Print Issues

Repleksiyon ng mga Covid-19 survivor

September 10, 2020

Mula sa mga nakaligtas sa Covid-19: paglaban sa sakit at sa kapalpakan ng tugon sa pandemya ng pamahalaan.

“Nung oras na ’yun naisip ko, may pakialam pa ba sa amin, sa mga Covid-positive? Sa mga healthworkers natin?”

Ito ang naging tanong ni Casey Cruz, secretary-general ng Bagong Alyansang Makabayan-Southern Tagalog at isang survivor ng coronavirus disease-19 (Covid-19) sa isang public briefing kamakailan. Ang nanay niyang nars na frontline healthworker, nagkaroon din ng Covid-19. Nasawi ang nanay niya.

“Ako mismo, nakaranas ng napabayaan o kahit hindi natugunan sa panahong nahawa kami sa Covid,” dagdag pa niya, sa wikang Ingles.

Sa nasabing briefing na inilunsad ng Citizens’ Urgent Response to End Covid (CURE Covid), kasama ni Cruz ang ilan pang mga Covid-19 survivors na naglahad ng kanilang naging karanasan sa pakikipaglaban sa naturang sakit at mga opiniyon sa naging tugon ng gobyerno sa pandemya.

Positibo sa Covid

Iza Calzado

Unang nagbahagi ng kanyang karanasan si Iza Calzado, aktres at Gawad Urian awardee. Akala nito, regular o mas malalang trangkaso lang ang kanyang sakit na nagsimulang maramdaman noong Marso 13. “Dahil hindi ko po naman alam kung meron akong nakahalubilo, wala po akong kilalang nagpositive sa Covid. Inisip ko isa lamang siyang flu (trangkaso),” aniya.

Nang masuring mayroon na itong pulmonya, itinakbo na ito sa ospital. Matapos ang anim na araw sa ospital, nakumpirmang positibo nga’ng may Covid ito. Nakalabas ng ospital si Iza pagkatapos ng 11 araw at magnegatibo ng dalawang magkasunod na beses ng covid testing.

Aniya, masuwerte umano itong may magandang healthcare package kaya di niya alalahanin ang mga gastusin sa ospital. “Pero ang na-realize ko, napakaraming tao na wala man lang basic healthcare. So paano po ang kagaya nila?”

Ron Magbuhos

Kuwento naman ni Ron Magbuhos, filmmaker at empleyado sa isang unibersidad sa Maynila, makailang ulit siyang tinanggihan ng mga ospital matapos isugod ang sarili dahil sa pabalik-balik na lagnat, ubo at kakapusan ng hininga noong Agosto 7. Matapos pa ang dalawang araw bago tanggapin siya ng isang ospital sa Nuvali, Sta. Rosa, Laguna.

Inilahad pa ni Ron na bagaman nagnegatibo siya sa ikatlo at ikaapat na test, nilapatan pa rin siya ng Covid-19 treatment protocol dahil sa senyales na nakita sa resulta ng kanyang X-ray at chest citi scan.

Samantala, nahawaan ng Covid-19 umano si Casey sa kulungan ng Cabuyao Police Station noong Hulyo. Inaresto si Cruz kasama ang 10 kasamahan matapos maglunsad ng protesta laban sa Anti-Terrorism Law.

Saad pa nito, apat na beses umano silang tinanggihan ng mga ospital na pinuntahan. Aniya pa, hinanapan sila ng Philhealth o healthcard bago tanggapin.

Pahayag pa ni Casey, lalabas umano na kulang ang quarantine facilities, kaya sa bahay na lang sila nagquarantine. “Paano ang malalang mga kaso ng Covid? [D]i sila mabibigyan ng sapat na atensiyong medikal [at] wala nang sapat na quarantine facilities sa mga probinsiya,” aniya.

Nang matapos umano ang 14 araw ng kuwarantina, inabisuhan sila ng contact tracer na di na raw sila sasailalim sa panibagong swab test bunsod umano ng Department of Health hinggil sa “mass recovery” protocol.

“Kung nais daw namin na ma-test, sinabi sa amin na mas mabuting sa pribadong ospital na lang ito isagawa at bibigyan na lang kami ng referral. Puwede kami magpa-swab test na mula sa aming sariling bulsa,” sabi raw kay Casey.

Dagdag na dagok pa sa pagkakaroon ng Covid-19 ni Casey ang pagkamatay sa Covid ang inang si Tess, isang nars sa Cainta Municipal Hospital. Ayon kay Cruz, Hulyo 11 nang nakaranas ng sintomas ang kanyang ina. Pero Hulyo 16 siya natanggap sa ospital. Namatay si Tess noong Hulyo 22 ng gabi.

Natuklasan umano ng pamilya ni Casey na ilang beses humiling ang kanilang ina na sumailalim sa swab test pero kulang ang testing capacity ng pinagtatrabahuhan nitong ospital. “Hindi siya nabigyan ng opportunity for early detection at namatay siya. tatlong araw after saka pa lang lumabas ang result na positive-Covid nga siya.”

Hazard pay

Casey Cruz, Bagong Alyansang Makabayan Southern Tagalog

Naging kontrobersiyal ang pagkamatay ni Tess dahil ipinakita nito ang sitwasyon ng healthcare workers lalo na sa mga benepisyong natatanggap tulad ng napakababang hazard pay. Ayon kay Casey, umabot lang ng P7,200 ang natanggap na hazard pay ng kanilang ina na nagtrabaho sa yugto ng enhanced community quarantine mula Marso hanggang Hunyo. Aniya, lahat ng mga nurse ay nakakaranas nun.

Saad naman ni Dr. Joshua San Pedro, tagapagsalita ng Coalition for People’s Right to Health, nararanasan umano ng health workers na kulang ang kanilang sahod at mga benepisyo. “Halimbawa na lang ’yung hazard pay na tulad ng nangyari sa ibang frontliners na hindi talaga nakukuha. Paano pa kaya ang special risk allowance na sinabi nga na hindi natin alam kung ano ang nangyari, na dapat naman po talaga’y natural na napupunta sa ating frontliners,” ani San Pedro. Bigla na lang umanong naisantabi ang naturang allowance noong Hunyo nang di malinaw ang dahilan.

“Hindi namin hahayaang maging numero na lang kayo (frontliners) sa napakaraming casualty,” panata ni Casey. “Aaksiyon kami. Magtutulungan kami.”

Repleksiyon

Sa isang punto ng briefing inamin ni Iza na siya’y may prebilehiyo. Bagaman di niya naranasan ang paghihirap ng marami, ramdam niya ang mga ito. “Apektado tayong lahat…imposibleng hindi ka naapektuhan ng pandemyang ito sa kahit anong punto.” Dagdag pa ni Iza, kinakailangan daw palakasin ang malasakit sa isa’t isa.

Para naman kay Ron, may pangangailangan na mag-organisa ang mga tao at igiit ang mga pangangailangan ng mga ito tulad ng suportang pinansiyal, alternatibong pangkabuhayan at ayuda sa maliit na mga negosyo.

“Kailangang magpanagot tayo,” mungkahi ni Casey.

Dr. Joshua San Pedro, Coalition for People’s Right to Health

“Sa kadulu-duluhan, iyung mga nasa pusisyon at policymakers, kung di sila magbibigay ng sapat na atensiyon at makataong solusyon, sa tingin ko mauulit lang ang mangyayari sa atin, mahirap man o mayaman, susuko ang frontliners natin,” ani Casey.

Sinabi pa ni Dr. San Pedro na hangad niya na umayos ang healthcare system sa bansa. Aniya, “May karapatan tayo sa mas mabuting sistemang pangkalusugan… [M]as maganda sana na hindi natin kakaharapin ang mahihirap na desisyon tulad ng pagpapasya kung sino ang dapat mabuhay o mamatay, sino ang makakakamit ng healthcare, sinong may kakayanang bayaran ito, sinong hindi kayang bayaran ito.”

Joseph Dy Tioco

Joseph Dy Tioco

Si Joseph Dy Tioco ay staff reporter ngayon ng Pinoy Weekly.