Diskrimasyon at stigma sa panahon ng pandemya

September 4, 2020

Ang pinsala ng diskriminasyon at ambag ng edukasyon sa panahon ng pandemya.

Maraming panaderya sa Pilipinas. Libu-libo. Pangkabuhayan ito ng marami. Sa isang komunidad dito sa kalakhang Maynila, mayroong may-ari ng panaderya ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (Covid-19). Nang malaman ito ng komunidad, kumalat ang babala: huwag na tangkilikin ang panaderya.

Lita Malundras, community day care teacher sa Marikina

Kung ikaw ay may sakit at nawalan pa ng pagkakakitaan, saan ka pupunta?

Isa ito sa mga kwentong nag-uudyok sa mga komunidad na maglihim na lamang. Ang mga nilalagnat, hindi na nagsasabi. Takot sila mabakuran o papakuan ang bahay.

Ganito isinalaysay ni Lita Malundras, isang guro sa community day care school sa Marikina, ang kuwento ng Covid-19 na nakikita niya sa mga nabibisitang komunidad. Kaliwa’t kanan rin ang kuwento ng mga healthcare worker na tinataboy sa tirahan o kaya naman ay hirap makahanap ng masasakyan.

Ang kapwa tao ay hindi na tao, pugad na lamang ito ng virus at sakit.

Dr. Reggie Pamugas

Dr. Reggie Pamugas

Diskriminasyon

Bahagi ito ng maituturing na stigma at diskriminasyon na nararanasan ng mga nagkakaroon ng Covid-19 at pinagsususpetsahang mayroon nito: mula healthcare frontliners hanggang sa mga trabahador na lumalabas ng tahanan sa kabila ng iba’t ibang lebel ng quarantine. Ito ang usaping tinalakay nina Malundras sa inorganisa ng Citizen’s Urgent Response to End Covid-19 (CURE Covid) na diskusyon ukol sa diskriminasyon nitong Agosto 26.

“Uy healthworker yan! Delikado baka mahawa tayo,” giit ni Dr. Reggie Pamugas, bise tagapangulo ng Health Action for Human Rights, bilang halimbawa. Ayon sa kanya, nakadaragdag ang diskriminasyon sa pasanin ng tao. Nakaapaekto ito sa mental health, na siya namang magpapalubha pa nang higit sa pakiramdam ng mga naghihirap o may sakit. 

Bibeth Orteza, kapatid ng frontline doctor na naging biktima ng Covid-19

Sinusugan ito ni Bibeth Orteza, aktres, direktor at manunulat, at kapatid ni Dr. Ephraim Neal Orteza na frontline doctor na nasawi rin sa Covid-19. Dinaing rin umano ni Orteza ang tila pagmamaliit ng mga nasa gobyerno ng ambag ng mga doktor na nasa frontlines katulad ng kanyang kapatid. Noong huling bahagi ng Hulyo, nanawagan kasi ang iba’t ibang institusyon ng mga doktor at ospital na ibalik muna sa enhanced community quarantine o ECQ ang Kamaynilaan dahil nahihirapan na ang frontliners sa pagtugon sa dumaraming bilang ng mga pasyente sa Covid-19. Sinagot ito ni Sen. Cynthia Villar, alyado ni Pangulong Duterte sa Senado, na “galingan na lang” ng mga doktor ang trabaho nila sa halip na magreklamo. Para kay Orteza, hindi lang pagmamaliit ito sa mga doktor, insulto pa ito sa mga tulad ng kanyang kapatid na nag-alay ng buhay para labanan ang Covid-19.

Paninindigan ni Dr. Pamugas at ng nars na si Kristine Tomanan, katuwang na propesor sa University of the Philippines Manila College of Nursing, na edukasyon sa antas-komunidad ang isa sa mabisang tugon sa diskriminasyon.

Bahagi si Tomanan ng isang proyekto na magpakalap ng wastong impormasyon ukol sa Covid-19, na inilalathala sa iba’t ibang wika sa Pilipinas. Ang mga anunsiyo naman sa Facebook at iba pang social media, kailangan daw tapatan o higitan pa ito ng porma ng komunikasyon na abot ang lahat sa komunidad.

Kristine Tomanan, frontline nurse at katuwang na propesor sa University of the Philippines Manila College of Nursing

Frontliners sa komunidad

Ayon nga sa diskusyon ni Tomanan, dapat ituring ang mga mamamayan at ang miyembro ng komunidad bilang mga katuwang ng frontliners sa pandemya.

“Napakatingkad ng naratibo ng pasaway,” giit ni Tomanan patungkol sa pagsosolusyon ng gobyerno.

Sang-ayon itong puna na ito sa danas ng mga komunidad, ayon kay Malundras. Sila nga na bumuo ng kusinang bayan para sa maralitang lungsod, hinuli ng pulisya. Dagdag pa niya, hindi kalakasan ng pulisya ang kailangan ng kanilang komunidad. Ang kailangan nila’y mapagkakatiwalaang impormasyon sa kung paano tutugunan ang pandemya sa mga tipo ng komunidad na may 10 kuwadradong metro lang ang laki ang mga bahay; mga komunidad na wala namang bakanteng mga kuwarto at naglalakihang lote.

Sa pagtataya sa diskusyon: Takot ang tao sa kapwa tao dahil kulang ang kaalaman. Takot ang tao sa kapwa tao dahil masyadong dumidikit ang bansag ng gobyerno na pasaway at walang disiplina; Takot ang tao sa kapwa tao dahil ayaw nitong magkasakit at mabaon ang pamilya sa hirap.

Kung palalakasin ang kampanya para sa pagbigay ng impormasyon ukol sa Covid-19 sa mga komunidad, at kung sasabayan ito ng contact-tracing, mas mapapabilis ang pagpuksa sa pandemya, giit nila.

“Kaya ng mga komunidad na magtulungan. Ang kailangan lang malaman kung ano ang gagawin,” pagpupunto ni Malundras.

Paalala nga ni Dr. Pamugas, “mas marami ang magagawa ’pag marami kayo.”

Andrea Jobelle Adan

Andrea Jobelle Adan

Si Jobie Adan ay nagtapos nang may karangalan ng kursong Pamamahayag sa UP College of Mass Communication sa Diliman, Quezon City. Siya ngayon ang pinakabatang istap ng PW.