NBA players, nagwelga para sa katarungang panlipunan

September 4, 2020

Pambihirang ipinamalas ng mga manlalaro ang kapangyarihan ng samasamang pagkilos at pagpapatigil sa produksiyon para isulong ang panlipunang pagbabago.

Nagulat ang buong National Basketball Association (NBA) nang hindi sumipot ang mga manlalaro ng Milwaukee Bucks sa laro nito laban sa Orlando Magic noong Agosto 26.

Sinundan ito ng pahayag ng mga manlalaro ng Houston Rockets, Oklahoma City Thunders, Los Angeles Lakers at Portland Trailblazers na hindi rin sila sisipot sa nakatakdang laro nila sa araw na iyon.

Binoykot nila ang mga laro nila sa 2020 NBA Playoffs bilang protesta sa tumitinding rasistang atake laban sa mga mamamayang itim o Aprikano-Amerikano sa United States of Amerika (US).

Ilang araw bago ito, pinagbabaril ng mga pulis si Jacob Blake, Amerikanong itim, sa Kenosha, Wisconsin na ikinaparalisa ng kalahati ng katawan nito. Nag-viral sa social media ang video ng pamamaril kay Blake. Lalong pinaalab nito ang mga protesta laban sa rasismo at karahasan laban sa mga itim.

“Sa kabila ng nag-uumapaw na panawagan para sa pagbabago, wala pang nagiging aksyon, kaya ang tuon ng aming pansin ay hindi muna maaaring sa basketball ngayon,” pahayag ng Bucks.

Nanawagan ang koponan ng katarungan kay Blake at ipinanawagan sa pamahalaan ng Wisconsin, estadong nakakasakop sa Milwaukee, na gumawa ng makabuluhang mga hakbang para panagutin ang kapulisan.

Kolektibong pagkilos

Nagpulong ang National Basketball Players Association (NBPA) para sa susunod nilang mga hakbang para makamit ang katarungang panlipunan.

Isa sa mga unang tumindig na huwag munang ituloy ang Playoffs sina NBA superstar LeBron James ng LA Lakers at LA Clippers star Kawhi Leonard. “Nananawagan kami ng pagbabago. Sawa na kami,” giit ni James.

Nagkaisa ang players na paigtingin ang laban para sa katarungang panlipunan at ang igiit sa pamunuan ng NBA at ng mga may-ari ng mga koponan na gumawa ng kongkretong hakbang laban sa tumitinding rasismo.

Nakiisa rin sa protesta ang mga coach at commentator ng NBA. Mahigit 100 empleyado ng NBA ang tumigil sa pagtatrabaho. Nagmartsa naman laban sa rasismo ang mga referee.

Sa isang maramdaming pahayag, sinabi ng dating NBA star at ngayo’y commentator na si Chris Webber na milyon na ang ginawang martsa at wala pa ring nagbabago. Pero para sa kanya, “Kung hindi ngayon, kalian?! Kung hindi ngayong may pandemya, at hindi na mabilang na buhay ang nawala, kung hindi ngayon, kalian?!”

Sumunod sa hakbang ang iba pang mga atleta. Pansamantala ring tinigil ang mga laro ng Women’s National Basketball Association (WNBA), Major League Baseball at National Hockey League. Inihinto naman ng siyam na koponan sa National Football League (NFL) ang pag-eensayo nila. Sa tennis, tumanggi ring maglaro sa kanyang semi-finals na laban si dating US Open Champion Naomi Osaka.

Katarungang panlipunan

Kakasimula lang ulit ng mga laro ng NBA nitong Hulyo matapos mag-“shutdown” ang liga nang ilang buwan dahil nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) ang ilang manlalaro noong Marso.

Habang “shutdown” sa NBA, sumiklab ang mga protestang #BlackLivesMatter sa iba-ibang bahagi ng US at mundo. Ito’y dahil sa panibagong mga atake sa mga Amerikanong itim, lalo na ang pagpatay ng mga kapulisan kina Breonna Taylor sa Kentucky noong Marso 13 at George Floyd sa Minnesota noong Mayo 25. Marami sa mga manlalaro ng NBA ang personal na lumahok sa mga protesta.

Itinuloy ang season matapos magkasundo ang NBPA at pamunuan ng NBA na bukod sa pagtitiyak ng kaligtasan nila mula sa Covid-19, patatampukin din ang #BlackLivesMatter at magiging lunsaran ng panawagan laban sa sistemikong rasismo sa US ang mga laro.

Sa kanilang mga uniporme, nakaburda ang iba’t ibang mensahe. Ang basketball court sa isolation facility o “bubble” sa Disney World Florida, na pinagdarausan ng mga laro, may nakasulat na “Black Lives Matter.”

Sa kabila nito, tuluy-tuloy ang mga atake sa mga itim at marahas na tugon ng gobyerno ni Pang. Donald Trump sa mga protestang Black Lives Matter. Kaya ganoon na lang ang galit ng mga manlalaro sa pamamaril kay Blake.

Tagumpay

Sa pangunguna ng Pangulo nitong si Chris Paul ng OKC Thunder, nagbuo ang NBPA ng iisang tindig na inihapag sa pamunuan ng NBA at mga may-ari ng koponan.

Nagkasundo ang NBA at NBPA na bumuo ng “Social Justice Coalition” na aktibong magsusulong ng makabuluhang mga reporma sa kapulisan at sistema ng hustisya sa US.

Pumayag din ang ilang may-ari ng mga koponan na gamitin ang mga arena at stadium nila para ligtas na makaboto ang mga taga-komunidad sa eleksiyong heneral sa Nobyembre 2020.

Naitulak din ang NBA na magpalabas ng mga mensahe para sa katarungang panlipunan sa Playoffs.

Para sa mga manlalaro, inisyal na tagumpay ito ng kanilang pagkilos. Pero hindi ibig sabihing tapos na ang laban. Ilang sandali matapos magkasundo ang NBA at NBPA, sinabi ni Lebron James: “Hindi mangyayari ang pagbabago sa pag-uusap lang. Mangyayari ito kung may pagkilos at kailangang mangyari na ito ngayon!”

Sa publikasyong The Guardian, sinabi ng NBA Legend at aktibista para sa kalayaang sibil na si Kareem Abdul-Jabbar: “Di pa tapos ang trabaho, dahil sa nakikita natin halos lingu-linggo, ang banta sa buhay ng mga itim ay totoo at nakaumang.”

Halaga ng ‘welga’

Hindi ito ang unang beses na natigil ang mga laro sa NBA dahil sa paggigiit ng mga manlalaro. Pero sa naunang mga shutdown sa nakalipas na mga dekada, pangunahing usapin ang mga negosasyon sa Collective Bargaining Agreement sa pagitan ng unyon at pamunuan.

Kaya naman pinuri ang “welga” ng mga manlalaro ng NBA. Nagpamalas sila ng kapangyarihan ng kolektibong pagkilos at pagtigil-trabaho. Ginawa nila ito hindi lang para sa pang-ekonomiyang kahingian, kundi para sa panlipunang katarungan.

Para sa manunulat na si Aqsa Ahmad, “Sa kabila ng kinahinatnan nito, ang wildcat strike ng NBA nitong nakaraang linggo’y nagbigay ng mahalagang aral sa ating lahat: kailangan nating abalahin ang tubo ng mga may-ari at gumawa ng kolektibong pagkilos kung gusto nating magkaroon ng pag-asa ng pagdulot ng pagbabago.”

Ayon naman kay Dave Zirin, sports editor ng pahayagang The Nation, “Sa pagtupad ng kanilang kapangyarihan bilang manggagawa, nagbigay ng insiparsyon ang mga manlalaro sa kataka-takang tahimik na bahagi ng paglaban sa rasismo at Trumpismo: ang kilusang paggawa.”

Neil Ambion

Neil Ambion

Gitarista, musikero at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa, ngayo'y bahagi ng editorial staff ng PW si Neil Ambion.