Husgahan Natin

Pagpaliban sa halalan sa 2022: Dahil ba sa Covid-19?

October 5, 2020

Sa mas malalim na pagtingin, dapat lamang nating ituloy ang eleksyon sa 2020, ayon sa mga senador at mga kongresista.

Ang coronavirus pandemic daw ang dahilan kung bakit naisipan ni Cong. Juan Miguel Arroyo na hingin sa Commission on Elections (Comelec) ang pagpapaliban sa 2022 presidential elections.

Takot daw ang mga tao raw na lumabas sa kanilang mga tahanan dahil baka mahawaan sila ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).

Dahil dito, hiniling ni Arroyo noong budget deliberation ng Comelec sa Kongreso na kung maaari’y pag-aralan ng Comelec ang pagpapaliban sa darating na halalan sa 2022.

Hindi raw niya sinabi na ang Kongreso ang magpasya sa kanyang kahilingan dahil baka isipin na gusto lamang ng mga Kongresista na mapahaba ang kanilang mga termino.

Ayon naman kay Comelec Chairman Sheriff Abas, wala sa kanilang kamay ang karapatan para magdesisyon sa bagay na ito kundi nasa Kongreso at kay Pangulong Duterte.

Sabi naman ni Samar Rep. Paul Daza, kung matutuloy ang halalan sa 2022, malaking pabor ito sa mga nakaupong kongresista dahil mahihirapan ang mga bagong takbo na mangangampanya dahil sa pandemya.

Kung kaya’t parang may saysay na ipagpaliban muna ang darating na halalan.

Pero sa mas malalim na pagtingin, dapat lang nating ituloy ang eleksiyon sa 2020, ayon sa mga senador at mga kongresista.

Una, maraming bansa ang nagkakaproblema rin dahil sa pandemyang ito. Pero nagawa pa rin nilang ituloy ang eleksiyon sa kanilang bansa.

Kabilang sa mga bansang ito ang South Korea, Taiwan, Singapore, Iceland, at Poland na nasa gitna rin pandemya pero nagawa pa ring ituloy ang eleksyion sa kanilang mga bansa.

Kahit ang Estados Unidos na isa sa may pinakamataas na Covid-19 infections sa buong mundo ay tuloy na tuloy at walang balak na ipagpaliban ang presidential election sa Nobyembre 2020.

Kung nagagawa nila ito, walang dahilan para hindi magawa ito ng ating bansa.

Pangalawa, maaari tayong magpatupad ng iba’t ibang paraan para tiyakin ang kaligtasan ng publiko laban sa Covid-19 sa darating na halalan.

Maaari nating gawing tatlong (3) araw ang pagboto sa eleksiyon sa halip na isang (1) araw lang at limitahan ang bilang ng mga botante sa mga presinto para matiyak ang pagsunod sa social distancing.

Ang pag-ekstend sa pagboto’y nagagawa na natin sa overseas voters sa ibang bansa at maaari rin nating gawin kahit sa local voters.

Ang pagbawas ng mga botante sa presinto naman ay maaari nating babaan mula sa 12 katao sa hanggang lima lang.

Maaari rin nating gawing online ang pagpaparehistro pati na ang pagpsumite ng kandidatura ng mga gustong tumakbo.

Hindi natin dapat gamiting dahilan ang pandemya para ipagpaliban ang halalan dahil hindi maganda ito para sa mga mamamayan, ayon naman sa Malakanyang.SD

Kung iisipin, labag sa ating Saligang Batas ang panukalang huwag ituloy ang darating na halalan sa 2022.

Sa ating 1987 Konstitusyon, ito ang sinasabi:

“ Artikulo VII

SEK. 4. Ang Pangulo at ang Pangalawang Pangulo ay dapat mahalal sa pamamagitan ng tuwirang boto ng sambayanan para sa taning na anim na taon na magsisimula sa katanghalian ng ikatatlumpung araw ng Hunyo na sumusunod sa araw ng halalan at magtatapos sa katanghalian ng gayon ding petsa pagkaraan ng anim na taon.”

Kaya hindi dapat lumampas sa anim na taon ang panunungkulan ng Pangulo at Pangalawang Pangulo.

Kung ipagpaliban natin ang 2022 elections, kailangan nating pahabain ang termino ng Pangulo at Pangalawang Pangulo at lalabag ito sa ating kasalukuyang Saligang Batas.

Kung ganoon, kailangang maamyendahan ang ating Saligang Batas.

Paano natin mababago o maaamyendahan ang ating Saligang Batas?

Dalawang hakbang ang dapat sundin.

Una, dapat ay may panukala tungkol sa pagbabago ng ating Saligang Batas (Seksiyon 1, Artikulo XVII, 1987 Konstitusyon).

Pangalawa, ang panukala ng pagbabagong ito’y dapat maratipikahan ng mga mamamayan sa isang gaganaping plebisito tungkol dito (Seksiyon 4, Artikulo XVII, 1987 Konstitusyon).

Sa madaling sabi, kailangan pa ring lumabas ng mga tao upang makaboto sa gaganaping plebesito kaugnay ng ratipikasyon sa pagbabago ng Konstitusyon.

Pero hindi ba at ito ang iniiwasan nila sa pagpaliban sa 2022 na halalan: ang paglabas ng mga tao sa kanilang mga bahay para bumoto para daw huwag silang mahawa sa Covid-19?

Maliwanag na hindi ito ang tunay na dahilan sa ginigiit nilang pagpapaliban sa nasabing halalan.

Ang tunay na dahilan, ayon kay Sen. Frank Drilon, ay upang mapanatili ang no election scenario para sa mga loyalista kay Duterte.

Ito’y pasimula lang para pahabain ang termino ni Pangulong Duterte at iba pang halal na mga pinuno sa kasalukuyang rehimeng.

Nilinaw naman ni Rep. Arroyo na ang kanyang panukala ay kung sakaling wala pa ring madiskubreng bakuna laban sa Covid-19 sa 2020 ay maaaring pag-aralan ng Comelec ito bilang last resort o huling opsiyon.

Ngunit maaari ba nating isakripisyo ang ating Saligang Batas sa isyung ito?

Natural na hindi, mga kasama.

Sabi pa ni Dean Chel Diokno ng Free Legal Assistance Group (FLAG), “ Eleksyon ang pundasyon ng demokrasya natin, at dapat matuloy ito ayon sa batas”.

Kaya huwag magpaluko sa bagay na ito, ituloy ang 2022 elections!

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Si Atty. Remigio D. Saladero, Jr. ay ipinanganak sa Nuralah, South Cotabato noong Enero 27, 1959. Panganay sa apat na anak nina Remigio Saladero Sr. at Thelma Damandaman na kapwa guro. Si Atty. Saladero ay agad nagpakita mg gilas sa kanyang pag-aaral mula sa elementarya sa Sto. Nino Elementary School, sa Koronadal National High School. Ang kanyang unang kurso sa kolehiyo ay sa Mindanao State University kung saan niya natapos ang AB Political Science. Sa lahat nang ito, nanguna si Atty. Saladero sa larangan ng akademya. Nuong 1979, matapos maging Cum Laude ay ipinasya niyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang napiling karera. Nag-aral siya ng batas sa San Beda College at ipinasa ang Bar Examinations nuong 1984, sa rating na 88.95 porsiyento, bilang pang-17 pinakamataas na grado.