(Analysis) Istorya ng Linggo

Silang lumilikha ng pagkain, nagugutom, pinapatay

October 21, 2020

Malaking kabalintunaang ang malaking sektor na lumilikha ng pagkain ang mismong nagugutom. Silang nagpoprodyus ng ating kinakain na sa ati’y bumubuhay ang mismong pinapatay.

Oktubre na. Para sa mga nagtanim ng palay, rurok ito ng anihan.

Pero di tulad ng dati, kaiba ang Oktubre sa taong ito. Hindi na kasi maitatanggi ang magkakarugtong na dagok ng liberalisasyon sa industriya ng bigas sa mga magsasaka, at palyadong tugon ng rehimeng Duterte sa pandemyang coronavirus disease 2019 (Covid-19).

Ang nauna, dulot ng Rice Tariffication Law o Republic Act 11203, batas na pinirmahan ni Pangulong Duterte noong Pebrero 2019.

Mula nang maging epektibo, mistulang domino ang naging epekto ng RA 11203 sa kabuhayan ng mga magsasaka – sobrang pagbaba ng presyo ng palay, malaking pagkalugi at pagtaas ng insidente ng kagutuman.

Maliban pa ito sa iba’t ibang problen ng sektor tulad ng pagpapalit-gamit ng mga sakahan upang gawing mga subdibisyon, mall at iba pa para sa komersiyal na layunin, at iba pang tangka para sa rekonsentrasyon ng mga lupaing nakasalang na sana sa programang “reporma sa lupa” ng gobyerno.

Sa harap ng ganitong mga suliraning pangkabuhayan, ang tila hindi pag-ayudang makabangon at ekstra-hudisyal na mga pamamaslang sa mga magsasaka at kaalyado nito, napapatanong ang marami:

Unti-unting na bang pinapatay ng gobyerno ang mga magsasaka?

Nalulugi at nababaon sa utang

(PW file photo)

Malaking problema ng mga magsasaka ng bigas ngayon ang walang ampat na pagbagsak ng presyo ng palay.

Noong 2019, ramdam na ang pinatinding pambabarat sa presyo nito. Sa katunayan, naitalang pinakamababa ang presyo ng palay sa loob ng walong taon. Inireklamo na noon ng mga magsasaka ng Nueva Ecija na P7 lang binibili ang kanilang palay.

Sa ngayon, P10-P15 kada kilo ang presyo ng palay, depende sa rehiyon o probinsiya. Naitala ang pinakamababang bentahan ng palay sa Negros Occidental at Bicol ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at mga kaanib nitong mga grupo gamit ang #PalayPricePH sa social media.

Ayon pa sa KMP, kasinunangalingan ang sabi ng Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA), sa press conference nito noong Oktubre 1, na P19 kada kilo ang presyo ngayon ng palay. Di rin anila totoong “napapako” sa P12 kada kilo ang gastos sa produksiyon ng palay na sinabi ng National Economic and Development Authority (NEDA) dahil marami umanong ginagastusan kaugnay nito.

Ayon naman kay Cathy Estavillo, pangkalahatang kalihim ng Amihan na pederasyon ng mga organisasyon ng kababaihang magsasaka, malinaw ang pinsala ng Rice Liberalization Law sa kabuhayan, lokal na industriya ng bigas at sa self-sufficiency at seguridad ng bansa.

“Dinadanas ng mga magsasaka ang pagkakautang at pagkabangkarote ng dalawa hanggang tatlong panahon ng anihan dahil sa pagbagsak ng farmgate prices ng palay,” ani Estavillo

Inaral ng KMP ang katulad na mga kaso ni Tatay Narding, magsasaka ng palay na taga- Brgy. Sumapa, Malolos, Bulacan. Tenante siya sa isang ektaryang lupa na may patubig. Upang makapagtanim, umutang siya ng P20,000 na may limang porsiyentong interes kada buwan sa loob ng tatlong buwang anihan.

Inaasahan ni Tatay Narding na aanihin niya ang 80 kaban. Pero sa aktuwal, 42.5 kaban na lang ang natira sa kanya. 37.5 kaban (nagkakahalaga ng P28,125 sa P15 farmgate na presyo) mula sa kabuuang inani ang napunta sa buwis sa lupa, sa paggapas at bayad-upa sa thresher.

Mayroon sanang P31,875 kita si Tatay Narding. Pero dahil umabot ng P30,552 ang gastos sa produksiyon, kasama ang interes sa pautang, P1,323 lang o P14.7 kada araw ang kanyang netong kita sa tatlong buwan ng anihan. Ayon sa KMP, pagkakasyahin ni Tatay Narding ang kanyang kinita para sa pitong miyembro ng pamilya at para sa mga gastos at pambayad-utang.

Sa hiwalay naman na pag-aaral ng Danggayan Dagiti Mannalon ti Isabela (Dagami), organisasyon ng mga magsasaka sa Isabela, noong Abril 2020, sa loob ng anim na buwan, P111 kada araw lang ang netong kita ng isang magsasakang tenante sa probinsiya mula sa pagbenta ng palay. P207 kada araw naman daw para sa mga magsasakang may sariling lupa.

Sa kanilang komputasyon, aabot sa P65,747 ang gastos para sa pagtatanim ng palay sa isang ektaryang sakahan na aani ng may 125 kaban. Sa naturang gastusin, mapupunta sa mga “reaper” at iba pang nakikiporsiyento sa ani ang may 26 kaban ng palay na nagkakahalagang P21,450. Kasama rin sa gastusin ang bayad sa inutang para sa ginamit sa produksiyon na P34,075 na may 30 porsiyentong interes o P10,222.50.

Noong ginawa ng Dagami ang pag-aaral, nasa P16.50 ang presyo ng palay sa probinsiya. Ngayong P12 hanggang P13.50 na lang ang presyuhan, mas mababa na ang arawang kita ng mga magsasaka sa Isabela.

Dahil mataas ang gastos sa produksiyon ng palay, kalakaran nang mangutang ng mga magsasaka. Sabi ng Amihan, mas umano ito dahil sa pagbagsak ng presyo ng palay nang ipatupad ang Rice Liberalization Law. Ayon kay Estavillo, nalugi ang mga magsasaka ng palay ng P28,000-30,000 o P75- 80 Bilyon sa buong bansa sa unang taon ng RA 11203.

Isa pang suliranin ng mga magsasaka ang mataas na pamantayan at hinihinging requirement ng NFA sa pagbili ng palay na itinatakda ng RA 11203. “Matindi ang klasipikasyon ng NFA. Dapat tuyo at malinis. Ngayong tag-ulan, mahirap makatuyo ng palay kaya kahit mura, sa local trader na lang binebenta,” sabi ng isang magsasaka sa Sta. Rosa, Nueva Ecija.

Kinakailangan kasing 95-100 porsiyentong puro at may maksimum na 14 porsiyento na moisture content o tuyo, at hindi basa, ang palay upang tanggapin ng mga bodega ng naturang ahensiya.

Samantala, iginiit ng Amihan at Bantay Bigas ang P75-B badyet upang maitaas ng NFA ang kakayahang bumili ng 20 porsiyento ng lokal na produksiyon ng palay. “Sapat na ang 20 porsiyento para maimpluwensiyahan ng NFA ang presyong farmgate ng palay. Kung maibenta sa merkado, makakatulong iyon upang ma-regulate ang presyo ng bigas,” ani Estavillo.

Katumbas ng 3,762,965 MMT ang tinutukoy na 20 porsiyento ng kabuuang produksiyon ng bigas na 18,814, 827 MMT noong 2019 sa P20 kada kilo.

‘Todong liberalisasyon ng palay at bigas’

Noong itinutulak pa lang na maisabatas ang RA 11203, ipinangako ng gobyerno ang pagsugpo sa artipisyal na kakulangan sa suplay ng bigas at ang “pagsugpo” sa kartel ng bigas sa bansa. Gayundin, “tutugunan” ng naturang batas ang problema ng mataas na presyo ng bigas. Pero hindi ito nangyari matapos ang isang taon ng implementasyon.

Kinondena ng Amihan kasama ang Bantay Bigas ang panibagong importasyon ng 300,000 metric tons sa harap ng pagbagsak ng presyo ng palay. Ayon sa grupo, lalong pababain ng importasyon ng bigas ang presyo sa farmgate ng palay.

(PW file photo)

“May pangangailangan ba talaga na mag-angkat ngayon Oktubre kung kailan rurok ng anihan?” ani Estavillo na tagapagsalita din ng Bantay Bigas. Ipinunto din ng lider-magsasaka na maging sa RA 11203, nagmumula dapat sa lokal na produksiyon ang buffer stocks ng bigas sa bansa. “Dapat ilaan na lang ang bilyun-bilyong budget para bilhin ang palay ng mga magsasaka sa halip na mag-angkat na lalong magpapabagsak sa umiiral na farmgate price ng palay,” dagdag ni Estavillo.

Naglaan kasi ng P7.45-B ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) noong Abril para sa pag-angkat ng nasabing tone-toneladang bigas na inaasahang dumating ngayong huling kuwarto ng taon.

Pinuna rin ng grupo ang pag-angkat ng bigas na anila’y lagpas sa aktuwal na kakulangan ng suplay. Ipinapakita umano nito ang kabiguan ng RA 11203 na nagtutulak ng polisiyang liberalisasyon ng bigas at pagtutulak ng gobyerno sa pag-angkat upang makamit ang “seguridad sa pagkain”.

Sa ilalim ng naturang batas, tinanggal ang kapangyarihan ng Estado sa regulasyon nito sa industriya ng bigas kaugnay ng pamimili ng lokal na palay, pagbebenta ng murang bigas at maging ang pag-aangkat ng bigas. Gayundin, tinanggal ng buo ang quantitative restrictions o ang paglimita sa bolyum ng imported na bigas na pumapasok sa bansa.

“Hindi tunay na food-secure ang bansa kung pangunahin pa rin itong umaasa sa importasyon. Dapat pagtuunan ng gobyerno ang pagiging self-reliant at self-sufficient ng bansa para matiyak na may sapat, ligtas at abot-kayang pagkain ang mamamayang pilipino lalo na sa panahon ng krisis at pandemya,” ani Estavillo.

Kasabay ng pagsusulong na ibasura ang RA 11203, ipinanawagan din ng grupo ang pagsasabatas ng House Bill 477 o Rice Industry Development Act (RIDA) na inihain ni Gabriela Rep. Arlene Brosas kasama ang mga mambabatas ng blokeng Makabayan. Layunin ng batas na magkaroon ng sapat na pondo para magkaroong ng rice self-sufficiency ang industriya ng bigas sa bansa at maisaayos ang presyong farmgate at retail para sa pakinabang ng mga prodyuser at mamimili.

Walang ayuda, pinapatay

Isa ang mga magsasaka at sektor sa agrikultura ang matinding naapektuhan ang kabuhayan nang ipatupad ang ang enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa Covid-19. Sa taya ng Ibon Foundation, institusyon sa pananaliksik, noong Hunyo ay aabot ng 2.5 milyong magsasaka, manggagawang bukid at mangingisda ang naapektuhan ang kabuhayan noong lockdown.

(Kontribusyon)

Bukod kasi sa hindi pinapayagan, noong umiiral pa ang ECQ, upang magtrabaho sa sakahan at pangisdaan, pahirapan, kundi man pinagbabawalan, ang pag-aangkat ng kanilang mga produkto mula probinsiya tungo sa Maynila o sa iba pang mga sentro ng kalakalan.

Noong unang mga linggo pa lang ng lockdown, panawagan na ng KMP ang P10,000 ayudang pinansiyal at P15,000 subsidyo sa produksiyon upang makabalik sa pagsasaka sa ilalim ng pandemya at sa epekto ng RA 11203.

Sa tala ng grupo, kulang sa isang milyong magsasaka at iba pang kasama sa sektor ng agrikultura lang ang nakatanggap ng iba’t ibang anyo ng ayuda mula sa gobyerno sa ilalim ng Bayanihan 1 nito. Pero sa Bayanihan 2 at sa panukalang pambansang badyet para sa 2021, wala nang alokasyon para sa ayuda sa nasabing mga sektor.

Hindi rin umano nakatuon sa pagpapaunlad ng produksiyon ang mga programa ng pamahalaan para sa mga magsasaka kaugnay ng pandemya. Mas nakapokus, ayon sa KMP, sa marketing at logistics ang programang Plant! Plant! Plant! o Alpas Covid (Ahon Lahat Pagkaing Sapat) ng DA na mga komersiyante at malalaking negosyo lang ang umano’y nakikinabang. Inilantad din ng naturang grupo ang pangungurakot sa pondo na para sana’y ayuda sa mga magsasaka na P272 Milyong overpriced na fertilizer scam ng DA.

Samantala, ipinanukala ng KMP at iba pang grupo ng magsasaka ang Peasant Economic Stimulus package na nagkakahalagang P414.5-B. Sa naturang package, magbibigay ng subisdyo sa produksiyon at mamamahagi ng ilang ulit ng social amelioration sa 9.7 milyong magsasaka, mangingisda, at manggagawang bukid. Kasama rin dito ang walang-interes na pautang sa tatlong milyong magsasaka ng palay na apektado ng liberalisasyon ng bigas. Sa kasalukuyan, kasama na ang naturang stimulus package sa Shield Bill na inihain ng Makabayan sa Kamara.

Pinuna rin ng grupo ang anila’y patuloy pagkakait ng gobyerno ang P105-B Coco Levy Fund na makakatulong sana sa may 3.5 milyong magniniyog sa harap ng pandemya. Iniatas umano ni Duterte na iratsada ang pagpapasa ng panukalang batas para sa pagsasapribado at pagkakitaan ang nasabing pondo.

Sa kabila ng kawalan ng sapat na ayuda para sa pandemya, nakaamba pa umano, ayon sa mga grupo ng magsasaka, ang mga anila’y kontra-magsasakang neoliberal na mga programa. Pinapatungkulan ng mga ito ang National Land Use Plan na magdudulot ng kumbersiyon sa mga lupang nakalaan para sa produksiyon ng pagkain sa komersiyal na gamit; ang programang SPLIT (Support to Parcelization of Land to Individual Title) na programa ng Department of Agricultural Reform na nais paghiwa-hiwalayin tungong indibidwal na Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ang Collective CLOAs ng may 1.1 milyong magsasaka na sumasaklaw sa 1.38 milyong ektarya.

At imbes na tulungan upang makabangon sa pagkalugmok ng kabuhayan, panunupil ang ibinigay ng administrasyon laban sa mga magsasaka. Sa panahon ng pandemya, magkakasunod na pinatay ng hinihinalang mga puwersa ng Estado ang mga lider-magsasaka at mga kaalyado ng sektor na sina Marlon Madlos, Nora Apique, Jory Porquia, Carlito Badion, Randall Echanis, Zara Alvarez at marami pang iba.

Ayon sa KMP, 270 nang magbubukid, manggagawang agrikultural, at mangingisdang naggigiit ng karapatan sa lupa at kabuhayan na ang biktima ng pulitikal na pamamaslang.

‘Buwan ng pesante’

Itinuturing ng KMP at mga kaalyado nitong mga organisasyon ang Oktubre bilang “buwan ng pesante”. Sa taong ito, paglaban sa kagutuman at pamamaslang ang pangunahing kampanya ng sektor.

Ayon sa grupo, naglulunsad umano ng mga pakikibakang kontra-gutom ang kanilang mga pormasyon sa probinsiya at rehiyon na anila’y naggigiit ng mga “kongkretong ganansiya” para mga magbubukid at mamamayan.

“Hukumang Magsasaka” sa Mendiola, Manila noong Oktubre 21 (Sheng Dy Tioco)

Kasama sa itinuturing ng grupo bilang pagtugon sa kagutuman ang pagtatatag ng tinatawag nilang “kolektibong bungkalan” para sa produksiyon ng pagkain, “kolekltibong kusina” sa mga komunidad, relief operations at programa ng rehabilitasyon, at direktang pagbebenta ng mga produkto ng mga magsasaka.

Pero malinaw din sa grupo na hindi basta-basta mawawakasan ang kagutuman sa bansa.

Anila, kailangang itakwil ang umano’y “palpak na mga patakarang neoliberal”. Kabilang din dito ang “bulok na rehimen” na anila’y marahas na nagsusulong ng naturang patakaran.

“Gobyerno mismo ang pumapatay sa mga magsasaka. Habang doble-dobleng hirap ang nararanasan ng mga magsasaka dahil sa pandemya at sa pagbagsak ng presyo ng palay dulot ng liberalisasyon ng industriya ng bigas at palay, hindi bumibitaw ang rehimeng Duterte sa pagkakayakap nito sa neoliberalismo at liberalisasyon ng agrikultura,” ani Estavillo.

Kulminasyon ng “buwan ng pesante” ang “Hukumang Magbubukid” na isinagawa noong  Oktubre 21 na anila’y isang pambansa-koordinadong pagkilos. Pangunahing panawagan ng mga grupo ng magsasaka: “Wakasan ang kriminal na kapabayaan at pasismo ng Rehimeng Duterte!”

Oktubre na. Para sa mga ginugutom at pinapatay na mga magsasaka, panahon din ito ng singilan.

Joseph Dy Tioco

Joseph Dy Tioco

Si Joseph Dy Tioco ay staff reporter ngayon ng Pinoy Weekly.