Husgahan Natin

Pagdiwang sa diktadura

September 10, 2020

Bumalik ang maliligayang araw ng mga Marcos, salamat sa kasalukuyang presidente na umiidolo sa nasirang diktador.

Sa gitna ng pandemyang coronavirus disease 2019 (Covid-19), kawalan ng trabaho, malawakang pagsasara ng mga negosyo, at iba pang malalang suliraning hinaharap ng ating bansa, inaprubahan ng Kamara o Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill No. 7173 noong nakaraang linggo.

Ang panukalang batas na ito’y nagsasabing ipagdiwang ng lalawigan ng Ilocos Norte ang “Pres. Ferdinand Edralin Marcos Day” tuwing Setyembre 11, at ituturing ito na holiday sa nasabing probinsiya.

Setyembre 11 kasi ang kaarawan ng dating Pangulong Marcos.

Maalaala natin na malaki ang naiambag ng pamilyang Marcos sa pagkahalal ni Rodrigo Duterte bilang Pangulo. Ito marahil ang dahilan kung bakit, noong 2017, naglabas si Pangulong Duterte ng Proclamation na nagdedeklarang non-working holiday sa Ilocos Norte ang Setyembre 11 para gunitain ang kapanganakan ng nasirang presidente at diktador na si Ferdinand Marcos.

Pero hindi nakuntento ang mga loyalista ng mga Marcos sa Kongreso at gusto pa nilang gawing pambansang batas ang pagpaparangal kay Pangulong Marcos sa kaarawan niya. Dahil dito, ipinanukala nila ang House Bill 7173 na ito. Dahil marami nga sa ating mga kongresista ang kapanalig ni Pangulong Duterte sa Kongreso, madaling naprubahan ang House Bill na ito.

Sa ngayon, pagsang-ayon na lang ng Senado ang kailangan upang maging ganap na batas ang pagparangal kay dating Pangulong Marcos tuwing kanyang kaarawan.

Ayon kay Senate President Vicente Sotto, ang nasabing panukalang batas ay maaaring hindi na kokontrahin ng mga senador. Ito’y dahil para lang daw sa Ilocos Norte ito at hindi naman para sa buong bansa.

Marami ang tutol

Pero marami sa mga progresibong grupo ang hindi sang-ayon sa House Bill na ito.

Ang panukalang batas na ito’y nagrerepaso ng ating kasaysayan, sabi ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat. Hindi nito nirerespeto ang hatol ng kasaysayan at ang mga biktima ng martial law ni Marcos. Hindi kailanman makakalimutan ng taumbayan ang ginawang kahayupan at kalapastangan ng panahon ni Marcos, dagdag pa ni Rep. Cullamat.

Bakit natin ipagdiriwang ang kapanganakan ng isang diktador, pasista na may daan-daanlibong pinaslang na mga mamamayang Pilipino kabilang na ang kabataan, wika naman ng Kabataan Party-list. Bakit natin ipagdiriwang ang kapanganakan ng isang magnanakaw na nagbulsa ng bilyones na pera ng bayan? tanong pa nito.

Ayon naman kay Cristina Palabay ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan, ang nasabing bill ay magpapabango lang sa imahe ni Pangulong Marcos na isang mamamatay-tao, magnanakaw, at kriminal.

Sabi pa niya, malaking insulto ito sa lahat ng biktima ng martial law at sa iba pang nakaranas ng paglabag ng kanilang karapatang pantao noong panahon ng diktadurang Marcos.

Ang sabi naman ni Loretta Rosales, hindi dapat pinagdiriwang ang kapanganakan ng mga diktador kundi nililibing sa basurahan ng kasaysayan. Ayon sa Amnesty International, mayroong 70,000 kinulong, 34,000 tinortiyur at 3,200 pinatay ang rehimeng Marcos mula 1965 hanggang 1986.

Nasa P170 Bilyon naman ang nakaw-na-yaman ang narerekober ng gobyerno noong 2017 mula sa pamilyang Marcos.

Sa tingin naman ng inyong lingkod, kung talagang nais ng mga taga-Ilocos Norte na ipagdiwang ang kapanganakan ni Pangulong Marcos, maaari nilang magagawa ito na hindi kailangan ang isang pambansang batas.

Maaari silang magpasa ng isang provincial ordinance na nagpapahayag ng kanilang pagkilala sa kanya, pero hindi isang national law sapagkat alam naman natin ang ginawa ni Marcos sa Pilipinas sa ating bansa noong panahong siya’y nanunungkulan.

Isa pa, kung gagawing national law ang batas na nagpaparangal kay Marcos sa kanyang kaarawan ay sasalungat ito sa Republic Act No. 10368, isang batas na ipinasa noong 2012. Nagkikilala ang batas na ito sa mga paglabag sa karapatang pantao na nangyari noong diktadurang Marcos at sa pagbabayad sa mga biktima nito.

Sa Section 2 ng Rep. Act No. 10368, nililinaw na kinikilala ng pamahalaan ang kabayanihan at sakripisyo ng mga Pilipinong naging biktima ng pamamaslang, tortiyur, pagdukot, at iba pang malalang paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng panunungkulan ng dating Pangulong Marcos.

Ang pagbigay ng pagkilala kay Pangulong Marcos sa kanyang kaarawan ay paglimot sa mga paglabag niya sa karapatang pantao na nakasaad sa Rep. Act No. 10361.

Huwag nating pabayaang mangyari ito.

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Si Atty. Remigio D. Saladero, Jr. ay ipinanganak sa Nuralah, South Cotabato noong Enero 27, 1959. Panganay sa apat na anak nina Remigio Saladero Sr. at Thelma Damandaman na kapwa guro. Si Atty. Saladero ay agad nagpakita mg gilas sa kanyang pag-aaral mula sa elementarya sa Sto. Nino Elementary School, sa Koronadal National High School. Ang kanyang unang kurso sa kolehiyo ay sa Mindanao State University kung saan niya natapos ang AB Political Science. Sa lahat nang ito, nanguna si Atty. Saladero sa larangan ng akademya. Nuong 1979, matapos maging Cum Laude ay ipinasya niyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang napiling karera. Nag-aral siya ng batas sa San Beda College at ipinasa ang Bar Examinations nuong 1984, sa rating na 88.95 porsiyento, bilang pang-17 pinakamataas na grado.