Paglaban ng mga plantito/a

October 12, 2020

Maganda ang pagkauso ng pagtatanim sa mga container at bakuran ngayong panahon ng pandemya, pero dapat kaanib sila ng paglaban ng mga magsasaka.

Sa tantiya ng World Food Programme ng United Nations (UN), dodoble ang bilang ng mga mamamayang walang kaseguruhan sa pagkain sa buong mundo ngayong taon. Ito’y dahil sa ligalig at krisis sa ekonomiya at produksiyon ng pagkain dala ng pandemyang coronavirus disease 2019 (Covid-19).

Sa Pilipinas, pinalala pa ito ng pagtahak ng gobyerno ng landas ng neoliberal na ekonomiks, lalo na ng pagpasa ng rehimeng Duterte ng Republic Act 112103 o Rice Tarriffication Law, naglilliberalisa o nagbubukas sa walang habas na importasyon ng bigas mula sa ibang bansa – sa kapinsalaan ng kabuhayan ng milyun-milyong magsasakang Pilipino. Samantala, dahil sa pagtigil ng ekonomiya dahil sa pandemya – at dahil sa napakatagal na lockdown na bunsod ng kawalan ng kongkretong plano ng rehimeng Duterte sa pagtugon sa pandemya — lalong naging mahirap ang distribusyon ng pagkain mula sa mga sakahan tungo sa hapag ng mga kabahayan.

Noong kalagitnaan ng malupit na lockdown sa Luzon, nakakadurog ng puso na makita sa mga balita ang pagtapon ng nabubulok na mga gulay dahil hindi madala sa mga sentrong bayan at lungsod.

Samantala, agad namang napagtanto ng maraming mamamayan na nasa gitna ng lockdown – lalo na ng mga maralita – ang kainaman ng pagtatanim ng mga gulay sa bakuran o sa mga paso, container na plastik, sako, bote ng sofdrinks, atbp. Lalong naisip ito ng mga mamamayang nawalan ng kabuhayan ang, o lumiit ang kita ng, mahigit 50 porsiyento ng labor force. Kahit sa mga nasa panggitnang uri,tiningnan ang pagtatanim, lalo na ng mga gulay at makakaing pananim, bilang paraan para mapunan ang kakulangan sa pagkain at mabawasan ang paglabas sa palengke o groserya (kung saan marami ang nahahawa sa Covid-19).

Sinasabi rin ng mga eksperto sa kalusugan ng kaisipan o mental health na natural na nakakatulong ang gardening o pagmamantena ng garden sa pagbakasa sa ilan sa mga problemang mental na dulot ng social distancing. Kabilang dito ang depresyon, kalungkutan, pagkabalisa, pagkasiphayo, galit at pagkabagot.

Sa social media, pansin ang pagdami ng mga nagpapaskil ng mga litrato o post na tungkol sa kanilang mga pananim sa bakuran at sa mga container. Nauso ang katagawang “plantito” at “plantita” sa kalalakihan at kababaihang nahilig sa pagtatanim ngayong panahon ng lockdown. Dumami rin ang naghahanapbuhay ng pagbebenta ng mga kagamitan sa gardening, potting mix, organikong fertilizers, buto at binhi ng mga halaman na katulad ng pechay, talong, kamatis, siling labuyo at/o panigang, kalabasa, okra, upo, kangkong, kulitis o spinach, at herbs tulad ng basil, tarragon, thyme, parsley, at iba pa.

Hindi lang gulay at herbs ang nausong itanim ngayon. Kahit ang ornamental o dekorasyong mga pananim tulad ng monstera, snake plant, silver satin, caladium, rubber trees, calatea, pothos, at marami pang iba. Pansin ng ilan, dahil sa pagkauso sa container gardening ngayong panahon ng pandemya, halos dumoble na ang presyo ng mga binhi o tanim, kahit sa malalaking bilihan nito tulad ng sa Quezon City Memorial Circle sa Quezon City.

Kamakailan, nabalitaan ang tila grabeng pagkauso ng ornamental plants sa middle class, sa mga sentrong lungsod tulad ng sa Kamaynilaan. Nabalita ang penomenon ng pagnanakaw ng malalaking ornamental plants sa mga subdibisyon para ibenta sa libu-libong pisong presyo. Nahimok din ang National Bureau of Investigation na imbestigahan ang pagnanakaw at pagbenta ng bulnerable at “endangered” na mga tanim tulad ng Alocasia Sanderiana at Alocasia Zebrina.

Siyempre, bagamat mali, masasabing tulak ng kakulangan ng oportunidad na kumita sa panahon ng pandemya ang mga pagnanakaw na ito.

Sa pagitan ng pagkaing halaman at ornamentals, siyempre mas kagyat ang pangangailangan ng pagkain. Pero hindi rin madali o mura ang magsimula ng organikong garden sa bakuran o containers. Siyempre, nagsisimula ito sa buto o binhi, at lupa (hindi basta ordinaryong lupa, kundi mix ng lupa, vermicast o compost o dumi ng kalabaw o baka na di madaling makita sa lungsod, cocopeat, at iba pang organikong materyal na masustensiya sa halaman. Pero kailangan din ng paso o container, regular na pagdidilig ng tubig, organikong fertilizer, organikong pestisidyo (lalo na sa mga gulay), at iba pa. Kailangan din ng tamang kaalaman sa pagtatanim: Kailan dapat diligan, kalian o gaano kadalas dapat pinaaarawan, at iba pa.

Sa ilang komunidad ng maralita na may matibay na mga organisasyong masa, mainam na mapasimulan ang pagtatanim pangkomunidad. Sa mga pabahay sa mga maralita na kakaunti lang ang espasyo sa pagtanim, mainam na mapasimulan ang pagtutukoy ng komon na mga espasyo para sa pagtatanim, tulad ng komon na lugar, tabi ng mga kalsada, at kahit rooftop ng mga pabahay. Ganito, halimbawa ang adbokasiya ng One Billion Rising (OBR) sa susunod na taon – ang tema nitong “Launching Gardens” na kampanya para sa pagtatanim pangkomunidad ngayong pandemya na inilunsad noong Oktubre 1.

“Isang akto ng pagtutol (resistance) ang pagmamantine ng garden dahil taliwas ito sa ginagawa ng makinarya ng kapitalismo – iniuugnay nito sa Mundo ang mga mamamayan at komunidad,” sabi ni Monique Wilson, global director ng OBR.

Siyempre, kasabay din ng pagtataguyod ng mga tanimang pangkomunidad para sa sariling pagkain ng komunidad, kailangang itaguyod ng mga maralita ang pagpapanawagan sa Estado na tiyakin ang seguridad sa pagkain ng buong bansa – sa pamamagitan ng pagbasura sa neoliberal na mga polisiya sa pagkain at pagsasagawa ng tunay na repormang agraryo. Nawa’y kasama ang mga “plantito’t plantita” ngayong pandemya sa mga adbokasiyang ito.