Manggagawa

‘Masahol pa sa baboy’

October 23, 2020

Tanggalan sa Robina Farms, nilalabanan ng mga manggagawa.

Habang balik full operation na ang karamihan ng mga industriya, tila hindi naman maisasali sa muling pagbubukas ng ekonomiya ang mga manggagawa ng Universal Robina Corporation (URC).

Tinanggal na kasi ng URC ang 202 manggagawa nito sa Robina Farms Farm 11 (RF11) noong Oktubre 15. Nakaamba ring tanggalin ang 90 pang manggagawa sa RF11.

“Mas masahol pa ba sa baboy ang trato sa manggagawa,” ani Leolito Teves, manggagawa ng Robina Farms at pangulo ng Universal Robina Corporation Employees Union (URCEU).

“Kailangang-kailangan po namin ng trabaho lalo ngayon sa gitna ng pandemya,” dagdag niya.

Tanggalan

Nauna nang nagpatupad ang URC ng malawakang “forced leave” ng mga manggagawa ng RF11 sa maagang bahagi pa lamang ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon noong Marso.

Nitong Oktubre, pormal nang nakatanggap ng Notice of Termination ang 202 manggagawa. Sapilitan din umano silang pinapipirma ng kasunduang tinatanggap nila ang pagkatanggal sa trabaho.

Agad namang naghain ng Preventive Mediation ang URCEU sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) para pigilan ang tanggalan. Dahil dito, nagkaroon ng unang pagdinig ang NCMB noong Oktubre 12. Naitakda naman ang kasunod na pagdinig noong Oktubre 21.

Sa kabila nito, itinuloy pa rin ng URC ang pagtanggal sa mga manggagawa.

“Hindi lang po ito simpleng tanggalan. Ito ay hakbang para buwagin ang organisadong pagkilos ng manggagawa sa loob ng lugar-paggawa. Ito rin ay pagpapalaki ng kita ng kapitalista sa pamamagitan ng mas murang pasahod sa kontraktuwal,” ani Teves.

Ayon sa mga manggagawa ng URC, nanawagan sila sa URC na ilipat na lamang sila sa ibang mga bukas pang planta. Pero imbes na ilipat, hinikayat pa ang mga ito na mag-apply nalang muli sa RF11 pero sa pagkakatong ito ay bilang mga casual na manggagawa na at tatanggap na lamang ng mas mababang sahod at mawawalan ng mga nararapat na benepisyo para sa mga regular na manggagawa.

“Kami sa Robina Farms, dalawang pandemya ang kinaharap namin pero nanatili kaming loyal sa kompanya. Ito po ngayon ang isusukli sa amin?” ani Teves.

Sa kabila ng sinasabi ng URC na nalulugi na umano ang kompanya dahil sa pandemya ng coronvirus disease 2019 (Covid-19) at ng pagtama ng African swine flu (ASF) noong nakaraang taon kaya kailangang magtanggalan, tuluy-tuloy naman itong nag-eempleyo ng bagong kontraktuwal na mga manggagawa.

“Kahit po nanalasa ang ASF, malaki pa rin ang kinikita ng may-ari ng Robina. Sa totoo, kayang-kaya nila kaming ilipat sa ibang site imbis na tanggalin,” dagdag niya.

Tinangkang kunin ng mga pulis ang gamit ng mga manggagawang nagprotesta sa harap ng DOLE para kondenahin ang tanggalan sa Robina Farms. Kontribusyon

Tuloy ang laban

Tingin ng mga manggagawa ng Robina Farms, isa sa mga pangunahing layunin ng tanggalan ang pagdurog sa kanilang unyon.

Sa pagtanggal kasi sa mga regular na manggagawa, napapahina an gang unyon at nakapagpapasok ng mga kontraktwal na manggagawa na hindi pinapayagang mag-unyon, masmababa ang sahod at walang mga benepisyo.

“Sigurado pa rin ang kita ng may-ari samantalang kami na naghahatid ng karne sa hapag-kainan ng mga mamamayan, ni wala nang makakain dahil wala nang pambili,” sabi ni Teves.

Para sa mga manggagawa, hindi makatao at hindi katanggap-tanggap ang pagtanggal sa kanila sa trabaho lalo na sa gitna ng pandemya. Kaya naman tuluy-tuloy umano silang kikilos para igiit ang kanilang karapatan sa regular na trabaho at para ipagtanggol ang kanilang unyon.

Nitong Oktubre 12, sumugod sa tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga manggagawa ng Robina Farms para ipanawagan na itigil ang tanggalan sa RF11.

Pero imbes na dinggin ang kanilang panawagan, sapilitang pinatigil ng mga alagad ng Philippine National Police ang programa ng mga manggagawa sa harap ng DOLE at tinangkang agawin ang kanilang mga kagamitan sa protesta.

Hindi pa tapos ang laban ng mga manggagawa ng Robina Farms. Iginigiit nila na imbes na tanggalin ay ilipat na lamang sila sa ibang planta para patuloy na makapagtrabaho. Panawagan din nilang huwag nang ituloy ang naka-ambang pagtanggal sa 90 pang manggagawa.

Ang Robina Farms ay isa sa pinakamalaking agro-industriyal na kumpanya sa bansa na nagsusuplay ng karneng baboy at itlog ng manok mula pa noong 1963.

Neil Ambion

Neil Ambion

Gitarista, musikero at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa, ngayo'y bahagi ng editorial staff ng PW si Neil Ambion.