Limang katwiran ng armadong paglaban

November 3, 2020

Hindi puwedang bansagang ‘terorismo’ ang inilulunsad ngayong ‘pinakamatagal na armadong insurhensiya sa kasaysayan ng mundo’.

Laman ng mga balita si Gen. Antonio Parlade sa mga pahayag niya sa midya.

Noong nakaraang linggo, pampublikong pinagbantaan ng hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Southern Luzon Command at tagapagsalita ng National Task Force of to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) ang mga artistang sina Liza Soberano at Angel Locsin, at dating Miss Universe Catriona Gray, laban sa pagdikit daw nila sa grupong pangkababaihan na Gabriela. Matapos nito, inulit niya ang mga paratang na “komunista-terorista” raw ang maraming sibilyan, legal at di-armadong mga organisasyong masa.

Matagal nang binabansagan ni Parlade at iba pang opisyal ng AFP at rehimeng Duterte ang Gabriela at mga organisasyong masa na “komunista-terorista” at sangkot sa armadong paglaban ng New People’s Army (NPA) at Communist Party of the Philippines (CPP). Pero kamakailan, sa ilalim ng rehimeng Duterte, lalong pinaigting ang paggamit nito.

At sa mga pahayag ni Parlade ngayon, halatang gusto na ring takutin ng rehimen ang sinumang artista o personalidad na huwag magsalita laban sa rehimen.

Sa ilalim ng Anti-Terrorism Act of 2020, sila rin sa militar at sa Anti-Terrorism Council ang magtatakda kung sino ang babansagang “terorista”. Sa ngayon, napakalawak na ng saklaw ng bansag na ito: mula bandidong Abu Sayyaf at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa Mindanao hanggang CPP at NPA hanggang legal at sibilyang mga organisasyong masa.

Malinaw na mapanganib ang pagbabansag na ito — para lalo sa mga sibilyang aktibista at ordinaryong taumbayan. Pero di rin makatwiran, batay sa anumang patuntunang pandaigidgan o lokal, na bansagang terorista ang armadong paglaban ng CPP at NPA. Sang-ayon ka man o hindi na kailangang armadong mag-alsa laban sa kasalukuyang rehimen at sistemang pampulitika at pang-ekonomiya ng bansa, hindi masasabing terorismo ang paglabang ito.

Ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit may armadong paglaban ang CPP-NPA-National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa bansa – at bakit hindi maituturing na terorismo ito.

PW File Photo

1. Malawakang kahirapan

Sa mga probinsiya o sa kanayunan, hindi maitatanggi ng datos ng gobyerno na mayorya pa rin ng lupaing agrikultural sa bansa ay kontrolado at pag-aari ng iilang pamilya o korporasyon. Mayorya ng mga magsasaka sa mga lupaing ito ay hindi pag-aari ang lupang sinasaka nila. Sa mga bayan at lungsod, hindi rin maitatanggi ang malawakang kahirapan — ang kakulangan ng sapat na trabaho (lalo na sa panahon ng pandemya), ng mababang sahod at kawalan ng seguridad sa mga may trabaho, at ng abot-kayang serbisyong pabahay, edukasyon at kalusugan. Sa kasaysayan ng mundo, malawakang kahirapan (at ang susunod na punto sa ibaba) ang nagluluwal sa armadong paglaban. Ito ang ugat ng armadong tunggalian.

Likhang sining ni Antipas Delotavo

2. Sistematikong pang-aapi at pagsasamantala

Hindi na balita ang sabihing tagibang ang sistemang pampulitika at pang-ekonomiya pabor sa iilang mayayaman, makapangyarihan at dayuhan, at di-pabor sa karamihang mahihirap. Mayayaman, makapangyarihan at dayuhan ang may akses sa serbislyong legal para depensahan ang interes nila. Sila ang may kontrol o monopolyo sa mga kagamitan sa produksiyon, sa mga imprastraktura, sa pinansiya. At ang mahihirap, kakaunti ang opsiyon para makaalwan. Ang kanilang lakas-paggawa, pinagsasamantalahan para mamaksimisa ang kita ng mga kapitalista. Ang mga propesyunal, nakapag-aral at “middle class”, nagdurusa rin sa mababang sahod. Ang marami sa kanila, natutulak pang mangibang bansa at iwan ang kanilang mga pamilya.

Kontrolado pa rin ng (at may monopolyo sa) atrasado-na-ngang ekonomiya ng Pilipinas ang iilang Pilipinong sobrang yaman at iilang dayuhan.

Panghuhuli ng mga pulis sa mga maralita sa Sitio San Roque sa Quezon City na humihingi ng ayuda noong Abril, sa kalagitnaan ng lockdown.

 

3. Sa ilalim ng rehimeng Duterte, sumisikip ang ‘demokratikong espasyo’ para magprotesta at maghangad ng pagbabago

Sa panahon ng matinding panunupil ng Estado sa karapatan ng mga mamamayan, nawawalan ang marami ng opisyon para mapayapang lumaban at magtulak ng pagbabago na makakabuti sa kalagayan nila. Halimbawa, noong panahon ng batas militar ni Marcos, ipinasara ang midya, ipinagbawal ang pagpoprotesta sa lansangan at ang pagbubuo ng pampulitikang mga organisasyon. Kung kaya, ang maraming Pilipino, pinili ang armadong pakikibaka.

Sabi nga, batas militar daw ang pangunahing rekruter ng NPA noon. Sa ilalim ng rehimeng Duterte, sumisikip ang mga larangan para mapayapang magreklamo at maghangad ng pagbabago: sinisikap pigilan ang pagprotesta sa lansangan (idinadahilan ang pandemya), tinatakot ang midya at binasura pa nga ang prangkisa ng ABS-CBN, at pati ang social media tulad ng Facebook ay gustong kontrolin. At ang mga organisasyong masa na legal, sibilyan at di-armado, binabansagang “komunista-terorista”, sinasampahan ng gawa-gawang mga kaso, at may ilang pinapaslang pa nga. Sa ganitong kalagayan, hindi nakapagtatakang pinipili ng iba ang armadong pakikibaka.

“Liberty Leading the People,” painting ni Eugene Delacroix na nagpapakita ng armadong pag-aaklas ng mga Pranses noong 1830 sa France.

4. Lehitimong paraan o porma ng pagbabagong panlipunan ang armadong pakikibaka

Sa kasaysayan ng mga lipunan sa mundo, naging pangunahing paraan ng makabuluhang pagbabago ng lipunan ang armadong pagbabalikwas ng mga mamamayan laban sa isang tinitingnan nilang mapang-aping sistema, uri at/o rehimen.

Noong 1776, armado ang pag-aaklas ng mga Amerikano laban sa mga mananakop na Ingles. Noong 1789, marahas na nagrebolusyon ang mga Pranses laban sa kaharian ni King Louis XVI. Noong 1917, armadong rebolusyon ang nagpabagsak sa monarkiya (Tsar) sa Rusya. Sa Pilipinas, noong 1896, armado ang pag-aalsang inilusad ni Andres Bonifacio at ng Katipunan, bago ito ipinagkanulo ni Emilio Aguinaldo at iba pa sa kamay ng mga Amerikano noong 1899.

Marami pang ibang ehemplo sa mundo. Pero ang malinaw: Isang paraan ang armadong pakikibaka para radikal na mabago ang lipunan.

Usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at gobyerno, noong 2017. Jon Bustamante

5. Mayroong International Humanitarian Law (IHL) na gumagabay sa makataong paglulunsad ng digma

Marami sa mga rebolusyon sa kasaysayan, wala pang IHL noong naganap ang mga ito. Sa Pilipinas, mayroon na nito noong unang inilunsad ang armadong pakikibaka ng NPA sa gabay ng CPP at kasama ang NDFP.

Ang IHL ay isang kalipunan ng mga panuntunan na naglalayong limitahan ang epekto ng armadong tunggalian. Pinoprotektahan nito ang mga di na makalahok sa mga labanan. Malaking bahagi ng IHL, nilagdaan ng mga bansa sa mundo sa Geneva Conventions noong 1949.

Pumirma bilang isa sa mga tagapagpatupad nito ang gobyerno ng Pilipinas. Noong 2009, ipinasa ng gobyerno ang Republic Act No. 9851, na batas laban sa paglabag sa IHL. Ang NDFP naman, nagkomit na susundin ang Geneva Conventions of 1949 at Protocol I ng 1977 noong Hulyo 5, 1996. Pumirma rin ito, kasama ang gobyerno ng Pilipinas ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o Carhrihl. Ito’y nilagdaan ng gobyerno ng Pilipinas at NDFP noong Marso 16,1998 at nilagdaan ng principal ng NDFP at GRP noong Abril 1998 at Agosto 1998, sa magkakasunod.

Sa pagkomit ng dalawang panig sa IHL, nagkomit ang mga ito na magagabayan ng pandaigdigang batas ang giyerang sibil. Sa bahagi ng CPP-NPA-NDFP, ang paglagda nito’y nangangahulugang may komitment itong hindi gagawa ng mga aktong maituturing na “terorista”. Pagtalima sa IHL ang humihiwalay sa NDFP sa mga grupong katulad ng Abu Sayyaf, BIFF at iba pa na di kumikilala sa mga batas na ito na gumagabay sa pakikidigma.

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan is a cultural and political writer who regularly contributes for Pinoy Weekly.