o NEDA nitong Setyembre 2020. Bahagi ito ng programang pang-imprastraktura ng rehimeng Duterte na “Build, Build, Build”.

Malinaw ang pakinabang ng mga proyektong ito sa mga magtatayo ng mga imprastraktura: mga kompanyang tulad ng MarcoAsia sa Sangley Point at San Miguel Corp. sa Bulacan, at sa mga kompanyang Tsino. Pero paano ang mga mamamayang madidisloka ng mga ito?

Ilan sa mga istruktura sa POGO Island na tinatayo sa dating Island Cove sa Kawit, Cavite. Jaze Marco

* * *

Noong Oktubre, umalma ang mga mangingisda ng Bacoor sa pagtatayo ng bakal na barrier sa gitna ng tubig. Palagay ng Pambansang Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), na layunin nitong harangan ang daanan ng mga bangka sa pamamalaot sa Manila Bay.

“Sinimulan ang pagbabakod sa dagat sa gitna ng pandemya at habang may umiiral na community quarantine. Ang malala, walang project details na maipresinta sa amin ang aming lokal na pamahalaan kung para saan ang mga bakod. Nakakasagabal ito sa paglabas-masok ng aming mga bangka. Kung tutuluyang harangan ang dagat, saan kami kukuha ng ikabubuhay?” sabi ni Myrna Candinato, tagapagsalita ng Pamalakaya-Cavite.

Tantiya ng Pamalakaya, aabot sa 700 pamilya ng mga mangingisdang nakatira sa tabing-dagat ng Bacoor ang apektado ng proyekto. Mahigit kalahati nito, o 388 pamilya ang mismong nasunugan pa nitong Nobyembre 1.

Tulad ng duda ng mga residente ng Sineguelasan at Alima, duda rin ang Pamalakaya na aksidente lang ang sunog. “Hindi kami naniniwala sa kuwentong ordinaryong aksidente ang sunog kasi matagal nang alam na ang panununog sa mga komunidad ang pinakamadali, pinakatanggap, at pinaka-epektibong paraan para idemolis ang buong komunidad para magbigay-daan sa mga proyekto para sa ‘development aggression’,” pahayag ng Pamalakaya.

Hindi pa ito ang unang pagkakataon ng sunog sa tabing-dagat ng Bacoor. Noong Abril 2017, nasunog ang komunidad sa Brgy. Malicsi III, na nagdisloka sa 476 pamilya. Sinundan ito ng sunog sa Brgy. Tabing Dagat noong Enero 24, 2018. Nagkasunog din sa Brgy. Malicsi I at Malicsi II noong Hunyo 20, 2018, at sa Brgy. Talaba II noong Pebrero 2019, na nagdisloka sa 200 pamilya.

Duda ang mga mangingisda sa mga sirkunstansiya ng mga sunog. Nakapagtataka, ayon kay Ronnel Arambulo na tapagasalita ng Pamalakaya sa Timog Katagalugan, na iyun mismong mga komunidad na nasusunog ang sakot ng mga proyektong reklamasyon ng lokal na gobyerno, sa pamumuno ni Mayor Lani Mercado-Reviila. Nangangako ang grupo na independiyenteng iimbestigahan ang mga panununog.

Samantala, balisa pa rin ang mga nasunugan. Marami sa kanila, tuwing binabalikan ang pangyayari ay naiiyak. Bulnerable na sa panahon ng pandemya at krisis, napalikas pa dahil may malakas na bagyo, at nasunugan pa. At ngayon, wala silang tiyak na malilipatan. Nagsisiksikan sa mga evacuation center, walang social distancing. “Sana sinabi nila na umalis na lang kami nang maayos,” ani Nanay Lourdes na taga-Sineguelasan. “Hindi ganyan.”

Inilarawan ng ilang residente na “parang giyera” ang eksena noong gabing iyon. Pero itinuwid ito ni Jonjon. “HIndi parang giyera. Giyera talaga.”

Tanaw mula sa Manila Bay ang komunidad ng mga mangingisda sa Bacoor, kasama na ang nasunog na kabahayan ng 388 pamilya, na nakikitang umuusok pa. KR Guda

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda is Pinoy Weekly's editor-in-chief and a board member of PinoyMedia Center, Inc.