Kaltas-badyet para sa OFWs

November 17, 2020

May aasahan ba ang bagong bayani sa gobyerno sa gitna ng pandemya?

Kumusta na ba ang ating overseas Filipino workers (OFW) sa panahon ng pandemya?

Naihain na ang pambansang badyet para sa taong 2021, at nakapaglaan umano ng pondo ang pamahalaan para sa mga OFW. Pero sa taya ng Migrante International, progresibong grupo ng migranteng mga Pilipino, hindi ito sapat.

Nakalap ng Migrante ang datos nitong panahon ng pandemya: ginamit ng gobyerno ang P1.1 Bilyon pera na inilagak ng OFWs sa Overseas Workers Welfare Association (OWWA), at may dagdag pang P5.1-B sa Bayanihan Act. Pero anila, hindi ito sumapat para maibigay ang pangangailangan ng bawat OFWs na apektado ng pandemya.

Sadyang mahirap ang kinalagyan ng OFWs. Ayon sa Migrante, mayroong 400,000 ang umuwi sa Pilipinas mula nang nagka-pandemya. May 177,000 ang stranded sa iba’t ibang panig ng mundo, hindi pa kabilang ang mga mandaragat. Sa kasagsagan ng repatriation drive, sandamakmak na hirap ang dinanas ng mga OFW. Matatandaang hinarang ang kanilang konboy sa isang checkpoint sa Nasugbu noong panahon ng kuwarantina, at iba pa.

Naging bulnerable sila sa inihain na shelter at quarantine facilities na inihanda ng gobyerno.

Hikahos

Marami sa kanila ang nangailangan ng sikolohikal at medical na pagtugon. May mga ulat ng mga OFW na nagpakamatay habang nasa kuwarantina.

Aabot na sa 12,000 migrante na ang dinapuan ng coronavirus disease 2019 (Covid-19), ayon sa Migrante.

“Pakitang tao at pabalat-bungang serbisyo,” ni Arman Hernando, tagapangulo ng Migrante Pilipinas, ang tugon ng gobyerno.

Aniya, marami pa ring naniniwala na kinakalinga ng kasalukuyang gobyerno ni Pangulong Duterte ang mga migrante.

“Pero kung susuriing mabuti, wala itong pinagkaiba sa kung paano nito itinakwil ang interes ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang naghihirap na Pilipino,” aniya.

Tinasa ng grupo ang panukalang badyet ng gobyerno para sa serbisyo sa OFWs sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa 2021. Pahayag ng grupo, hindi naglaan ng sapat na pondo ang gobyerno para sa kagyat na pangangailangan ng OFWs sa panahon ng pandemya.

Tumaas ang pondong laan sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa P27.5-B, at P7.4-B naman para sa OWWA.

“Napakaliit pa rin nito upang bigyan ng sapat na serbisyo ang milyun-milyong OFWs at pamilya nila na kailangang makaagapay at makaahon sa pandemya,” pahayag ng Migrante.

Proteksiyon

Tantiya ng grupo na hindi sasapat ang P7.4-B taunang pondo ng gobyerno para sa Social Protection and Welfare for OFWs Program para sa tinatayang 700,000 migranteng naapektuhan ang trabaho at tinatayang mapapauwi hanggang sa unang kuwarto ng 2021. Anila, hindi na nga sumapat ang naunang P6.2-B na nagastos na para sa 400,000 OFWs.

“Ngayon pa lang, nauubos na ang pera ng OFWs sa OWWA. At dahil hindi naglaan ng pondo para isauli ang P1.1B ginasta ng gobyerno ngayong taong 2020, tiyak na lalong mauubos ang pondo nito sa susunod na taon kung tuluy-tuloy itong kukuhanan ng pondo para punuan ang kakulangan sa alokasyon ng gobyerno,” dagdag na pahayag ng grupo.

Dagdag pa nila, maituturing na “re-enacted deficient budget” para sa OFWs ang P1.25-B pondo ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagseserbisyo sa pangangailangan ng OFWs. P1-B ang nakalaan para sa Assistance to Nationals (ATN), at P200 Milyon naman ang para sa Legal Assistance Fund (LAF).

“Katumbas lang ng limang porsiyento ang inilaang badyet para sa migrante kung ikukumpara sa badyet na inilaan nito sa operasyon ng militar ay pulis kasama na ang sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac). Wala na itong inilaan na pondo para sa kagyat na ayuda gayong 280,0000 pa lang sa isang milyong OFW na biktima ng pandemya ang naaabutan nito ng tulong. Wala itong malinaw na binuong programa sa reintegrasyon at muling paghahanap-buhay ng mga migrante dito sa sariling bansa,” ani Hernando.

Kulang sa personnel

“Matagal nang idinadaing ng mga Pilipino sa ibayong dagat ang kakulangan ng ATN personnel, interpreter at abogado na magbibigay serbisyo sa panahon ng kanilang pangangailangan,” sabi pa ng Migrante.

Matatandaang napakarami ang nagkaroon ng problemang legal sa ibayong dagat tulad nina Mary Jane Velasco, at kamakailan lang, ang ksambahay ng mismong representante ng embahada ng Pilipinas sa Gitnang Silangan.

“Sa tuwing manghihingi rin ng tulong, palagian na ring tugon ng bawat embahada ang kakulangan ng pondo para magpaabot ng tulong. Ngayong may pandemya, hindi mapapasubaliang higit na tumindi ang pangangailangan ng bawat OFWs para sa serbisyo,” ayon sa Migrante.

Imbes umano na palakihin pa ang badyet para sa serbisyo para sa OFWs at migranteng Pilipino, mas inuna at pinalaki pa ang badyet ng ibang ahensiya lalo na sa militar at sa NTF-Elcac. “Sa kabila ng maliit na alokasyon sa mga ahensiyang tagapagbigay ng serbisyo sa mamamayan, lubhang napakalaki at kwestiyonable naman ang inilaan nitong pondo para patakbuhin ang ahensiyang nagtataguyod ng pasistang paghahari nito,” pahayag ng Migrante.

Susog pa ni Hernando, nangangahulugan ito ng mabagal at kawalang katiyakan sa serbisyo sa panahong mangangailangan ng tulong mula sa gobyerno ang sinumang OFW o pamilya nila.

“Katumbas ito ng mabagal, kapos at di tiyak sa serbisyong medikal, repatriation, quarantine at ayuda. Dahil dito’y magpapatuloy ang pagtutulak sa kanila ng gobyerno na umasa na lamang sa sarili nilang kakayahan o tanggapin na lamang anuman ang kanilang kasalukuyang kalagayan. Maglalagay din ito sa kanila sa patuloy na bulnerabilidad sa pang-aabuso ng mga employer, rekruter at panlipunang suliranin sa bansang kanilang pinagtatrabahuhan,” anas niya.

Naniniwala ang Migrante na nakaturol ang pagpapabaya ng gobyerno upang magbigay ng sapat na serbisyo sa mamamayan sa Pangulo. Kaya ang kasa nila, patalsikin na sa puwesto ang pasistang rehimen ni Duterte.

Para sa naturang grupo, lalong lalala lang ang kalagayan ng mga OFW at pamilya nila hangga’t nakaupo sa poder si Duterte.

Samantala, patuloy silang nangangalampag para sa P10,000 emergency cash assistance para sa lahat ng migranteng apektado ng pandemya kabilang ang kanilang pamilya, ang pagpapabalik ng P1.1-B pondo ng OFWs sa OWWA, at iba pa.

Ang panawagan ng Migrante, ituon ang 2021 badyet sa pagsugpo ng pandemya at kahirapan. “Pera ng bayan ilaan sa trabaho, kalusugan, kabuhayan at karapatan,” mariin nilang panawagan.

Darius Galang

Darius Galang

Darius Galang covers migrant and women's issues for Pinoy Weekly, while also working as a graphic artist and photographer. He is one of PW's long-time editorial staff and was a product of Manila Collegian of the University of the Philippines-Manila campus.