Print Issues

‘Bitay sa maralita, absuwelto sa mamamatay-taong Kano’

September 10, 2020

Grabe na umanong pagsalaula sa hustisya ang absolute pardon sa sundalong Kano na pumatay kay Jennifer Laude.

Halos unibersal ang pagkondena ng iba’t ibang personalidad at sektor sa absolutong pag-absuwelto ni Pangulong Duterte sa US Marine na si Joseph Scott Pemberton na nahatulang maysala sa pagpaslang sa trans woman na si Jennifer Laude noong 2014.

Piket ng Bahaghari at Gabriela sa Boy Scout Rotunda para kondenahin ang absolute pardon ni Pangulong Duterte kay Pemberton.

“Isa lang ang kasong ito sa maraming patunay ng pagkiling sa makapangyarihan na nakikita natin mula sa pamahalaan,” pahayag ni Bise-Pres. Leni Robredo, bilang reaksiyon sa naturang desisyon ni Duterte. “Kapag mahirap, may parusa; kapag mayaman at nasa poder, malaya.”

Halos nagkoro ang mga lider ng tradisyunal na oposisyon at lider ng Partido Liberal sa pagkondena sa desisyon ni Duterte. Hindi nawala sa kanila ang malaking pagkakaiba umano ng pagtrato ni Duterte sa mahihirap na sinasabing nagkasala ng anumang krimen, at ng mayayaman at dayuhan, lalo na Amerikanong sundalo, tulad ni Pemberton na gumawa ng brutal na krimen sa bansa at sa kapwa mga Pilipino.

“‘Pag sa Pilipino bitay ang gusto, pero ‘pag kay Pemberton absolute pardon? Ang absuweltong ito ay pandudusta sa paghihirap ni Jennifer Laude at ng kanyang pamilya, at pagbibigay-pabuya sa kriminal na asal. Malaking pag-atras ito sa hustisya para [kay Laude] at sa bansa natin,” sabi ni Chel Diokno, abogadong pangkarapatang pantao at lider-oposisyunista (ang huling pangungusap, salin mula sa Ingles).

Kinondena rin ng abogadong si Pilo Hilbay at dating Sen. Antonio Trillanes IV ang naturang desisyon. Sinabi ni Hilbay na “walang kapatawarang pagtataksil” ito ng isang presidenteng “naging konsistent (sa pagkilos) laban sa interes ng bansa at ordinaryong mga Pilipino”.

Inhustisya kay Laude, sa bansa

Mariin din, siyempre, ang pagkondena ng mga miyembro ng komunidad ng LGBTQ+ sa pag-absuwelto sa pumatay sa kanilang kabaro.

“Hayaang maging patotoo ang malupit na akto ng inhustisya na ito na hangga’t malaya si Joseph Scott Pemberton, hangga’t nanananatili ang di-pantay na mga kasunduang militar sa pagitan ng Pilipinas at US, hangga’t may kahit isang sundalong Kano sa lupain ng Pilipinas, walang hustisya para kay Jennifer Laude, sa komunidad ng LGBTQ+, at sa mga mamamayang Pilipino,” pahayag ng grupong Bahaghari, sa wikang Ingles.

Patuloy umanong paglalapastangan sa soberanya ng Pilipinas ang desisyong palayain si Pemberton. Dagdag pa rito ang patuloy na pagpapatupad ng RP-US Visiting Forces Agreement (VFA) at Mutual Defense Treaty, ayon kay Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

“Ang naratibo ng pagbibigay ng hustisya kay Pemberton ay inhustisya para kay Jennifer Laude. Binibigyan lang nito ng lisensiya ang mga sundalong Amerikano na gumawa ng krimen na absolutong walang pananagutan, (napapasailalim sa) mapanlinlang na paglilitis at pagpapakulong, at tahasang kawalan ni bulong o angal mula sa gobyerno ng Pilipinas,” sabi pa ni Salvador.

Para kay Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), tila nagmamadali ang pangulo sa pagbibigay ng pardon, at pangunahan pa ang proseso ng hukuman. Binalikan ni Reyes ang dating saad ng pangulo na tatapusin na ang VFA, at aniya’y binaligtad na ito ngayon. “Ibinalik ni Duterte ang VFA upang pasiyahin ang mga Amerikano. Lalo pa niyang pinalawig ito sa pagbibigay ng pardon kay Pemberton, na nakatamasa na ng special treatment sa ilalim ng VFA,” aniya.

Transphobia

“Hindi rin maipagkakaila na isa rin itong kaso ng transphobia at hate crime laban sa mga kapatid natin sa LGBTQ+ community,” ang nagkakaisang pahayag ng Student Council ng Unibersidad ng Pilipinas- Diliman. At tulad ng pahayag ng Kabataan Party-list, halos iisa ang puna ng mga grupo sa ginawang pardon ni Pangulong Duterte: “pagpapakita ng pagsunod sa among Amerikano kaysa bigyan ng hustisya ang kapwa Pilipino.”

“Kasuklam-suklam na paglapastangan sa hustisya” naman ang pagsasalarawan ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan sa naturang desisyon. Ayon dito, nagpapakita ito ng pagpapakayupapa pa rin sa mga Kano, habang anila’y sinasampahan ng gawa-gawang mga kaso at kinukulong ang mga aktibista, kritiko ng gobyerno, at hindi mabigyan ng humanitarian release ang matatandang detinidong pulitikal sa gitna ng pandemyang coronavirus disease 2019 (Covid-19).

“Masisisi ba natin ang mga mamamayan na sabihing hindi talaga natin maaasahan ang gobyerno na tumindig para sa atin, laban sa mga banyagang pakialamero at mang-aapi?” ani Edre Olalia, tagapangulo ng National Union of People’s Lawyers (NUPL).

Noong Setyembre 1, iniutos ni Olongapo RTC Judge Roline Ginez-Jabalde ang pagpapalaya kay Pemberton batay sa Good Conduct Time Allowance na nakabawas pa sa panahon ng sentensiya. Pero mariing kinondena nga ito ng iba’t ibang grupo at sektor. Napilitan si Harry Roque, tagapagsalita ni Duterte at dating abogado ng pamilyang Laude, na sabihing di tama ang pagpapalaya kay Pemberton. Pero sa kabila nito, inabsuwelto na nga ni Duterte ang Amerikano.

“Pagpapaikli ng mga bagay-bagay dahil sa mistulang pagsilbi na ng sentensiya (ni Pemberton), at dahil kung saan siya nakakulong ay hindi kontrol ng preso – at para mabigyan-hustisya – ginagawaran ng Pangulo ng absolutong pag-absuwelto si Pemberton,” sabi ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr., sa wikang Ingles, sa isang Tweet.

Maaalalang si Pemberton ang inakusahang pumatay kay Jennifer Laude, isang transgender, sa Olongapo City, Zambales noong Oktubre 2014. Nahatulan siya na maysala ng korte sa sumunod na taon.