Paano nila pinagdamot ang maging ina

October 21, 2020

Mula sa paghahanda hanggang pagaruga, hanggang pamamaalam, pinagkait kay Ina ng Estado si Mikmik.

Hindi alam ni Atty. Kathy Panguban kung paano magsisimula.

Gabi na ng Oktubre 9, nasa telepono siya, at ipapasa na ng mga taga-Manila City Jail ang telepono sa kanyang kliyente na si Reina Mae “Ina” Nasino. Pinakiusapan siya ng nanay ni Ina na si Marites na sabihin ang balita.

Hindi niya alam kung papaano, at nagawa na lang niyang simulan sa pamamagitan ng pagtanong kay Ina kung may kasama siya noong panahong iyon. “Nanakit ang lalamunan ko, nahirapan akong magsalita,” sabi ni Atty. Kathy sa wikang Ingles, sa kanyang Facebook post. “At huminga ako nang malalim…”

“At nandun na ako, dahan-dahang sinabi sa kanya: Wala na si Mikmik.”

Hindi na alam ni Atty. Kathy kung gaano katagal silang dalawa umiyak, sa magkabilang dulo ng tawag. “Ano’ng oras?” tanong ni Ina. “8:50 pm,” sagot niya.

Sunod na tanong ni Ina, kung papayagan kaya siyang bisitahin ang namatay na sanggol, ang tatlong-buwang gulang na anak niyang si River Emmanuelle o Mikmik. “Hindi ako makasagot nang kategorikal,” sabi ni Atty. Kathy. Hindi siya makasagot, dahil depende pa sa korte, dahil sa buong proseso ng kaso nina Ina, tila sadyang pinahihirapan sila ng korte, ng mga opisyal ng kulungan, ng prosekusyon, at ng rehimen.

Sa sumunod na mga araw, napatotoo ang pag-aalangan ni Atty. Kathy na makasagot kay Ina. Kahit sa pagkamatay ng sanggol, kahit sa kaunti at huling sulyap kay Mikmik, halos ipagkait pa sa kanya.

* * *

Nobyembre 5, 2019 nang ireyd ng pulisya ang opisina ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Manila at arestuhin sina Ina, Ram Bautista at Alma Moran. Natutulog ang tatlong aktibista nang ireyd ang opisina. Mga kabataang aktibista sila.

Nakuha raw ng mga pulis ang isang M-16 riple, at dalawang .45 kalibreng baril – mga bagay na noon lang nakita ng tatlo. Ang reyd ay sa ngalan ng NCR Police Office (NCRPO), sa pangunguna ng hepeng si Hen. Debold Sinas.

Ilang araw lang ito matapos ireyd naman ang apartment nina Cora Agovida, lider ng Gabriela-Manila, at asawa niyang si Michael Bartolome, at dalawang maliit na bata noong Oktubre 31, 2019. Inaresto ang buong pamilya, kasama pa mga bata. Isang araw bago ang reyd, nakipagkita si Sinas sa judge na naglabas ng mandamyento de aresto nina Cora, Michael, pati nina Ina, Ram at Alma – si Quezon City Judge Cecilyn Burgos-Villavert.

Ang parehong judge ang naglabas ng tambak-tambak na warrant sa mga aktibista at opisina nila – sa Negros, na dating destino ni Sinas bago italaga ni Pangulong Duterte sa NCRPO.

* * *

Hindi pa alam ni Ina na buntis siya noong inaresto sila. Abril na, habang nakakulong sa Kampo Crame, hindi pa rin niya alam na buntis siya. “Hindi kasi halata sa maliit (niyang) pangangatawan,” sabi ng isang kaibigan. Nang ilipat sila sa Manila City Jail at napasailalim sa medical exam, doon lang niya nalaman.

Hulyo 1 ipinanganak si Mikmik, sa Fabella Hospital.

“Naalala kong nagigitlang tumawag si Ina sa akin, alas- 11 ng umaga noong Agosto 13, sinasabi sa akin na sinabi sa kanya ng mga awtoridad ng kulungan na kailangan daw siyang ihiwalay kay River sa araw na iyon. (Kailangan daw) pakunin sa mga kamag-anak niya (si River) sa kulungan, dahil nakatanggap na sila ng desisyon sa korte na pagbasura sa mosyon na manatili sa kanya ang sanggol,” kuwento pa ni Atty. Kathy.

Nakiusap siya, kasama ang iba pang abogado ng National Union of People’s Lawyers (NUPL), sa korte na bigyan siya ng kaunting panahon para ihanda ang sarili at si Mikmik. Hindi ito dininig ng korte.

Siyempre, kalagitnaan din ng pandemya, at nangangamba sila, pati si Nanay Marites, na magkasakit sina Ina sa kulungan. Ipinasa ng Korte Suprema ang responsabilidad sa mababang mga korte para desisyunan kung palalayain, kahit pansamantala, ang mga preso na bulnerableng magkasakit katulad ng bagong-panganak na si Ina.

Nitong Setyembre, pabalik-balik sa ospital sina Nanay Marites dahil sa pagkakasakit ni Mikmik. May mga sintomas ang sanggol na katulad ng sa Covid-19. Nagnegatibo ang sanggol, pero tuloy ang lagnat. Pneumonia pala.

Naniniwala si Nanay Marites – at ito naman ang laging sinasabi ng advocates ng breastfeeding – na kung hindi agad na inilayo si Mikmik kay Ina ay sana’y lumakas pa ang resistensiya ng sanggol at hindi agad nagka-pneumonia. Naniniwala rin siyang maaaring nagdagdag sa mahinang resistensiya ng sanggol ang kawalan ng masustansiyang pagkain at pre-natal checkup kay Ina noong nagbubuntis pa. “Kung hindi lang sana nag-lockdown, maaalagaan ko anak ko, kasi araw-araw naman ako nandun,” ani Nanay Marites. Noong mag-lockdown, pinigilan na silang bisitahin si Ina.

* * *

Nitong Oktubre 10, agad na nagsumite ang NUPL ng mosyon para sa furlough o pansamantalang pagpapalaya kay Ina para mabisita ang labi ni Mikmik. Noong una, pinayagan ng korte ang tatlong araw na furlough. Pero tumutol ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) dahil “kulang (daw sila) sa personnel.”

Anim na oras lang ang pinayagan ng korte: Tatlong oras noong Oktubre 14 para sulyapan ang burol, at tatlong oras sa libing noong Oktubre 16. Kahit “kulang sa personnel”, dose-dosenang pulis at BJMP personnel ang nasa labas ng City Jail, sa escort, at sa punerarya.

Si Ina, binalot sa PPE, nakaposas, humarap sa kabaong ni Mikmik, at walang magawa kundi umiyak. Wala pang tatlong oras, gusto na siyang ibalik sa City Hall ng BJMP personnel. Umalma ang mga kaanak at kaibigan ni Ina. “Wala kayong puso!” sabi ng isa. Sinikap magsalita ni Ina sa mga mamamahayag na nasa labas, pero mistulang pader ang mga escort niya. Sa kabila ng hinagpis, taas-kamao ang nagluluksang Ina.

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda is Pinoy Weekly's editor-in-chief and a board member of PinoyMedia Center, Inc.