(Analysis)

Panawagan sa mga ‘mersenaryo’ ng Estado

October 23, 2020

Laging hiling sa kanila ng mga itinuturing nilang kaaway: Maglingkod sa bayan, huwag sa dayuhan.

Pumutok ang malawakang pagkondena sa social media sa malupit na pagtrato ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa bilanggong pulitikal na si Reina Mae “Ina” Nasino.

Hanggang libing, napalibutan si Ina Nasino ng BJMP at PNP personnel. Kapatid

Noong Oktubre 16, nilibing ni Ina ang kanyang tatlong-buwang sanggol na si baby River Emmanuelle. Binigyan siya ng anim na oras na furlough o pansamantalang paglaya para makadalo sa burol at paglibing. Pero dose-dosenang armadong personnel ang itinalaga sa kanya. Hinigpitan ng mga ito ang pagbisita sa burol ng mga tagasuporta at kaanak, at kinomand ang pagpaandar ng karo para maihiwalay sa luksang martsa ng mga kaanak at tagasuporta. Hanggang sa huling sandali ng paglibing, nakapalibot sa kanya ang tila “walang pusong” mga bantay. Hanggang sa huling sandali, nakaposas si Ina.

Sa pagmamalupit sa kanya ng PNP at BJMP, at ng korte na nagdidinig sa kaso niya, naging simbolo si Ina ng mistulang kawalang patas na pagtrato sa ilalim ng kasalukuyang sistema ng hustisya sa pagitan ng ordinaryong mga mamamayan at mayayaman. Sa social media, tinukoy ng mga netizen ang tagibang na pagtrato ng mga nasa gobyerno pabor sa mayayaman at maimpluwensiya, mga katulad nina Bong Revilla, Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, Joseph Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo at Imelda Marcos, na minsa’y nakulong at/o nahatulan ng korte pero hindi hinihigpitan, makailang-beses napagbigyan ng furlough, o hindi pa nga maikulong.

Pinag-iisipan umano ng pamilya ni Ina, ng progresibong mga grupo, at mga abogado nila na sampahan ng kaso ang BJMP at PNP dahil sa pagtrato ng huli kay Ina. Samantala, sa social media, pinuruhan ng puna ang mga tauhan ng PNP at BJMP, at mga opisyal ng gobyerno – mula kay Celine Pialago hanggang kay Eduardo Ano – na dumedepensa sa kanila.

Pagharang ng mga pulis sa mga nagmamartsang grupo ng mga magsasaka sa Mendiola nitong Oktubre 21. Altermidya

* * *

Di nakapagtataka at hindi siguro maiiwasan ang galit sa “overkill” na presensiya ng armadong mga puwersa sa anim-na-oras na furlough ni Ina para iburol at ilibing ang anak. Sa ilang kabataan sa social media at sinasabing millennials, nababanggit ang “ACAB” (“All cops are bastards”) at ang anarkistang islogan na “Fuck the Police!” na nauso sa mga pangkista sa Inglatera at US para ihayag ang galit sa panggigipit ng mga awtoridad kay Ina, gayundin sa malupit at mapang-abusong rekord nito sa giyera kontra droga at kontra insurhensiya.

May isang netizen, isang propesor na nag-aral sa kalagayan ng rank-and-file personnel ng BJMP, na nagpahabol ng pagtingin: Huwag namang puruhan ng galit ang ordinaryong mga tauhan ng mga kulungan katulad ng mga natalaga sa pagbantay kay Ina.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Hannah Nario-Lopez, propesor sa sosyolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, na mahirap din ang kalagayan ng ordinaryong mga personnel ng BJMP. “Totoo po na undermanned ang jail system natin. Ang kasalukuyan pong officer-detainee ratio ay 1:106. Ang standard escort ratio ay 1+1:1,” sinulat pa niya. “(Sa) jail, ‘order is order’. Ang mga officers ay may obligasyon na sumunod point-by-point nang ‘hindi lalampas sa guhit’ base order na bumababa sa kanila,” sinulat pa niya.

Hindi minemenos ng propesor ang kalupitang sinapit ni Ina sa kamay ng mga tauhan ng BJMP at PNP. Gayunman, nasa mga opisyal ng PNP at BJMP ang responsabilidad sa paghihigpit kay Ina, hindi sa ordinaryong personnel na nagpapatupad lang ng mga utos.

Naghihirap at pinagsasamantalahan din ang ordinaryong personnel ng BJMP at PNP. Ordinaryong mga mamamayan at maralita rin ang kumakatawan sa kalakhan ng armadong mga puwersa ng Estado.

Pero maitatangging isa sa pinaka-pinaboran ni Pangulong Duterte sa pagtaas ng sahod ang unimpormadong personnel. Noong 2019, nasa P29,668 ang base pay ng Private sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Jail Officer I ng BJMP at Police Officer I ng PNP. Ikumpara ito sa base pay ng Teacher I na P20,745 at kawani ng gobyerno na nasa Salary Grade I na P11,068 noong parehong taon.

Sang-ayon ito sa disenyo ng rehimen na alagaan ang armadong mga puwersa ng Estado para maseguro ang katapatan sa Pangulo. Gayunman, hindi “rank-and-file” ang nakatanggap ng pinakamatinding pagkalinga ni Duterte kundi ang nasa matataas na poder sa organisasyon. Samantala, nababala naman sa “stressful” o mahirap na mga sitwasyon ng pagpapatupad ng mga utos ang mga nasa ibaba.
Naitutulak silang “foot soldiers” na pangunahing magpatupad sa mga utos na pagsupil sa mga katulad ni Ina na nagtatangkang magsalita at kumilos para sa panlipunang pagbabago.

Police brutality noong panahon ng batas militar ni Marcos. Larawan ni Boy Bagwis

* * *

Ito, ayon sa rebolusyonaryong intelektuwal, manunulat at lider na si Jose Maria Sison, ang “mercenary tradition” sa AFP, na masasabi ring tradisyon sa PNP at BJMP.

Mas kilala sa publiko, siyempre, si Sison bilang Komunistang lider na binabansagan ng AFP at PNP na nangungunang “communist-terrorist” na ngayo’y nakadistiyero sa bansang The Netherlands. Pero mahigit 50 taon na ang nakaraan, bago pa man niya pamunuan ang pagtatag sa Communist Party of the Philippines (CPP), nagtalumpati si Sison sa isang pagtitipon ng junior at senior na mga kadete ng Philippine Military Academy (PMA) – para talakayin ang “mersenaryong tradisyon” na ito.

PMA, siyempre, ang pangunahing eskuwelahang militar ng AFP sa bansa. Noong 1966, natatag na ni Sison ang Kabataang Makabayan (KM) at aktibo na siyang sa pag-oorganisa ng kabataan at estudyante.

“Nag-imbita sa akin (na magsalita noong 1966 sa PMA ang) entire junior and senior classes. Leading elements of such classes were KM members. There was a secret chapter of KM in the PMA from 1964 onwards,” kuwento ni Sison, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Sa pagkakaalala niya, aktibo noon ang KM sa PMA. May chapter meetings na nagaganap sa Ato Bookstore sa Session Road, o kaya sa bahay ng isang Cecile Carino Afable tuwing katapusan ng linggo. “They became inspired by the Philippine revolutionary tradition and were appreciative of the Vietnamese struggle against the US imperialism. A number of cadet members came from the UP (University of the Philippines). They were first year enigineering students and then they took PMA entrance exams,” alala ni Sison. Malugod na tinanggap umano ng mga kadete ang talumpati niya.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Sison na sa unang tingin, nagmumula naman talaga ang AFP sa makabayang tradisyon ng Katipunan. “On the surface, every soldier of the government carries with him the initial of the Katipunan on his uniform. The (PMA) carries the name of the great anti-imperialist general, Gregorio del Pilar, who fought both against the Spanish colonialism and US imperialism,” bungad niya.

Pero sa pagtagal ng panahon, niyakap ng AFP ang “mersenaryong tradisyon” ng pagtatanggol sa dayuhang pangingibabaw ng gobyernong US sa Pilipinas. Kongkretong halimbawa nito, ani Sison, ang pagsiwalat ng noo’y Speaker Cornelio Villareal sa The Manila Times na may nakapaloob-sa-sistemang kontrol ang Joint United States Military Advisory Group (Jusmag) sa AFP sa pamamagitan ng kontrol sa lohistika, intelihensiya, pagpaplano, at pagsasanay ng personnel sa estratehikong antas.

Hanggang ngayon, may mga kritikong nagsasabi na nananatili pa rin ang kontrol na ito. Aktuwal na nakapuwesto pa rin ang Jusmag sa loob ng Kampo Aguinaldo. Kalakhan ng matataas na opisyal ng AFP ay sinasanay pa rin ng Jusmag at sa mga eskuwelahang militar sa US. Pero ang bago sa rehimeng Duterte, nagsisimula na rin ang paglatag ng impluwensiya ng China sa AFP at PNP, sa pamamagitan ng pagsasanay-militar, partnerships at mga proyekto.

Kung susundan ang kasaysayang militar ng Pilipinas, ani Sison, makikitang nagtatagumpay ang pamumuno ng isang dayuhang kapangyarihan sa paggamit ng isang bahagi ng mga Pilipino para lumaban sa kapwa mga Pilipino. “The Spaniard Magellan thought it wise to side with King Humabon against Lapu-lapu. This was the pattern of military activity that the colonialists employed to retain control of the Philippines for more than three centuries,” ani Sison.

Nakapaloob sa pagsasanay ng US sa AFP ang ideolohiya ng “anti-komunismo” o paglaban sa pagkalat daw ng ideolohiyang komunismo sa buong mundo. Noong nagtalumpati si Sison sa PMA, kasagsagan ng tinatawag na Cold War. Ito ang palihim na giyera at pagpapaligsahan sa pagitan ng US at Soviet Union na “komunistang” bansa. Sa ngalan ng anti-komunismo, naglunsad ang US ng mga “proxy war” o giyerang kontrol nito mula sa malayo, laban sa mga kilusan sa mahihirap na bansa na nakikibaka para sa pambansang soberanya nito. Naging tampok ito sa Latin Amerika at Asya, kasama ang Pilipinas at Indonesia.

Malalim at esensiyal na bahagi ngayon sa AFP ang “anti-komunismo” at galit sa komunismo o kahit sa progresibong pulitika. Ipinagpapatuloy ang tradisyong ito ngayon sa social media – sa opensibang black propaganda na paninira sa progresibong mga lider, pagbabansag sa sibilyan at legal na mga aktibista, lider at mambabatas bilang bahagi (at lider pa nga) ng armadong pakikibaka ng CPP at New People’s Army – kahit walang ebidensiya at taliwas sa lohika.

Nakita ito kamakailan lang, sa mismong kumander ng Southern Luzon Command ng Philippine Army na si Lt. Gen. Antonio Parlade. Tahasang nagbanta si Parlade sa sikat na artistang si Liza Soberano na huwag makitungo sa grupong pangkababaihan na Gabriela kung ayaw niyang sapitin ang nangyari sa ilang kababaihang “rebelde” na napaslang kamakailan. Sa pahayag ni Parlade, siniraan at binansagang komunista o tagasuporta ng mga rebelde, kahit walang katiting na ebidensiya, ang mga artista na naghayag ng kritikal na mga opinyon sa rehimeng Duterte: sina dating Miss Universe Catriona Gray, at Angel Locsin, pati ang kapatid ng huli na na aktibistang si Ella Colmenares. Binansagan pa ni Parlade si Colmenares bilang rebelde raw sa Quezon. Tila nahihibang na ang heneral.

Mas masahol ang sinapit ng mga aktibistang katulad ni Ina Nasino. Silang mga bilanggong pulitikal, binansagang “komunista” at “terorista” habang aktuwal na tinaniman ng ebidensiya (baril at granada, na absurdong nasamsam daw sa opisina ng progresibong mga grupo na kanilang nireyd) para bigyan-katwiran ang pagkulong sa kanila.

* * *

Papaano napapanatili ang matinding pagkamuhi ng mga tauhan sa militar at pulisya sa mga aktibista na itinuturing nitong komunista o kakampi ng mga komunista?

Nasa pundasyon ng mga institusyon ng militar at pulisya ang “anti-komunismo” o ang walang-pagtatanging pagkamuhi sa lahat ng “komunista”, progresibo o Kaliwa. Esensiyal na prinsipyo ito ng US counter-insurgency manuals na sinusunod ng AFP, kabilang ang pinakahuling US Counter-insurgency Guide noong 2009.

Ilang dekada matapos umusbong ang “komunismo” o, mas angkop, Marxismo, bilang pilosopiya noong ikalawang bahagi ng ika-19 siglo sa Europa, itinuring na ito ng Estado sa US bilang “banta” rito. Paliwanag ni Larry Ceplair, sa kanyang librong Anti-Communism in Twentieth Century America (2011), sa pangkalahata’y walang malinaw na batayan ang kumalat na kinakatakutang “Communist threat” o banta ng komunismo sa US. “As a result, many of those who feared this ‘threat,’ as well as all of those who stood to benefit from proclaiming the ‘threat,’ trumpeted their warnings in a highly emotional, attention-getting manner,” sabi ni Ceplair.

Pansin ito sa mga meme o publication materials na inilalabas ng Facebook pages na hawak o sumusuporta sa AFP: Palaging gumagamit ng fonts na kahawig ng tumutulong dugo, nagpapakita ng mga imahe ng nasawing mga rebelde, manipuladong mga imahe ng kilalang mga progresibo o aktibista na may karit-at-maso (simbolo ng komunismo) sa ulo, o may hawak na armas. Palagi itong naglalaman ng mga kuwento raw ng “kahayupan” ng mga komunista: mga kuwentu-kuwentong walang ipinakikitang ebidensiya o sources na maaaring ma-vet o maimbestigahan ng reputado at independiyenteng mamamahayag, imbestigador o akademiko.

Sa kasaysayan ng mga militar sa Pilipinas at US, makikita ang konsistent na pagsasalarawan sa mga komunista bilang “hayok-sa-dugo”, brutal, maka-hayop, at halos di-makataong mga nilalang na walang pagpapahalaga sa buhay ng iba (kaya lagi ring laman ng pages ng militar ang akusasyon ng panlilinlang raw sa kabataan para marekluta sa NPA).

Madalas ding isalarawan ang komunismo bilang “godless ideology” o ideolohiyang walang Diyos – kahit pa hindi rin naman nababanggit ang paniniwala sa Diyos sa anumang sulatin hinggil, halimbawa, sa Kapitalismo na namamayaning sistemeng pang-ekonomiya sa mundo ngayon. Ito ri’y kahit pa ang pinuno ng Simbahang Katoliko mismo, si Pope Francis, ay tila may paborableng pagtingin sa komunismo.

Sa kabila nito, at sa kabila ng pagiging mayoryang relihiyon ng Pilipinas ang Katolisismo, malakas pa rin ang tradisyon ng anti-komunismo lalo na sa militar at pulisya. May praktikal na bentahe ang tradisyong ito para sa pagpapasunod ng mga opisyal sa rank-and-file personnel: Mas madaling ipaturing na “mas mababa sa ordinaryong tao” ang mga aktibista at pinararatangang mga komunista.

Maikukumpara ang anti-komunismo sa demonisasyon ng US Armed Forces sa mga kalaban nito sa giyera kontra terorismo. Sa mga ulat ng mga mamamahayag sa giyera sa Iraq, nakukuwento ang pagbabansag ng mga sundalong Kano sa mga kalaban nilang Arabo bilang “towelheads”, “ragheads” o “camel jockeys”. Noong panahon ng giyera ng US sa Vietnam, tinawag ng mga sundalong Kano ang mga rebeldeng Vietnamese na “dinks”, “gooks” o “slopes”.

Maikukumpara rito ito sa giyera kontra droga ng rehimeng Duterte. Noong 2016, sa konteksto ng pagdepensa sa madugong giyera kontra droga ng kanyang rehimen, sinabi ni Duterte na “not humans” o “hindi tao” ang mga nalululong sa droga.

Sa pamamagitan ng pagpapababa sa pagtingin sa mga aktibista at binabansagang komunista bilang “di-tao” o “mababa-sa-tao”, mas madali na silang saktan o pagmalupitan ng mga sundalo o pulis. Tutal, hindi naman sila “ordinaryong mga tao”, hindi kailangang respetuhin ang karapatang pantao nila.

Ehersisyong militar ng US Armed Forces at AFP. Larawan mula sa FB Page ng Balikatan Exercises

* * *

Hindi nakakapagtaka, kung gayun, na walang masyadong nakitang simpatya kay Ina Nasino ang mga awtoridad. Dinepensahan pa ang “overkill” ng mga opisyal ng BJMP at PNP, ni Interior Sec. (at retiradong AFP heneral) Ano at ng Malakanyang.

Pero sa kabila nito, may isang lumalabas na opisyal ng AFP na nagpakitang kayang sumalungat sa namamayaning kultura ng kawalang simpatya sa mga aktibista.

Isang Col. Mike Logico, na ayon sa kanyang FB account ay direktor ng AFP Joint and Combined Training Center, ang nagpaskil sa FB noong Biyernes, Oktubre 17: “Politics aside, a mother should be allowed to grieve for her child. It’s a human issue.” Kinabukasan, nagpaskil muli si Logico sa kanyang account: “Sometimes, a little kindness and empathy can go along way towards earning the people’s respect. #missedopportunities.”

Sa araw ding iyon, may post muli si Logico, na malinaw nang nagpahayag ng pagtingin kaugnay ng mga pagkondena sa malupit na pagtrato kay Ina. Sabi niya: “Ladies and gentlemen of the Corps, you know what? If it’s still a mystery as to why we are still fighting the NPAs who seem to have a consistent supply of recruits, then we have a problem.”

Ipinamalas nito ang posibilidad ng pagmamalasakit ng isang opisyal ng militar sa isang itinuturing niyang kaaway. Nananatili ang hamon lalo sa rank-and-file personnel ng militar, pulisya at kulungan: talikuran ang “mersenaryong tradisyon” sa mga institusyong ito. Pero sa kagyat, maging mapanuri sa mga utos ng nakatataas, o, ayon sa tradisyong Kristiyano, gamitin ang konsensiya.

Ang “ilegal” o “imoral” na utos, hindi kailangang sundin.

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda is Pinoy Weekly's editor-in-chief and a board member of PinoyMedia Center, Inc.