‘Malubhang pagkakasakit’ ng Pangulo

September 5, 2020

Aminin man o hindi ng kanyang mga tagasuporta at tagapagsalita, may malupit na problema sa kalusugan si Pangulong Duterte. Dahil dito, dumarami ang nananawagan ng kanyang pagbibitiw.

Habang sinasalubong ang daan-daang overseas Filipino workers (OFWs) sa Ninoy Aquino International Airport na umuwi matapos mawalan ng trabaho ibang bansa, biglang nanikip ang lalamunan ni Foreign Affairs Sec. Teodoro “Teddyboy” Locsin Jr. sa gitna ng kanyang talumpati.

“Gusto kong pasalamatan ang mga tao sa palibot ko,” ani Locsin, sa wikang Ingles. “Araw-araw, nandito sila para salubungin ang ating mga mamamayan. Ginagawa natin ito dahil mahal namin kayo. At ginagawa namin ito dahil nirerespeto namin ang ating Pangulo, ang una at tanging Pangulong naglakas-loob para sa pinakaaba sa mga mamamayang Pilipino.”

Hindi sinabi ni Locsin ang dahilan kung bakit naiyak siya. Pero palagay ng maraming tagamasid, may kinalaman ito sa bali-balitang kumalat noong araw na iyon: Na tinakbo diumano si Pangulong Duterte sa Singapore para magpagamot.

""Malakas

Nagpagamot sa SG?

Noong araw ding iyon, itinanggi ng Malakanyang ang bali-balitang ito. Itinanggi ni Duterte, ng kanyang malapit na kaalyadong si Sen. Christopher “Bong” Go, at ng tagapagsalita ng Palasyo na si Harry Roque, ang pagpunta umano ng Pangulo sa nasabing bansa. Pero kasabay nito, sinabi rin ni Duterte na wala dapat daw pakialam ang publiko kung pumunta man siya sa Singapore.

“Kung gusto kong umalis, aalis ako,” sabi ni Duterte, sa wikang Ingles. “Dahil hindi naman ako gagamit ng pondo ng gobyerno. Wala pa akong (personal na) biyahe sa labas ng bansa na gumamit ako ng pondo ng gobyerno.”

Pero ayon sa mga eksperto, hindi lang ito usapin ng pondo ng gobyerno – bagamat wala namang pinakikitang ebidensiya ang Malakanyang na hindi nga pondo ng gobyerno ang ginagamit ni Duterte sa pagpapagamot. Ang usapin, ayon sa mga eksperto, ay ang obligasyon ng Pangulo na ihayag ang tunay na kalagayan ng kanyang kalusugan. Usapin ng pampublikong interes umano ang kalusugan ng isang pangulo, at hindi maaaring ilihim.

Sa Seksiyon 12 Artikulo VII ng 1987 Konstitusyon, nakasaad: “Sa kaso ng malubhang pagkakasakit ng Pangulo, kailangang maipaalam sa publiko ang estado ng kanyang kalusugan.” (Salin ng PW) At kung mapakita o mapatunayang may “malubhang sakit” nga si Duterte, nakatakda rin sa 1987 Konstitusyon na kailangan niyang magbitiw sa puwesto.

Wala raw pakialam ang publiko

Sa sumunod na linggo, noong Agosto 25, sa isa sa kanyang mga talumpati sa telebisyon, inamin ni Pangulong Duterte: sinabihan na siya ng kanyang doktor na ang kanyang sakit na Barrett’s Esophagus ay papalapit na sa stage I ng kanser kung hindi niya pagbabantayan ang kanyang kinakain at iniinom.

“’Ikaw, Duterte, tigilan mo na ang pag-inom ng alak dahil ang (Barrett’s Esophagus) mo ay malapit na sa stage I kanser,” sabi ng Pangulo na sinabi raw ng kanyang doktor.

Sa sumunod na mga pagharap sa midya, sinabi ni Roque na hindi naman daw problema ang sakit na ito. Si Duterte na raw mismo ang magsasabi kung talagang may malubha siyang sakit. Sa pagdepensa sa Pangulo, sinabi naman ni Sen. Go na “malakas pa sa kalabaw” si Duterte sa kabila ng kanyang mga karamdaman at katandaan.

Pero iginigiit nga ng mga eksperto na hindi sapat na Presidente lang ang magsabi na wala pa siyang malubhang karamdaman.

Noong Abril, nagsumite ng petisyon ang abogadong si Dino de Leon sa Korte Suprema na naghihiling na obligahin si Duterte na isiwalat ang medical records niya mula nang umupo sa puwesto noong 2016.

“Sa panahong nanganganib ang kaligtasan ng lahat, kahit papaano’y dapat may impormasyon ang mga mamamayang Pilipino sa kalusugan ng pangunahing nagdedesisyon…para mase-guro na may kakayahan pa siyang pisikal at mental na pamunuan ang gobyerno…” ayon sa Petition for Mandamus ni De Leon.

Sinabi ni De Leon na nagsumite siya ng freedom of information (FOI) requests sa Malakanyang pero ni hindi umano ito sinagot ng Palasyo. Bilang mamamayang may karapatang malaman ang lagay ng Presidente, natulak umano si De Leon na magsumite ng naturang petisyon sa Korte Suprema.

Pero kahit na walang pagdinig para sa mga argumento ng petisyuner, ibinasura ng Korte Suprema ang petisyong ito noong Mayo.

Pangulong Duterte, sinabing sumasakit ang ulo niya kaya laging nakahawak sa noo at sentido.

Pangulong Duterte, sinabing sumasakit ang ulo niya kaya laging nakahawak sa noo at sentido.

Kuwestiyon sa Korte

Sa “Sulong Mandamus” na Zoom forum hinggil sa “karapatan ng mga mamamayan na malaman ang lagay ng kalusugan ng Presidente” noong Agosto 28, kinuwestiyon ng ilang eksperto sa Konstitusyon ang desisyon ng Korte Suprema.

“Ang isyu ng kalusugan ng Presidente ay isyu ng paggogobyerno,” sabi ni Christian Monsod, abogado, dating pinuno ng Commission on Elections at isa sa mga delegado sa pagbubuo ng 1987 Konstitusyon, sa wikang Ingles. “Tila nakalimutan… natin na ang isang lider… ay hindi lang dapat maging sinsero sa kanyang tunguhin, dapat ay tama rin siya sa pag-iisip at paggawa. Para maging ganitong klaseng lider, kritikal ang estado ng kanyang kalusugan.”

“Ano ang nagkulang sa (desisyon ng) Korte Suprema? Ano’ng nangyari?” tanong ni Melecio “Mel” Sta. Maria, abogado, personalidad sa midya at dekano ng Institute of Law ng Far Eastern University, sa wikang Ingles. “Naniniwala ako na kung may isang bagay na gusto ng ating Konstitusyon na gawin ng Korte Suprema, ito’y ang magpakita ang korte ng ‘aktibismo sa hudikatura’ (‘judicial activism’).”

Sa lahat ng ahensiya ng gobyerno, ayon kay Sta. Maria, Korte Suprema ang dapat na kumikilos labas sa takbo ng pulitika ng bansa, o hindi dapat natatangay ng presyur ng Ehekutibo o kung sino man ang nakaupo sa Malakanyang.

Ang hudisyal na aktibismo, ayon sa kanya, ay pagkilos ng Korte na higit pa sa legal precedence o anumang desisyong legal noong nakaraan, para tugunan ang mas malawak na interes ng mga mamamayan. Kailangan din umano na isinasaalang-alang ng Korte ang mahahalagang mga leksiyon ng kasaysayan na siyang konteksto ng petisyon.

Kasama rito ang leksiyon ng batas militar ng dating diktador na si Ferdinand Marcos.

Sinabi ni Sta. Maria na tila’y may “overdeferential treatment” o masyadong pinagbigyan ng Korte Suprema si Duterte, kaya ibinasura ang petisyon ni De Leon.

“Walang giya sa konstitusyon (para sa Korte Suprema) maliban sa self-restraint (o pagpipigil ng sarili) o hustisyal na aktibismo,” aniya. Pero tila pinili umano ng Korte ang pagpipigil sa sarili.

Sinabi naman ni Felicitas Aquino-Arroyo, abogado at biyuda ng namaalam na Sen. Joker Arroyo, na nabuo ang Seksiyon 12 Artikulo VII ng 1987 Konstitusyon sa konteksto ng kawawakas pa lang noon na diktadurang Marcos. Sa matagal na panahon ng batas militar ni Marcos, inilihim umano ng diktador ang pagkakasakit ni Marcos sa bato.

Dalawang beses pang nagpa-opera si Marcos sa kanyang bato. Pero nalaman na lang ito ng mga Pilipino matapos mapatalsik ang diktador noong Pebrero 1986. “Malay tayo sa nangyari sa atin noong panahon ng diktadurang Marcos. Trahedya ito, o baka kabalbalan na (farce), kung mauulit ito,” sabi pa ni Aquino-Arroyo.

Maraming sakit

Maliban sa Barrett’s Esophagus, inamin din ni Duterte, sa nakaraan niyang mga talumpati, ang iba pang sakit na nararamdaman niya.

“Hindi ako naniniwala sa kanser. Ang mayroon ako ay talagang Buerger’s disease. Nakuha ko ito sa paninigarilyo, dahil sa nikotina,” sabi ni Duterte noong Pebrero 2016, bago pa mahalal sa pagkapangulo.

Ang Buerger’s Disease ay pambihirang kondisyon sa dugo na nagdudulot ng pagkasira ng balat sa braso at binti, kamay at paa.

Sa parehong talumpati noong 2016, inamin din ni Duterte na may mga problema siya sa kanyang gulugod. Noong Nobyembre 2016, inamin din ng Pangulo sa isang talumpati sa Davao City na may mga panahong nakakaranas siya ng migraines, kung kaya nakikita siya sa publiko na minsa’y dinidiinan ng kanyang mga daliri ang noo at sentido.

Noong Oktubre 2019, naaksidente siya sa motorsiklo na nagdulot sa kanya ng “matinding pananakit” sa gulugod.

Noong buwan ding iyon, sinabi ni Duterte na mayroon siyang myasthenia gravis, isang pambihira ring sakit sa ugat at laman. Ito, sabi mismo niya, ang dahilan kung bakit tila minsa’y bumabagsak ang talukap ng mata niya kahit gising.

Siyempre, nariyan din ang Barrett’s Esophagus na pagkasira ng lalamunan dahil sa acid reflux. Maaaring tumungo ang naturang sakit sa esophageal cancer.

Sinabi naman ni Vergel Santos, beteranong mamamahayag, na karapatan ng mga mamamayan na malaman ang kalagayan ng kalusugan ng Pangulo. “Noong nagdesisyon ang Pangulo na mapasailalim sa isolation, at dahil dito’y hindi na siya naging aksesible sa bansa at sa isang bahagi kahit sa midya, awtomatikong nabanggit ang isyu ng karapatan ng publiko na makaalam,” ani Santos, sa wikang Ingles. “Aktwali, sa simula’t sapul, isyu ito sa Pangulo na hindi sinikreto ang kanyang mga planong awtoritaryan at laging mas gusto niyang magmonologo kaysa sumagot ng mga tanong mula sa press.”

Sa pamamagitan ng pag-iwas sa pagtatanong ng mga mamamahayag, naiiwasan din umano ni Duterte na makilatis ng madla ang tunay na kalagayan niya sa kalusugan.

Samantala, sinabi pa ni Santos, maliban sa kanyang kalusugan, kuwestiyon din ng pamumuno niya ang pagsuko sa China ng karapatan sa bansa sa West Philippine Sea.

Tularan si Abe?

Nitong Agosto 28, nagbitiw sa Japan ang Punong Ministro nito, si Shinzo Abe, 65, dahil sa kanyang lumalala umanong kalusugan. Ayon sa Punong Ministro, hindi daw niya nais na makahadlang pa ang kanyang sakit sa pagdedesisyon bilang pinuno ng gobyerno. Humingi siya ng dispensa sa mga mamamayang Hapon na hindi na niya matatapos ang termino.

Matagal nang dinaranas ni Abe ang ulcerative colitis, isang sakit na nagdudulot ng pamamaga ng dinaraanan ng dumi. Pero kalaunan, papalala umano ang sakit na ito.

Marami tuloy ang nagkumpara kina Abe at Duterte: Bakit umano si Abe, nagbitiw dahil sa kanyang sakit na bagamat hindi pa nakamamatay ay nakakahadlang na sa kanyang pang-araw-araw na trabaho bilang Punong Ministro? Samantala, si Duterte, hindi pa magawang magbitiw?

Lalo pang makikita ang pagkakaiba kung isasaalang-alang ang iba pang inirereklamo ng iba’t ibang sektor at grupo kay Duterte – mula sa kanyang madudugong giyera kontra droga at insurhensiya, hanggang sa mga alegasyon ng korupsiyon sa iba’t ibang sangay ng gobyerno, hanggang sa anila’y palpak na pagtugon sa pandemyang coronavirus disease-2019 (Covid-19).

“Binibigyan-diin ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na dagdag lang ang bagong debelopment na ito sa kalusugan ni Duterte sa mahabang listahan ng dahilan kung bakit siya dapat agarang umalis sa puwesto,” sabi ni Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

“Ang pangangayupapa niya sa dayuhang mga puwersa, ang tiraniya, malawakang pagpatay sa mga mamamayan at pandarambong sa rekurso ng mga mamamayan ang pangunahing mga dahilan kung bakit dapat siya umaalis sa poder. Idagdag pa rito, hindi pa maganda ang kanyang kalusugan. Hindi karapatdapat na pamunuan ni Duterte ang bansa sa lahat ng aspekto,” sabi pa ni Labog.

Patuloy mang itinatanggi ng mga opisyal ni Duterte tulad nina Roque, Go at Locsin na may malubhang karamdaman ang Presidente, tila mahihinuha naman sa mga pahayag ni Duterte na may malulubha talaga siyang sakit. Posible rin umanong may kinalaman ang mahinang kalusugan ng Pangulo sa dumaraming kuwestiyonableng desisyon at polisiya ng kanyang administrasyon.

“Nakikita ba ninyo siya, kahit sa Internet?” tanong ni Santos. “Napapansin ba ninyo kung gaano kahina ang enerhiya niya? Napapansin ba ninyo na kailangan pa siyang diktahan (‘prompted’) at pamunuan at tulungan sa kung saan?” Aminin man ng Palasyo na “malubha” ang sakit ng Pangulo o hindi, may batayan kung bakit dumarami ang nananawagan ng kanyang pagbibitiw.

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda is Pinoy Weekly's editor-in-chief and a board member of PinoyMedia Center, Inc.