Editoryal

Lagim, noon at ngayon

October 5, 2020

Anumang pagtatanggi na nasa de facto (o mistulang) batas militar ang bansa ay mapapabulaanan ng pagkukumpara sa ngayon at noon.

Isang karumaldumal na krimen ang nangyari noong nakaraang Setyembre 17 sa Negros Occidental. Hindi ito lumabas sa mga balita. Hindi ito alam ng maraming mamamayan.

Parang panahon lang ito ng batas militar ni Marcos. Panahon ng diktadura, kung anu-anong karumaldumal na mga krimen ang nararanasan ng ordinaryong mga mamamayan, lalo na ng mga magsasaka sa kanayunan. Pero walang mababasa sa diyaryo, o mapapanood at maririnig sa telebisyon at radyo, tungkol dito. Sa panahon ng social media, tila hirap pa ring makalabas ang balita hinggil sa mga krimen ng armadong puwersa ng Estado.

Nitong Setyembre 17, isang sibilyang magsasaka na si Bernardo Guillen ang dinukot ng mga elemento ng Philippine Army na nagsasagawa ng operasyon sa kanilang lugar sa Sitio Amian, Tan-awan, Kabankalan City, Negros Occidental. Bago nito, noong araw ding iyon. Isang engkuwentro ang nangyari sa pagitan ng nasabing yunit ng Army at rebolusyonaryong New People’s Army. Hindi kasangkot si Bernardo sa insidenteng ito. Pero siya ang dinukot ng militar.

Setyembre 26 na natagpuan ang walang-buhay na labi ni Bernardo. Malapit ito sa lugar ng engkuwentro. Hiwalay ang kanyang ulo sa katawan. Pinugutan siya.

Sa anumang batas, sa bansa man o pandaigdigan, ilegal at di-makatao ang ginawang ito ng militar kay Bernardo. Labag ito sa batas ng bansa, sa karapatan ng lahat ng Pilipino na mabuhay, na may due process bago parusahan sa anumang pagkakasala, sa karapatang tumanggi sa anumang tangka ng mga ahente ng Estado na hulihin siya nang walang batayan. Siyempre, labag din ito sa pandaigdigang batas, sa Geneva Conventions, na dapat ay kinikilala at pinatutupad ng mismong Estado. Hindi lang iyan, krimen sa giyera o war crime ito, at maaaring pagpanagutin ang Army sa International Criminal Court.

Pero sa halip, natabunan lang ang balitang ito sa newsfeed ng social media platforms. Naging estadistika na lang si Bernardo ng mga di-maipaliwanag na pamamaslang sa ilalim ng rehimeng Duterte. Malamang, walang mapapanagot sa pamamaslang. Walang mahahablang opisyal ng militar. Walang hustisya.

Anumang pagtatanggi na nasa de facto (o mistulang) batas militar ang bansa ay mapapabulaanan ng pagkukumpara sa ngayon at noon. Taong 1985, nang mapaslang ang tatlong katao sa Sitio Beyeng, Bakun, Benguet. Hindi malinaw kung mga gerilya sila ng NPA, pero panahon ng reyd ng militar sa isang bahay nang mapaslang sina Soledad Salvador, Resteta Fernandez at Fr. Nilo Valerio, SVD sa naturang reyd. Pero hindi lang iyon ang nangyari sa kanila. Pinugutan din sila ng ulo, itinusok sa kahoy ang kanilang mga ulo at ipinarada sa mga baryo at sityo ng Benguet. Hindi na nakita ang mga labi ng tatlo.

Tulad ng sa ngayon, hindi naibalita ang pangyayaring ito sa Bakun 3, mahigit 35 taon na ang nagdaan. Nitong nakaraang taon na lang nang maisama ang mga pangalan nila sa listahan ng mga bayani ng batas militar sa Bantayog ng mga Bayani. Pero kahit kinilala na sila bilang mga bayani, karamihan sa ating mga mamamayan ay wala pa ring alam sa nangyari sa kanila, at sa nangyari sa libu-libo o milyun-milyon pang bayani ng nakaraang pasismo.

Maitatala ang pangalan ni Bernardo Guillen bilang isa sa mga martir ng kasalukuyang pasismo. Pero hangga’t hindi nangyayari ito, kailangang sikapin ng iilang nakakaalam sa atin na ibalita, ikuwento, ikalat ang nangyari sa kanya, at sa maraming maraming iba pa. Minsan na natin sinabing “never again”, o hindi na maaaring muling kumulapol ang dilim ng batas militar sa bansa. Pero nangyayari na, nauulit na. Sana’y mas magtagumpay tayo sa pagkukuwento at pagbabalita sa bagong henerasyon at sa mga susunod pa ng mga leksiyon ng kasaysayan.

Hustisya kay Bernardo at sa lahat ng biktima at martir ng lagim ng pasismo, noon at ngayon.

Pinoy Weekly

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.