FEATURED

Bulnerableng rebolusyonaryo


Ilang punto hinggil sa dokumentaryong pelikulang Rustling of Leaves: Inside the Philippine Revolution (1988).

Mahigit isang dekada na ang nagdaan, taong 2009, sa kabundukan ng Surigao del Sur. Papagabi na noon, malakas ang hangin, at tanging alingasngas ng mga talahib ang nadidinig. Nakarating kami sa isang kubo, at sinalubong ng isang matanda pero makisig na lalaki. Nagpakilala siya: Jorge “Ka Oris” Madlos, noo’y tagapagsalita ng National Democratic Front sa Mindanao.

Bago magsimula ang panayam, may dumating na magsasaka. May inabot kay Ka Oris. May nagpapabigay daw. Kaarawan ng isang kakilala sa baryo. Ice cream ang pinabibigay. Siyempre, dahil sa layo ng nilakbay nito, natunaw na. Masaya naming ininom ni Ka Oris ang tunaw na ice cream. Hanggang tainga ang ngiti ni Oris, na may bahid pa ng tunaw na ice cream ang labi.

* * *

Sa panayam ding iyon, natanong ko kay Ka Oris ang tungkol sa isang napanood kong pelikula, matagal na panahon na. Mahigit dalawang dekada na ang nakaraan. “Napanood ko po kayo sa isang documentary film. Iyung Rustling of Leaves,” sabi ko. Naaalala pa raw niya ito. Maitim pa ang buhok niya noon. Kapapatalsik pa lang ng diktador na si Marcos. Matalas ang memorya ni Oris. Naalala pa niya ang mga detalye, ang mga pangalan ng mga kasamahan noong panahong iyon, ang mga lugar kung saan nangyari ang mga eksena.

Oris, sa dokumentaryo, taong 1987.

Pero tila kakaunti lang ang nakakaalala sa dokumentaryong Rustling of Leaves: Inside the Philippine Revolution. Hindi pa kasi ito opisyal na napapalabas sa Pilipinas. Taong 1988 lumabas ang naturang pelikula, na dinirehe ng isang dokumentarista mula sa Canada na si Nettie Wild.

Di mahirap maunawaan kung bakit tumagal nang mahigit tatlong dekada bago nagkaroon ng “premiere” sa Pilipinas ang Rustling of Leaves. Kaiba ito sa mga pelikula o dokumentaryong iniluwal ng unang pag-aalsang EDSA noong 1986 na panay pagdiriwang sa “pagbabalik ng demokrasya” sa bansa matapos mapatalsik ang isang diktador. Kainitan noon ng “Cory fever”, ng “Cory magic”, ng pagpapamalas daw sa buong mundo ng tagumpay ng pag-aalsa na di nagdanak ng dugo, ang pag-aalsa sa EDSA. Nasa landas na raw ng demokrasya at kaunlaran ang Pilipinas. Tapos na ang panahon ng tiraniya.

Pero madaling nadisilusyon ang progresibong mga filmmaker sa bagong dispensasyong ito. Ang aktibistang direktor na si Lino Brocka, na nakulong noong batas militar at naging delegado pa sa pagbubuo ng 1987 Saligang Batas, mabilis na napagtanto na nananatili pa rin ang mapang-aping sistema sa kabila ng pagpapatalsik kay Ferdinand Marcos. Ginawa niya ang pelikulang Orapronobis noong 1989. Maganda sanang maitambal ang pelikulang ito sa pelikula ni Wild.

Tulad ng Orapronobis, pinakita ni Wild sa Rustling of Leaves ang mukha ng bagong rehimen sa kanayunan: Ang pamamayani pa rin ng pasismo, paglaganap ng mga grupong paramilitar o vigilante katulad ng Alsa Masa at Tadtad sa Mindanao, ang pagsikil sa mga aktibistang kumikilos sa hayag at sinusubok ang bagong “demokratikong espasyo” para itulak ang progresibong pagbabago.

Mga gerilya ng New People’s Army. Larawan mula kay Nettie Wild, noong 1987 o 1988.

* * *

Kamakailan lang, sa gitna ng pandemya, opisyal na pinalabas ito sa unang pagkakataon sa Pilipinas, sa film festival na Daang Dokyu. “Umuwi na sa Pilipinas, sa wakas, ang pelikulang ito,” sabi ni Wild, sa isang online Q & A. Napapanahon ito.

Si Dante, sa kampanya para sa eleksiyon sa pagkasenador ng Partido ng Bayan noong 1987.

Ilan sa mga karakter na sinundan ni Wild: Si Bernabe “Kumander Dante” Buscayno, na matapos palayain ay tumakbo bilang isa sa mga kandidato sa pagkasenador ng Partido ng Bayan; sina Oris at Fr. Frank Navarro, na mga lider-gerilya noon sa Mindanao; si Edicio dela Torre, dating pari na nag-underground noong batas militar, nakulong at lumaya; si Jun Pala, anti-komunistang brodkaster at lider ng Alsa Masa. May ilang menor na mga karakter din na maaaring kilala natin ngayon: si Lt. Ronald dela Rosa, lider ng Tadtad, na naging notoryus sa Mindanao sa pagtadtad ng leeg ng pinagbibintangang mga komunista.

Sa online na Q & A kay Wild, sinabi niyang ayaw niyang gumawa lang ng pelikulang “propaganda”, bagamat simpatetiko siya sa mga karakter na aktibista at rebolusyonaryo. Gusto raw niya ipakita ang pribado o bulnerableng mga eksena ng mga karakter para makakuha ng simpatya sa mga manonood. Siyempre, limitado ang pagpapakahulugan niya sa salitang “propaganda”. Pero kuha natin ang punto: nakita ang pang-araw-araw na buhay nina Oris, nagdedesiyon, halimbawa, sa buhay-at-kamatayan ng isang taong naging imporante ng mga militar at nagturo sa mga tagabaryo niya. Pinakita rin si Dante at mga pag-aalinlangan niya bilang tagapagsalita sa maraming pagtitipon. Hindi siya sanay sa malalakas na ilaw, sabi ni Dante. Ang kinasanayan daw niya, mga kuliglig sa gubat.

Sa dulo ng pelikula, diretsong tinanong ng direktor si Dante: Para sa kanya, ano ba talaga ang lugar ng armadong pakikibaka sa pagtutulak ng progresibong pagbabago? Sa kanyang opinyon, sabi ni Dante, pangalawa lang ito sa legal na pakikibaka. Pero sa sumunod na mga eksena, ipinakita ang limitasyon ng pinili ni Dante na “pangunahing” landas ng paglaban: Natalo lahat ang mga kandidato ng Partido ng Bayan sa eleksiyon, maraming boluntir at kandidato nito ang nasawi, namayagpag sa kanayunan ang mga vigilante na may basbas pa ni Cory, nadistiyero si Dela Torre sa Europa dahil sa sunud-sunod na mga atake sa legal na mga aktibista.

Si Dante mismo, na-ambush, kasama ang iba pang sibilyan, sa Quezon City.

Nettie Wild (kaliwa), at isang gerilya ng NPA, noong 1987 o 1988.

* * *

Napapanahon ang pelikula dahil mahigit tatlong dekada na ang nagdaan, sariwa pa rin ngayon ang mga tema ng pelikulang ito. Bukod kay Oris na maitim pa ang buhok noon pero balbasarado na, tila nagpalit lang ng ilang karakter ang kuwento. Sa halip na si Cory, si Duterte, ang bagong presidente – nagdala ng bagong pag-asa sa kanyang pag-upo. Noon, sina Dante at Dela Torre ang kumatawan sa ang mga lider ng kilusang underground na nakulong at lumaya sa bagong administrasyon. Sumusubok sila sa pagtutulak ng progresibong pagbabago sa bagong dispensasyon. Ngayon, kay Duterte, napalaya ang ilang bilanggong pulitikal tulad nina Benito Tiamzon at Wilma Tiamzon, Adelberto Silva, Tirso Alcantara, at iba pa. Lumahok sila sa usapang pangkapayapaan. Pero nang malapit na magtagumpay ang usapan, biglang umatras si Duterte at naglunsad ng malupit na giyera kontra insurhensiya laban sa mga rebolusyonaryo at aktibista.

Pinamamalas muli ng bagong karanasan ng Kaliwa: Limitado ang espasyo para sa progresibong pagbabago sa sistema ngayon. Anumang pag-abante ng mga progresibo sa loob ng sistema – pagkakahalal sa Kongreso, pagpasok sa gabinete, pagharap sa peace talks – tiyak na haharangan ng mga pasista kapag may signipikanteng pag-abante na. Nabigyan-katwiran nito ang piniling landas ng pakikibaka nina Oris at Fr. Frank.

Sa isip ko, parang humihingi ng sequel ang Rustling of Leaves. Nanahimik na ngayon at nagbuhay-magsasaka si Buscayno. Pero si Fr. Frank, nasawi sa isang atake ng Scout Rangers sa Surigao del Sur noong Agosto 1994. Si Oris, tagapagsalita na ng buong New People’s Army. Pero puti na ang buhok at balbas niya. Si Dela Torre, naging tagapamandila ng “popular democracy” sa Pilipinas at naging direktor pa ng Tesda noong panahon ni Joseph Estrada. Si Jun Pala, naging kritiko ni Pangulong Duterte sa Davao. Noong Setyembre 2003, pinaslang siya ng di-nakilalang armadong kalalakihan. Pag-upo ni Duterte sa Malakanyang, may testigong nagsabing iniutos daw niya ang pagpaslang kay Pala.

Sa naiisip nating sequel, si Oris na masayang kumakain ng tunaw na ice cream, nagpapakita ng kanyang masayang mukha sa kabila ng pagiging armadong rebolusyonaryong lider, payapa sa pinili niyang landas ng pakikibaka, tumanda na pero tiyak sa katumpakan ng progresibong hinaharap – ang huling imahe na tatatak.