Editoryal

‘Washed in’, ‘washed out’

October 22, 2020

Bakit ba may proyektong pagpapaganda ang Manila Bay sa gitna ng pandemya? Bakit hindi na lang ginamit
ang P389 Milyong pondo nito para ayudahan ang mga mamamayang naapektuhan ng lockdown at pandemya?

Inanod na ng Manila Bay ang bahagi ng milyun-milyong halagang dolomite sand matapos ng sunod-sunod na pag-ulan dulot ng habagat nitong mga nakaraang linggo. Kaya naman naging tampulan muli sa social media sites ang Manila Bay White Sand Project na pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Seryoso man o ‘di seryoso ang mga pumupuna, mahihinuha pa rin ang matinding pagkadismaya ng mga ito – sayang ang pera ng taumbayan at hindi na lang ginamit pang-ayuda sa mga naapektuhan ng pandemyang Covid-19.

Pero ipinagtanggol muli ng tagapagsalita ng DENR at Usec. na si Benny Antiporda ang artipisyal na white sand sa naturang look. Aniya, mga “kasinungalingan” ang sinasabi ng mga kritiko ng naturang proyekto ng kanyang kinabibilangang departamento. Hindi umano na- ”wash out” ang dolomite kundi na- ”wash in” ng Manila Bay ang itim na lupa. Natabunan lang aniya ng dalawang pulgada ng itim na lupa ang dolomite sand.

Nilubos pa ni Antiporda ang kanyang pagkakalat nang tawaging “bayaran” ang mga siyentista ng UP dahil lang sa pahayag nito ng pagtutol ng UP Diliman Institute of Biology sa paggamit ng Dolomite sand. Totoo naman ang sinasabi ng mga siyentista – mas mura at mas sulit ang rehabilitasyon ng mangroves bilang “nature-based” na solusyon kumpara sa pagtatambak ng dinurog na dolomite sa pagsasaayos ng Manila Bay. Inani tuloy ng naturang tagapagsalita ng DENR ang galit ng mga siyentista at kalakhan ng komunidad ng UP at may nanawagan pa sa kanyang pagbibitiw.

Sinong taong nasa lohikal na pag-iisip na tatawaging bayaran ang mga siyentista na itinuturing ng gobyerno na partner ng isang programa na may malaking iniambag sa mga siyentipikong pananaliksik? Hindi dapat pumalaot si Antiporda sa usapin kung sino ang “bayaran” at baka mahanap niya ang hinahanap niya. Hindi ba’t bayaran ang tawag sa nagtamasa ng pusisyon sa isang ahensiya ng gobyerno – kahit hindi angkop ang kuwalipikasyon – bilang pabuya matapos ang pagkampanya para kay Pangulong Duterte? Gayundin ang pananatili sa pusisyon dahil sa patuloy na pagtatanggol sa isang administrasyon kahit sandamukal na ang kamalian?

Ibalik natin sa mahalagang mga tanong hinggil sa usaping ito: Bakit ba may proyektong pagpapaganda ang Manila Bay sa gitna ng pandemya? Bakit hindi na lang ginamit ang P389 Milyong pondo nito para ayudahan ang mga mamamayang naapektuhan ng lockdown at pandemya? At sa kabila ng mga rekomendasyon ng mga siyentista at mga eksperto, bakit artipisyal na solusyon imbes na solusyon nakabatay sa siyensiya ang isinagawa? Bakit pilit na ipinagtatanggol ni Antiporda at iba pang sumusuporta sa naturang proyekto? Sino ang nakinabang o makikinabang dito?

Alam na natin ang sagot.

Kaya bakit pa ipagpapatayan niya ang dolomite sa Manila Bay kung rehabilitasyon ang hinahangad? Baka napasukan na siya ng dolomite sa utak at na-”wash out” na ang lohika? O marahil ay nag-“wash in” sa kanyang pakinabang, sa anumang paraan, ang naturang proyekto.

Pinoy Weekly

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.