Editoryal

‘Fattening the curve’

September 28, 2020

Halos pitong buwan na ang kuwarantina na ipinataw ng gobyerno. Sa kabila nito, wala pa rin itong malinaw na plano sa pagsugpo sa pandemya

Mahalagang mga kataga ang “flattening the curve” sa tugon ng mga bansa sa pandemyang coronavirus disease 2019 (Covid-19). Ilang buwan pa lang mula nang ideklara ng World Health Organization na may pandemya, naisagawa na ng ibang bansa ang pagpatag sa sinasabing kurba. Naging kritikal ang tugon ng gobyerno at mga mamamayan sa mga naturang bansa para matagumpay itong maisagawa. Ang iba sa mga ito’y dumaranas na ng ikalawa o ikatlong “wave” ng pagkalat kung kaya’t panibagong pagsisikap upang maampat ito.

Sa Pilipinas, hindi pa malinaw kung flattened (napatag) na ba o hindi ang kurba ng Covid-19. Iba-iba ang opinyon ng mga eksperto hinggil dito. Medyo masalimuot.

Kamakailan, sinabi ni Dr. Guido David, bahagi ng mga mananaliksik ng UP OCTA Research, “flattened” na umano ang curve sa bansa. Naging batayan ng naturang eksperto ang pagbaba sa isang porsiyento ng reproduction number ng virus nang ilabas ang kanilang datos noong unang linggo ng Setyembre. Aniya, mula sa 4,000 na average na kaso kada araw bumaba na umano ito sa 3,000.

Pero mahirap paniwalaang naampat na ang pagkalat ng Covid-19. Lalo pa’t pumalo nang muli sa halos 4,000 ang arawang kaso ng sakit. Higit pa, di maitatatwa ang palpak na tugon sa pandemya ng administrasyong Duterte. Kaya imbes na “flattening” the curve, tila naging “fattening” pa nga ang nangyayari.

Halos pitong buwan na ang kuwarantina na ipinataw ng gobyerno. Sa kabila nito, wala pa rin itong malinaw na plano sa pagsugpo sa pandemya – walang masaklaw at komprehensibong paglulunsad ng testing sa mayorya ng populasyon, walang maayos na contact tracing sa mga posibleng nahawaan ng sakit, walang wastong isolation (paghihiwalay) sa mga nagtataglay o posibleng nagtataglay ng sakit, at tuluy-tuloy na ayudang pinansiyal at iba pang tulong sa mga naapektuhan ang kabuhayan.

Kung susundan ang mga pahayag ni Pangulong Duterte mula Abril, tila ang plano nito’y magmakaawa sa dayuhang mga bansa, tulad ng Tsina, Rusya at Estados Unidos (US), para sa bakuna kahit pa ang kapalit nito’y pagbenta ng mga pampublikong ariarian at pagsuko ng pambansang soberanya. Sinabi ni Duterte na gusto niyang mauna sa bakuna ng Rusya, habang palaging ineendorso ang Tsina na aniya’y umaabante sa pananaliksik kaugnay nito. Iyung pag-aabsuwelto naman kay Joseph Scott Pemberton, Amerikanong sundalo na pumatay sa kababayan nating si Jennifer Laude noong 2014, ginawa raw ni Duterte para mabigyan din ng US si Duterte ng bakuna.

Samantala, habang hinihintay na makakuha ng bakuna, pagpapatupad lang ng mga stop-gap na mga solusyon tulad ng pagpapasusuot ng face shield, “pagpapaganda” ng Manila Bay gamit ang dolomite upang maging “masaya” umano ang mga mamamayan, pana-panahong lockdown at iba pa na nagpapahirap at pumeperwisyo sa ordinaryong mga mamamayan.

Makailang ulit nang binilog ng gobyerno ang isip ng tao para ipamaraling nasa kontrol nito ang sitwasyon. Noong Hulyo, sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na napatag na ang kurba at nasa ikalawang “wave” na ang pagkalat ng sakit; sa kaparehas na buwan ipinagbunyi ni presidential spokesperson Harry Roque na “nanalo” umano ang mga mamamayan laban sa prediksiyon ng UP na aabot sa 50,000 kaso sa katapusan ng Hulyo; gayundin ang makailang ulit at kaduda-dudang pagbabago sa kategorya ng Department of Health hinggil sa datos ng mga kaso ng infected at recovered ng Covid-19.

Walang pagtatalo na hangad ng lahat na mapatag na ang kurba upang tumungo sa pag-ampat ng pagkalat ng sakit hanggang sa tuluyang mawakasan na ang pandemya. Maliban na lang marahil sa mga nais gamitin ang pandemya para sa kanilang pakinabang. Kung sa kanilang kaso, hindi toto o ang “flattening the curve” – sa gitna ng pandemya lalong bumibilog ang kurbada ng kanilang tiyan at bulsa.

Pinoy Weekly

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.