Ang lupa namin ay Buhay

October 21, 2020

Rebyu ng librong Scent of Rain, Sun and Soil: Stories of Agroecology by Lumad Youth in the Philippines. Inilathala ng Community Technical College of Southeastern Mindanao (2020).

Nakabungad ang tula sa unang pahina ng Scent of Rain, Sun and Soil: Stories of Agroecology ng Lumad Youth in the Philippines ni Sarah Wright. Hindi aakalaing isang batang katutubo pala ang matapang na bumibigkas sa kahalagahan ng pagtatanggol ng kanilang lupang minana.

Ang unang patak ng ulan sa Mayo, senyales ng panibagong buhay para sa lahat.

Ipinakikilala ng libro ang natatanging eskuwelahang pangkolehiyo para sa kabataang Lumad, ang Community Technical College of Southeastern Mindanao (CTCSM). Itinatag noong 2013, na may 12-babaing guro at istap ito. Ito rin ang pinakamalaking paaralan para sa mga Lumad sa buong Mindanao. Mula sa 13 tribo: Bagobo, Manobo, B’laan, Teduray, T’boli, Mandaya, Mansaka, Matigsalog, Kulamanon, Tagkaulo, Higaonon, Tinonanon, at Kalagan, ipinagmamalaki ng CTCSM ang 87 nitong gradwado na kalakha’y mga guro at midwife, at ang halos 300 pang mag-aaral sa elementarya hanggang senior highschool.

Kung ang mambabasa, mahilig matuto, maiinggit siya tiyak sa kurikulum at mga programa ng CTCSM na ang pokus ay academics, agriculture at community health. Para sa mga nasa siyudad, maaaring tingnan na simple at hindi pagkakakitaan ang ganitong disenyo. Pero sa mga batang Lumad, ito’y mga batayang karapatan na sa pamamagitan ng edukasyon, kaya nilang matamasa.

Sa diwa na higit pang pagyamanin ang katutubong kultura habang nirerespeto ang mga tradisyon, tinitiyak ng CTCSM ang praktikal na aplikasyon ng leksiyon at pagpapaunlad ng sinaunang mga paraan para maging matatag, makabuluhan at self sufficient ang paaralan. Sa dami ng mga litrato sa libro, masisilip kung paano inilalapat ang natutunan ng mga estudyante, kahit ng mga guro, sa araw-araw na buhay sa kampus. Nandiyan ang sariling bersiyon ng Banaue Rice Terraces na gawa sa mga pinagtapyasan ng niyog, mga organic insecticide, ang “pinakbet” garden, at marami pang iba.

Sa kainitan ng araw, sa umahan, tagaktak ang pawis ng aking ama’t ina

Sa kabila ng mga pagtatangka ng Estado at militar na pagmukhaing masama ang mga guro at mag-aaral ng Lumad schools, ipinapakita ng payak pero makulay at malamang akda ni Wright at iba pang author ang mga ngiti, pagsusumikap at pangarap ng kabataang Lumad na magkaroon lang ng nagsasariling pamayanan na may maunlad at abanteng pamamaraan.

May kakaibang pagpapahalaga ang CTCSM sa Organic Agroecology. Kakaiba, dahil sa mundo ng kapitalistang pagbabansot sa agrikultura, hindi raw ito sustenable, magastos at maliit ang kita nito.

Pero sa librong ito, pinapatunayan ng kabataang Lumad at ng kanilang paaralan na ang Organic Agri ang pinakamura, pinakaligtas at pinaka-epektibong estilo para mamuhay at mapangalagaan ang kabundukan at kalikasan.

Libre ang pag-aaral sa CTCSM. Bukod sa libreng matrikula, may libreng dormitoryo at transportasyon ang mga guro at mag-aaral. May sentralisadong kantina na may point system. Ang naaani na pananim ng mga esudyante ay ipinagpapalit sa puntos na maaaring ipunin at “ipambili” ng snacks, kape o peronal na suplay na “tinda” ng kantina. Ang nakolektang ani’y siya namang ginagawang pagkain sa araw-araw ng buong kampus. Bagamat may sponsorship at partners ang CTCSM sa pribadong sektor, esensiyal ang ambag ng lahat lalo sa food self-sufficiency para magpatuloy ang operasyon ng buong paaralan.

Malalim ang ugat ng diskriminasyon, pagpapabaya at pagsasamantala sa mga katutubo. Makikita sa libro ang pagsisikap ng CTCSM na mapapasok ang pinakamalaking bilang ng kabataang katutubo na gustong makapag-aral. Malayong malayo ito sa gobyerno ng Pilipinas na ginawang negosyo ang edukasyon.

Sanay na kami. Kahit ang lupa’y sanay na sa amin. Ang lahat ng alay niya, balang araw ay ibabalik din namin.

Buhay at lumalabang testimonya ang buong libro.

Sa harap ng malulupit na trahedya at mga sakripisyo, nakatataba ng puso at inspirasyon ang mga tula, kuwento, pasasalamat, ambisyon at pagpupunyagi ng mga mag-aaral, magulang, at mga guro, para itaguyod ang CTCSM at iba pang progresibong IP schools. Klaro ang tanaw at direksiyon ng kabataang Lumad na magpakahusay at maibalik sa kanilang komunidad, sa kanilang tribo, sa kanilang bayan, ang kanilang natutunan.

Ang kuwento ng mga tagumpay at breakthrough ng kanilang paaralan, ay lalong naglilinaw at mas matapang na naggigiit sa pangangailangan at kawastuhan ng pagpapanatili ng CTCSM.

Naisulat man ito sa panahong binobomba at pinasasara ng rehimeng Duterte ang mga eskuwelahang Lumad, pinapatay man ang mga magulang, guro at estudyante nito, ang karahasan ding ito ang magbubukas ng panibagong tsapter sa buhay ng paaralan.

Hindi pa tapos ang kuwento. Tuluy-tuloy na isinusulat ng mga mag-aaral nito ang pakikibaka para muling masamyo ang simoy ng ulan, init ng araw at alimuom ng lupa sa bakuran ng kanilang mahal na paaralan.