Istorya ng Linggo

Anomalya sa ‘komisyon ng kabataan’

September 10, 2020

Batbat ng kontrobersiya at akusasyon ng pangaabuso sa poder ang NYC na pinamumunuan ng malalapit na tagasuporta ng Pangulo.

Sumikat kamakailan ang hinandang billboard ng National Youth Commission (NYC) para magsilbing palatandaan umano ng mga paraan para labanan ang coronavirus disease 2019 (Covid-19). Nakalagay nga naman dito ang ilang paalala tulad ng paghuhugas ng kamay at pagsusuot ng face mask.

Pero sa halip na mapansin ang mga hakbang na ito, ang natandaan ng mga nakakita sa billboard ay ang mukha ni NYC Chairperson at Chief Executive Officer Ryan Enriquez na sumakop sa kalahati ng billboard.

Lumalabas, hindi lang ito ang kontrobersiya o anomalyang kinasasangkutan kamakailan ng komisyong dapat na tagapagtaguyod ng kabataan – pero tila nabubulid sa pulitika ng kasalukuyang administrasyon.

Kapangyarihan

Para sa mga miyembro ng NYC Employees Association, ang pagpapalagay ni Enriquez sa kanyang mukha sa isang billboard para sa sariling promosyon ang pinakahuli lang sa makailang-ulit nang kuwestiyonableng gawain ng binansagan nilang “despotikong” pinuno sa NYC.

Ayon kasi sa asosasyon, makailang-ulit na ginamit ni Enriquez ang kapangyarihan niya para diktahan ang mga desisyon sa loob ng organisasyon, mula sa pagtalaga ng mga komisyuner hanggang sa pagdedesisyon sa iba pang posisyon.

Giit nito, mas binibigyang halaga ni Enriquez ang sarili niyang mga kagustuhan kaysa sa mga desisyon ng Commission Proper, ang pinakamataas na kinatawang nagdedesisyon sa komisyon.

Nakatala ang karanasan ng asosasyon sa liham nito kay Pangulong Duterte noong Mayo 21. Giit nito, kailangang magbitiw sa puwesto ni Enriquez, o bawiin na mismo ni Duterte ang pagtatalaga sa kanya.

Matapos ang isang linggo, sumunod na nagpaabot ng liham ang ilang miyembro ng Commission Proper na pinirmahan ni Laurence Diestro, representanteng komisyuner ng Luzon, Victor del Rosario, representanteng komisyuner ng Visayas, at James Ventura at Paul Pangilinan, parehong commissioner-at-large.

“Tulad [ng Employees Association], hangad namin ang isang ahensiya na tumutupad sa mandato nitong pagsilibihan ang kabataang Pilipino,” pahayag nila.

Kayamanan

NYC Chair Ryan Enriquez (pangalawa sa kanan), katabi si Pangulong Duterte na kasama ang dayuhang mga bisita noong 2019.

Kung may naitulong man ang billboard, na ayon kay Enriquez ay ginastusan naman niya mismo, mas nakilala na ngayon ng mga tao ang mukha na namumuno sa komisyong sinsilip para sa ilang anomalya sa gastusin.

Kailangang ipaliwanag ng NYC ang kalalabas na report ng Commission on Audit (COA) na naglalaman ng milyun-milyong maanomalyang paggastos ng komisyon para sa taong 2019. At ang tatasa sa paliwanag na ito’y ang milyong kabataang lalong nababaon ngayon sa kahirapan.

Ngayong Agosto, inilabas na ng COA ang audit report para sa piskal na taon ng 2019. Dito, agad napansin ng ilang organisasyon ang ilang anomalya sa pinaggastusan ng NYC.

Halimbawa nito ang paggastos na lumampas sa itinatakdang presyo, tulad ng badyet para sa mga dadalo ng seminar o kung anumang kumperensiya. Ayon sa National Budget Circular No. 563 na itinakda noong 2016 pa, hindi dapat lalampas sa P2,000 ang gagastusin para sa pagdalo ng isang miyembro ng komisyon sa mga kumperensiya at seminar. Ang dapat sana’y gastos lang na P120,000 para sa kabuuan nito ay naitala sa P176,500. Sumobra ng P56,500 ang komisyon.

Pero wala pa ito kung ikukumpara sa ginastos sa ika-46 Ship for Southeast Asian and Japanese Youth Program (SSEAYP). Para sa paghahanda ng mga delegadong Pilipino sa isang programang gaganapin naman sa Japan, umabot ang kuwestiyunable umanong gastusin nito sa P1,483,680.

Ayon sa COA, para sa barong at gown, umabot ng P171,500 ang nagastos, kahit ang pinapayagan lang sa Section 48 ng General Appropriations Act para sa piskal na taon ng 2019 ay P1,500 kada miyembro. Kung nasunod ito, dapat nasa’y P75,000 lang ang ginastos.

Sagot ng NYC, sa pagkakaalam nila, ang takdang P1,500 ay para lang sa lokal na mga asembleya, ang SSEAYP naman ay internasyunal. Pero sabi ng COA, sakop ng Section 48 ang lokal at internasyunal na mga pagtitipon.

Hindi naman bago sa mga programa tulad ng SSEAYP na pumili ng delegadong kabataan na hindi taga- Maynila. Kung kaya, nariyan ang pangangailangan sa pansamantalang tirahan nila habang naghahanda at bago tumungo sa ibang bansa para sa pag-aaral.

Matutunton sa gastusing ito sa pagkain at hotel ang mas malaking bahagi ng maanolmayang paggastos para sa SSEAYP.

“Ipinapakita ng mga rekord na sa mga ginastusan para sa hotel package na may kasamang almusal, meryenda sa umaga’t hapon, tanghalian, at hapunan ang NYC Secretariat at ilang opisyales at empleyado na hindi naman kasangkot sa aktibidad at nakatira lang rin sa Metro Manila,” ayon sa report ng COA. Halos P1 Milyon ang ginastos para rito.

Ayon daw sa NYC, ginastos daw ito para sa “tumutok sa aktibidad”. Hindi naman ito tinanggap na sapat na paliwanag ng COA para paggastusan pa sa hotel ang mga opisyal, lalo na’t nakatira lang rin sa kalakhang Maynila ang mga ito.

Ganito rin halos ang kaso para sa inorganisang mga training session ng NYC. Nakatipid sana ng P3,691,950 sa gastusin sa training ang NYC kung sakto lang ang room reservation para sa nalistang mga dadalo, at kung gumamit na lang sana sila ng mga lokasyon sa opisina o iba pang gusali ng gobyerno.

Ipinagpapaliwanag ngayon ng COA ang NYC sa paggamit ng mga five-star hotel at resort sa loob at labas ng Metro Manila para sa mga training session kahit na wala namang inaasahang dadalo mula sa ibang bansa.

Sa ilalim ni Duterte

Napapasailalim sa Opisina ng Presidente ang NYC. Kaya bitbit rin nito ang kampanya ng gobyerno laban sa droga.

Pero apat lang sa 12 na binalak na aktibidad para sa Fit Filipino Youth Against Drug (FYAD) at Human Immunodeficiency Virus/ Acquired Immunodeficiency Syndrome Prevention Program for the Youth (Project HAPPY) ang naikasa kahit nagastos nila ang 89.69 porsiyento ng badyet. Mahigit P9-Milyon ang nagastos sa apat na aktibidad, samantalanag higit P10-M lang ang nakalaan.

Giit ng Kabataan Party-list, kailangang imbestigahan ang maanomalyang paggastos na ito dahil ang pondo ng gobyerno ay pondo para dapat sa bayan.

Para sa kabataan

Kaakibat ng panawagang ito ang hiling ng iba’t ibang organisasyong pangkabataan para sa pagbibitiw sa puwesto ni Enriquez. Nakapirma sa panawagang ito ang mahigit 100 organisasyon mula sa Sangguniang Kabaataan hanggang sa mga organisasyong pang-unibersidad.

Isa sa pinupukol na isyu ng kabataan ang paghayag ng suporta ni Enriquez at NYC sa Anti-Terrorism Bill na ngayo’y nalagdaan na at naging batas.

“Ang suporta niya para sa bill ay repleksiyon ng kawalang-pakialam niya para sa kapakanan ng mga mamamayan, lalo na ng kabataan na kritikal sa pamamalakad ng gobyerno,” ayon sa pahayag. Hinahalintulad ng kabataan ang ginagawa ni Enriquez sa loob mismo ng komisyon, kung saan ginagawa umano nitong batas ang “desisyong kanya lang”.

“Ang kailangan namin,” giit ng mga organisasyon, “ay pamumuno na magtatanggol sa demokrasya at hihimok sa kabataang Pilipino na magkaisa para pagandahin ang bansa.”

Kaya sa bisa ng puntong ito, kaisa raw ng kabataan ang NYC Employees Association sa pagpapanawagan ng pagpapatalsik kay Enriquez.

Cardema at Duterte

Binatikos din ng mga grupong pangkabataan ang muling pagtalaga ni Duterte kay Ronald Cardema, dating tagapangulo ng NYC na ngayo’y isa sa mga kumisyuner. Pinagtanggol ni Harry Roque, tagapagsalita ni Duterte, ang pagbabalik kay Cardema sa NYC matapos madiskuwalipika bilang nominado ng “Duterte Youth” noong 2019 eleksiyon. Sa edad na 34 noon, di na kasi kuwalipikado si Cardema na maging kinatawan ng kabataan dahil sinasabi ng batas na hanggang edad 30 lang dapat ito.

Matatandaang pinangunahan ni Cardema ang pag-atake sa iba’t ibang grupo ng kabataang aniya’y “prente ng komunista” at nagrerekluta raw sa kabataan na maging rebelde.Kinondena ng Kabataan Party-list at iba pang progresibong grupo ng kabataan si Cardema, na umaatake umano sa kanila para depensahan ang Presidente mula sa pambabatikos.

Pinangunahan din ng Kabataan Party-list ang pagpapadiskuwalipika kay Cardema noong halalan.

Dati na namang nagagamit ang mga ahensiyang katulad ng NYC para sa pampulitikang adyenda ng mga nasa poder. Pero sa ilalim nina Cardema at Enriquez, tila umigting ito, at nasasangkot pa sa maraming anomalya at abuso sa puwesto.

Andrea Jobelle Adan

Andrea Jobelle Adan

Si Jobie Adan ay nagtapos nang may karangalan ng kursong Pamamahayag sa UP College of Mass Communication sa Diliman, Quezon City. Siya ngayon ang pinakabatang istap ng PW.