Midya, manggagawang pangkultura nagsagawa ng feeding program

November 21, 2020

Kultura ng damayan at pakikipagkapwa, buhay sa hanay ng mga mamamahayag at cultural workers.

Isang kagyat at pansamantalang tugon para sa mga nasalanta at biktima ng bagyo’t sakuna ang feeding programs. Layuning matugunan ang mga kagyat na pangangailangan ng mga tao habang dumadaan sila sa pag-angkop.

“Hindi biro ang mawalan ka ng tirahan, malimas ang lahat ng iyong mga gamit, mawalan ng kabuhayan at lalo na ang mamatayan ng mahal sa buhay dahil sa sakuna,” paliwanag ni Eric Garafil, convenor ng Tuesday Club (TC).

Feeding program ng Tuesday Club sa Kasiglahan. Iya Espiritu

Ang TC ay isang samahan ng mga media at cultural workers na nagtitipon at nag-uusap hinggil sa mga balita, kaganapan at mga pagtingin sa mga maiinit na usapin ng bayan.

“Because We Can (Dahil Kaya Natin)” ang mahigpit at mapagkaisang panawagan ng Tuesday Club para makaambag at makatugon sa pangangailangan ng mga mamamayan. Ang feeding program ng TC ay nakatulong sa mga biktima ng Yolanda, Ondoy, Sendong, Rolly at Ulysess.

Nakapagsustine ang Tuesday Club ng mga aktibidad sa tulong ng mga donasyon mula sa mga indibidwal at mga kaibigan nais tumulong. Mas nakatuon ang TC sa mga boluntaryong pagkilos ng kasapian nito para mabigyang katuparan ang mga plano.

Larawan mula kay Iya Espiritu

Nakapagpakain ng tatlong batch ang TC sa rehiyon ng Rizal. Noong Nobyembre 19, ang mga evacuee mula sa Rodriguez High School ay mainit at masayang sinalubong ang mga miyembro ng TC at madaliang nakipagtulungan ang volunteers kasama ang mga guro at miyembro ng mga lokal na organisasyon upang mapakain ang mga walang tahanan o homeless.

Sa ngayon, nangangailangan ang relocatees na nasa Rodriguez Senior High ng mga gamit panlinis, personal hygiene at health care kits, proper feeding (milk atbp) para sa mga bata at psychosocial care.

Para sa nagugutom na mga mamamayan. Iya Espiritu

Ang dapat pag-aralan ay kung saan sila pansamantalang mamamalagi at nangangailangan din ng cleaning kits at malinis na tubig. Barado na kasi ang mga banyo at marumi ang paligid. May kuryente na at tubig. Ang kalalakihan, bumabalik sa kanilang mga bahay para maglinis at naiiwan ang mga bata at kababaihan. Ito rin ang kailangan ng iba pang eskuwelahan sa Marikina, San Mateo at Rodriguez, gayundin sa Cainta at Bagong Silangan, Quezon City na ginawang evacuation centers.

Marami ang natuwa sa ganitong mga inisyatiba para lumapag sa mga lugar na nasalanta ng bagyo. Bilang media at cultural workers, napakahalaga na nasasaksihan ng aktuwal ang kalagayan ng mga mamamayan. Isa itong naratibo ng katotohanan at aktuwal na kalagayan.

Magpapatuloy ang mga inisyatiba tulad TC “because we can”.

Larawan mula kay Iya Espiritu

Iya Espiritu

Iya Espiritu

Si Iya ay isa sa mga haligi ng PinoyMedia Center, lalo na sa media engagement programme ng PMC.