‘Gobyernong US, nakialam para mapalaya si Pemberton’

September 18, 2020

“Hindi usapin ng mabuting asal ng isang indibidwal ang pagpapalaya kay Pemberton, kundi usapin ng pambansang soberanya at dayuhang interbensiyon. Nangangamoy pangingialam ng US ang pag-aabsuweltong ito,”

Naniniwala ang mga tagapagtanggol ng karapatang pantao sa US na nakialam ang gobyernong US para mapalaya ang US Marine na si Joseph Scott Pemberton na nahatulang pumaslang sa Pinay na transgender na si Jennifer Laude noong Oktubre 2014.

“Hindi usapin ng mabuting asal ng isang indibidwal ang pagpapalaya kay Pemberton, kundi usapin ng pambansang soberanya at dayuhang interbensiyon. Nangangamoy pangingialam ng US ang pag-aabsuweltong ito,” sabi ni Drew Elizarde-Miller, tagapagsalita ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (Ichrp) sa US, sa wikang Ingles.

Kasabay ng kanilang pakikiramay at pag-alok ng suporta sa pamilya ni Laude, duda umano ang Ichrp-US na inabsuwelto ni Duterte si Pemberto ilang buwan matapos aprubahan ng US State Department ang pagbebenta ng armas sa Pilipinas sa halagang $2 Bilyon.

“Magmula nito (pagbenta ng armas), sinuspinde ni Duterte ang naunang pagpapatigil sa Visiting Forces Agreement sa US, ang parehong kasunduan na naging batayan ng espesyal na pagtrato kay Pemberton at pagkakaroon niya ng sariling kulungan sa loob ng kampo ng military, hiwalay sa punung-puno nang mga preso sa Pilipinas,” sabi pa ni Elizarde-Miller.

Nakikita rin ng Ichrp-US ang bahagi rin ng interbensiyon ng US ang pagtutulak sa Anti-Terrorism Law sa kabila ng masahol na rekord sa karapatang pantao ng rehimeng Duterte.

“Ang totoo,ang US, katulad ng sa kaso ni Pemberton at sa nabanggit na pagbenta ng armas, ay patuloy na nagbibigay ng ayuda-militar at suporta para makaimpluwensiya sa mga usapin sa Pilipinas,” sabi pa niya.

Nanawagan ang grupo sa Kongreso ng US na ipasa ang Philippine Human Rights Act at suspendihin ang ayudang military sa Pilipinas para mapigilan ang paggamit sa Pilipinas bilang kasangkapan para sa interes ng US.

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan is a cultural and political writer who regularly contributes for Pinoy Weekly.