Husgahan Natin

Karapatan ng mga sekyu

September 18, 2020

Dapat na maimulat sa kanila ang batayang mga karapatan na binibigay sa kanila ng batas.

Bihira sa malalaking negosyo ngayon ang walang security guard.

Sa malalaking department store, grocery, eskuwelahan, fast food, o pribadong opisina, hindi kumpleto ang ating pagtingin kung wala tayong nakikitang security guards na nagbabantay.

Ayon sa datos, noong 2016 ay hindi bababa sa 500,000 ang bilang ng private security guards sa Pilipinas. Hindi kasali dito iyung kinukuha para maging personal bodyguards ng kanilang mga amo.

Kung tutuusin, mas malaki ang bilang ng security guards kaysa mga kasapi ng ating police o army.

Ito’y nagpapakita na marami sa ating kabataan ang pumipili sa trabahong ito kaysa sa ibang klase ng hanapbuhay.

Pero ayon sa batas, ang isang security guard ay hindi empleyado ng kompanya o establisimyentong kanyang binabantayan.

Siya’y kontraktuwal na empleyado ng security agency na kumuha sa kanya upang bantayan ang isang kompanya, opisina o opisina.

Dahil dito, obligasyon ng security agency na bayaran ang suweldo ng kanyang security guards.

Kasama rin dito ang employer’s premium at employee’s contribution para sa SSS, ECC, PhilHealth at Pagibig.

Ang kompanya o opisina naman na binabantayan ng isang security guard ang nagbibigay ng kaukulang bayad sa agency para sa serbisyo ng guwardiya.

Dito naman kinukuha ng agency ang pampasahod para mga guwardiya nito at ang labis ay siyempre, tubo na ng agency.

Ayon sa batas, ang isang security guard ay may karapatang tumanggap ng sahod na hindi bababa sa minimum wage at may karapatang tumanggap ng overtime pay ; service incentive leave; 13th month pay; holiday pay ; night shift differential; at separation pay.

Bukod rito, karapatan din niyang magkaroon ng retirement benefits, social security benefits, kaseguruhan sa trabaho, at karapatang magbuo at sumali sa unyon.

Kung ang guwardiya ay babae, karapatan nyang magkaroon ng maternity leave. Kung siya nama’y lalaki, karapatan nya ang paternity leave.

Kung siya ay isang solo parent, may karapatan din siya sa ilalim ng Solo Parents Act.

Mapapansin natin na lahat ng karapatan sa ilalim ng Labor Code ay binibigay sa mga guwardiya.

Dagdag pa rito ang mga karapatang maaaring ibigay sa security guard sa pamagitan ng Security Agreement na pinirmahan ng kanyang agency at ng kompanya kung saan siya nagbabantay.

Ang kopya ng Security Agreement na ito ay kailangang ibigay ng security agency sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Kung sakaling ang isang guwardiya ay malipat sa kanyang assignment at sa lugar na kanyang paglilipatan ay mas mataas ang minimum wage, obligadong sumunod rito sa mas mataas na sahod ang agency.

Kung sakali namang mas mababa ito kaysa sahod na dati niyang tinatanggap, obligado ang agency na sundin pa rin ang dating sahod.

Paano kung maglabas ng wage order ang DOLE na nagbibigay ng karagdagang sahod sa mga guwardiya?

Sasagutin ito ng kompanya at aamyendahan nila ng agency ang kanilang Service Agreement. Kung sakaling hindi ito masagot ng kompanya, ang agency ang mananagot sa bagay na ito.

Ang isang guwardyang pinagtrabaho, tuluy-tuloy man o hindi ng agency sa loob ng anim na buwan ay ituturing na regular na empleyado.

Paano kung nilabag ng agency ang pagbibigay ng tamang sahod sa isang guwardiya? Maaaring habulin ng guwardiya ang kompanya kung saan siya naka-assign.

Kung sakaling mawalan ng trabaho ang guwardiya dahil natapos na ang Service Agreement ng agency at ng kompanya kung saan siya naka-assign o dahil sa pansamantalang pagkasuspinde ng security service operations at wala pang ibang kompanya kung saan siya maaring i-assign, ituturing siyang nasa reserved status.

Pagkalipas ng anim na buwan at wala pa rin siyang malilipatan, maaari na siyang ituring na tanggal na sa kanyang trabaho at babayaran na ng agency ng kanyang kaukulang separation pay.

Ang masama sa mga alintuntuning ito’y hindi ito napapatupad ng wasto.

Ayon pa kay Fred Bentulan, pangulo ng Alas- Guwardiya, isang samahan ng mga security guard, karamihan sa mga guwardiya ay overworked at underpaid.

Otsenta porsiyento raw ng mga guwardiya ang nagtatrabaho sa loob ng 12 oras tuwing araw ngunit sinasahuran lang ng P 8,000 tuwing buwan.

Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (Sosia) sa ilalim ng Philippine National Police ang tanggapan na nagpapatakbo sa mga security agency.

Karamihan sa mga security agency ay pag-aari ng dating mga opisyal ng PNP o AFP na malakas ang kapit sa SOSIA na siyang namamahala sa mga security agency.

Ito ang dahilan kung bakit hindi naipapatupad ang mga batas na ito.

Maaari rin nating banggitin ang kawalan ng boses sa hanay ng mga guwardiya para iparating sa may kapangyarihan ang pang-aapi na kanilang nararanasan sa kanilang mga trabaho.

Marami kasi sa security guards ay sunud-sunuran lang sa kung ano mang dinidikta ng kanilang agency alinsunod sa prinsipyong obey before you complain.

Dapat na maimulat sa kanila ang batayang mga karapatan na binibigay sa kanila ng batas.

Ito’y magagawa lang kung magtutulungan tayong lahat, mga kasama.

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Si Atty. Remigio D. Saladero, Jr. ay ipinanganak sa Nuralah, South Cotabato noong Enero 27, 1959. Panganay sa apat na anak nina Remigio Saladero Sr. at Thelma Damandaman na kapwa guro. Si Atty. Saladero ay agad nagpakita mg gilas sa kanyang pag-aaral mula sa elementarya sa Sto. Nino Elementary School, sa Koronadal National High School. Ang kanyang unang kurso sa kolehiyo ay sa Mindanao State University kung saan niya natapos ang AB Political Science. Sa lahat nang ito, nanguna si Atty. Saladero sa larangan ng akademya. Nuong 1979, matapos maging Cum Laude ay ipinasya niyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang napiling karera. Nag-aral siya ng batas sa San Beda College at ipinasa ang Bar Examinations nuong 1984, sa rating na 88.95 porsiyento, bilang pang-17 pinakamataas na grado.