Paano ang balik-eskuwela ng kabataang Lumad?

October 5, 2020

Ipinasara ang mga paaralan, militarisado ang komunidad at di-kayang umangkop sa moda ng
edukasyon sa ‘new normal’. Paano na nga ba ang pag-aaral nila?

Sa kabila ng pandemyang coronavirus disease 2019 (Covid-19), nakatakda nang magbalik-eskuwela ang kalakhan ng mga estudyante ngayong Oktubre ayon sa itinakda ng Department of Education (DepEd).

Mas mahirap marahil ang sitwasyon ng mga kabataang Lumad – bukod pa sa mahirap na pag-angkop sa moda ng pag-aaral na ipapatupad sa darating na pasukan, nawalan pa ang mga ito ng mga paaralan bunsod ng pagpapasara at mga atake ng mga puwersa ng Estado tulad ng mga military at paramilitar.

Ligtas na balik-eskuwela

Maliban pa sa suliranin sa pag-angkop sa modular at blended learning na ipinapatupad ng DepEd, mas malaking usapin para sa kabataang Lumad, mga magulang at mga guro ang kaligtasan mula sa anila’y “panggigipit, pagpapasara, aerial bombings at pagkampo ng mga militar” sa kanilang mga komunidad.

Kaya naman ang panawagan ng Save Our Schools (SOS) Network, grupong nagtatanggol sa mga paaralang Lumad, kinakailangan umano ng ligtas na balik-eskuwela.

“Ang ligtas na baIik-eskuwela ay walang presensiya ng mga militar at pagbubukas muli ng mga paaralan. Ang ligtas na balik eskuwela ay kaligtasan mula sa iba’t ibang porma ng pang-aatake,” ani Rius Valle ng SOS Network.

Sa pinakahuling tala ng naturang grupo mula Marso 15 hanggang Mayo 31, mayroong 32 insidente ng mga paglabag sa karapatang pantao at atake sa mga paaralang Lumad. Sa mga ito, 439 na estudyante, 47 na guro at 61 na magulang nila ang nakaranas ng harasment, iligal na pag-aresto, pekeng pagpapasuko, pambobomba, pagpapasara ng paaralan at iba pang porma ng paglabag sa karapatan.

Bukod pa ang mga bilang na ito sa 584 na kaso ng atake sa nasabing mga paaralan mula Mayo 2017 hanggang Hulyo 2019.

Samantala, sa harap ng bagong moda ng edukasyon sa ilalim ng pandemya, ipinanawagan ng grupo ang pagsisiguro ng gobyerno na walang maiiwan na kabataang hindi makakapag-aral.

Anila, kinakailangang may kongkretong plano at programa ito para sa patuloy na pagkatuto ng kabataan.

“Isiguro na ang karamihan sa mga bata ay makakapag-enrol ngayong pasukan. I-recognize ang problema sa kakulangan ng access sa teknolohiya lalo na sa kanayunan na hindi kaya ang online o kahit blended learning na sinasabi ng DepEd,” dagdag ni Valle.

Hindi umano makakaya ng mga magulang ng mga estudyanteng Lumad ang magkaroon ng mga gaheto, materyales at iba pang kinakailangan para sa modular learning, ayon sa naturang grupo.

Maging hirap din umano ang mga ito sa pagtulong sa aktuwal na pag-aaral ng kanilang mga anak dahil na rin sa kasalatan nila sa pag-aaral. Mahirap din anila para sa mga ito ang blended learning dahil umano sa layo ng mga pampublikong paaralan – halos limang oras na lakad o dalawang oras na motor – mula sa kanilang komunidad.

Saad pa ni Valle, “Mas lalong naging malabo ang posibilidad na makapag-aral dahil sa bagong sistema ng pag-aaral – walang kuryente, walang gaheto at walang akses sa internet ang karamihan sa mga kabataang Lumad na ito. Maliban pa sa hindi akma ang mga gagamiting modyuls at iba pang printed materials ng DepEd (sa kanyang blended learning) sa kultura at kalagayan ng mga katutubo.”

Ipinasara ang mga paaralan

Sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Duterte, umabot sa 178 na ang naipasarang paaralang Lumad. Sa tala ng grupong kinabibilangan ni Godfredo, hanggang noong Setyembre 2020, umabot sa 38 na lang ang operasyunal.

Nito lang 2019, may 55 sa mga ito ang iniutos na ipasara ni DepEd Sec. Leonora Briones. Naging batayan ng DepEd ang ulat ng opisina nito sa Region 11 na diumano’y hindi umaalinsunod sa mga requirement ng departamento ang mga paaralang Lumad na pinapatakbo ng Salugpongan Ta’Tanu Igkanogon Community Learning Center, Inc. (STTICLCI). Ilan sa mga tinukoy na dahilan ng nasabing departamento, bukod sa ibinibintang ditong ugnayan ng paaralan sa New People’s Army (NPA), ang hindi anila pagsunod nito sa curriculum standards at hindi pagiging lisensiyado ng mga guro nito.

Naging puntirya ng mga atake ng Estado, sa nagdaang mga taon, ang mga paaaralang Lumad. Kasama sa mga atakeng ito ang sapilitang pagpapasara, pagbabansag bilang paaralan ng NPA, panununog ng istruktura ng eskuwela, paghihimpil o pagkakampo sa mga ito at maging ang harasment sa mga guro at mga estudyante nito.

Kamakailan lang, sinunog ang dalawang istruktura ng Mindanao Interfaith Services Foundation Inc. Academy sa Bukidnon. Isinagawa ang panununog ng mga elemento ng Magahat Bagani Force, grupong paramiltar sa lugar. Kasama sa sinunog ng mga salarin ang mga textbook ng mga estudyante at ang tulugan ng mga guro.

Bakwit school

Bunsod ng mga atake at sapilitang pagpapasara sa mga naturang paaralan, ayon sa SOS, umaabot umano sa 5,500 kabataang Lumad ang hindi makakapag-aral. Anila, ang mga ito’y “walang kakayahang mag-aral kahit sa mga pampublikong paaralan dahil sa kahirapan at kawalan ng akses.”

Bilang pag-angkop sa mga atake sa Lumad at kanilang mga paaralan, inilunsad ng SOS, katuwang ang iba pang grupo, ang Bakwit School sa Cebu, Davao at Maynila noong 2019. Nakatakda sanang maglunsad ng magkakasabay na graduation rites sa naturang mga lugar noong Marso. Pero di na ito natuloy dahil sa pagpapatupad ng community quarantine kaugnay ng pandemya.

Kuwento ng SOS, dumaan sa matinding depresyon at anxiety ang naturang mga estudyante. Hindi lang umano ito dahil sa epekto ng lockdown kundi dahil anila sa patuloy na pang-aatake sa kanilang mga magulang at komunidad.

Pero ayon sa grupo, buo pa rin ang lakas at katatagan ng mga estudyanteng Lumad para magpatuloy sa laban para sa pagsulong sa karapatan sa edukasyon. Ipagpapatuloy pa rin umano nila ang klase sa loob ng bakwit school.

“Ipinapakita ng kabataang Lumad sa bakwit school na ang kanilang pagpapatuloy sa pag-aaral ay paggigiit sa karapatan ng mga Lumad sa edukasyon at sariling pagpapasya, dahil hindi lamang nakatali ang mga batang Lumad sa apat na sulok ng mga paaralan, ang tunay karunungan ay nasa kanilang kolektibong paglaban at pagsasapraktika ng kanilang mga natutunan,” pagtatapos ni Valle.

Joseph Dy Tioco

Joseph Dy Tioco

Si Joseph Dy Tioco ay staff reporter ngayon ng Pinoy Weekly.