Isang buwan ng distance learning, kumusta ba?

November 17, 2020

Isang buwan mahigit na mula nang nagsimula ang klase. Nakakasabay ba ang mga estudyante, magulang at mga guro? Tunay ba’ng walang maiiwanan?

Mahigit isang buwan na mula nang pormal na magbukas ang klase noong Oktubre 5. Sa pagpapatupad ng gobyerno ng “distant learning”, maraming suliranin na sumulpot.

Kinaharap ng mga estudyante, mga guro at maging ng mga magulang ang iba’t ibang komplikasyon ng bagong moda ng pag-aaral bilang pag-angkop sa pamdemyang coronavirus disease-19 (Covid-19).

‘Pumapalya ang distant learning’

Ilang araw bago buksan ang klase para sa school year 2020-2021, sinabi na ng Department of Education (DepEd) na handang-handa na ito. Idineklerang “malaking tagumpay” at “tagumpay laban sa Covid-19” ni Education Sec. Leonor Briones ang pagbubukas ng klase sa talumpati nito.

Sa kabila ng pagtakbo ng mga klase, Kinaharap ng mga estudyante, guro at maging mga magulang ang iba’t ibang suliranin sa “distance learning” ng DepEd. Tumambad ang mga problema kaugnay ng mga modyul, koneksiyon sa internet, pag-alalay ng mga magulang sa kanilang mga estudyante at marami pang iba.

“Delayed ang mga modyul, kulang sa 1:1 ratio ng set ng modyul kada estudyante, at maraming mga mali. Ang mga guro at magulang ay nahihirapan pa rin sa printing supplies, gadgets, internet at pambayad sa mga yutilidad, at sa pagsisikap na gawing epektibo ang mga pinagsama-samang moda ng pag-aaral para sa kanilang anak. Nananatiling malaki ang bilang ng mga klase, ngunit kulang sa bilang ang mga estudyanteng pumapasok sa mga online class,” ani Raymond Basilio, pangkalahatang kalihim ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).

Para sa grupo ni Basilio, pumapalya umano ang distance learning sa kabila nang nakataya ang “kapakanan at karapatan ng milyong mga guro at mag-aaral”.

Sang-ayon sa punto ng ACT si Theresa Rosalda na may dalawang nag-aaral na anak sa lungsod ng Marikina. Aniya, walang maayos na plano ang pamahalaan – hindi umano komunsulta sa mga eksperto para sa paggawa ng kurikulum at mga modyul na angkop sa kasalukuyang sitwasyon at tila ipinasa ang bigat nito sa mga guro. “Hindi pinag-aralan at pinaghandaang mabuti ang pagpapatupad ng distance learning at hindi pinondohan ng sapat,” ani Theresa.

Magkaiba ang moda ng pag-aaral ng mga anak ni Theresa – online classes ang kanyang panganay na 1st year hayskul, samantalang modular naman ang bunsong nasa Grade 2. Puna niya, hindi umano sapat at minsa’y mali pa aniya ang mga impormasyong nakalagay sa learner’s materials. Madalas pa umanong nagsasaliksik pa ang mga mag-aaral at maging ang tulad niyang magulang para maituro at maintindihan nang maigi ang aralin.

Inireklamo din ni Theresa ang hindi mapag-iba ang ipinagagawa sa mga online learners at modular learners. Kuwento nito, noong unang linggo ng eskuwela ay pinapasagot pa ng modyul ang anak nitong online learner. Naranasan pa umano ng panganay nito na sumagot ng modyul ng hanggang hatinggabi dahil sa palugit na maipasa ito sa loob ng isang linggo.

Walang ibinigay na modyul

Dagdag na suliranin din, ayon kay Theresa, ang mga modyul na hindi naipapamahagi sa mga bata dahil umano’y hindi napiprint o late dumadating sa paaralan. Nagpadala na lang umano ang guro ng kanyang mga anak ng soft copy ng modyul sa mga magulang. “Maswerte kami na may internet at gadget. Paano yung wala? May isang magulang sa klase ng anak ko na yun ang lagi niyang daing sa group chat, paano makikita at masasagutan ng bata ang module kung ni pangload para sa data ay wala sila?” Kuwento pa nito.

Pinuna ng Act ang DepEd sa anila’y kabiguan nitong magbigay ng kumpletong set ng mga modyul para sa unang kuwarto ng blended learning. Napilitan umanong dumiskarte at maglabas ng sariling pera ang mga guro para anila’y matiyak ang patuloy na edukasyon ng mga estudyante.

Ayon sa grupo, maaaring umabot ng 600 modyul ang kailangang ma-print at maisaayos ng isang guro para maibigay sa mga estudyante o kanilang magulang. Gumagamit umano ang mga guro ng sarili nilang mga printer at suplay mula sa donasyon sa pagprint ng modyul at answer sheets.

“Lahat ng ito ay nangangahulugan ng mas mahabang oras ng trabaho, hindi pagtulog at walang weekend para sa mga guro, at iyan ay para sa isang moda pa lamang,” ani Basilio.

‘Isang buwang absent’

Sa pagtingin ng Act, hindi natugunan ni Sec. Briones at ng administrasyong Duterte, na anila’y ‘isang buwang absent’, ang mga problema kaugnay ng distance learning mula sa pagpaplano hanggang sa implementasyon nito.

“Sa unang buwan ng klase ay higit kinatampukan ng parehas na pag-abandona ng DepEd at ng Pangulo, at binalikat ng mga stakeholder ng edukasyon ang tungkulin ng Estado at sa pagresolba ng mga usapin kaugnay ng distance learning,” ani Basilio

Hinikayat pa ng grupo ang DepEd na makinig sa mga hinaing ng anila’y education frontliners kasama ang mga magulang at mga estudyante na dapat umano nilang pinagsisilbihan. “Nalilito na ang mga guro sa paggampan ng kanilang tungkulin na kumakain sa maraming oras at enerhiya para sa kanilang mga sarili at pamilya,” saad pa ni Basilio.

Suhestiyon naman ni Theresa sa pamahalaan na maglaan ng sapat na pondo at panahon para sa sa ligtas na pagsasanay sa guro at paggawa ng angkop na kurikulum at materyales. Dagdag pa nito, ang pagpopodo umano para sa gadgets at maayos na internet access ng mga mag-aaral at guro. 

Aris Baldomero

Aris Baldomero

Tagasubaybay ng underground scene si Aris Baldomero mula pa ng dekada 80s. Mahilig siyang sumuri at magbigay ng opinyon hinggil sa ugnayan ng eksena sa lipunang Pilipino. Pag may pagkakataon, tumutugtog din siya sa ilang banda na hindi kilala.