Taumbayan, tutol sa Anti-Terror Bill

June 23, 2020

Malupit na banta sa mga karapatan at kalayaan ng mga mamamayang Pilipino ang Anti-Terror Bill. Lalabanan ito ng bayan.

Walang nagawa ang pagbabanta ng pagaresto at panghaharang ng Philippine National Police (PNP) para pigilan ang mahigit 5,000 Pilipino na ipagdiwang ang Ika-122 Araw ng Kalayaan sa pamamagitan ng isang “Grand Mañanita” noong Hunyo 12.

Ang tema ng mañanita, na ginanap sa loob ng kampus ng University of the Philippines – Diliman, paglaban sa niraratsadang Anti-Terrorism Bill ng administrasyong Duterte.

Nitong Hunyo 1 kasi, sa gitna ng pagkabalisa ng mga mamamayan sa pandemyang coronavirus disease-2019 (Covid-19), sinertipikahan bilang “urgent” ni Pangulong Duterte ang pagpasa ng panukalang batas. Mabilis naman itong inaksyunan ng Kongreso kaya Hunyo 9 ay naihain na agad sa Malakanyang para pirmahan ni Duterte bilang batas.

Umani ng batikos ang pagpasa ng Anti-Terrorism Bill dahil sa nilalaman nitong labag sa karapatang pantao. Kapuna-puna rin ang pagratsada nito sa kabila ng mabagal namang pagaksyon ng gobyerno sa krisis pangkalusugan at pangekonomiya gayundin sa gitna ng lumalawak na pagkadismaya ng mga mamamayan sa palpak na tugon ni Duterte sa pandemiya ng Covid-19.

Pangamba sa abuso

Nagbanta ang National Union of People’s Lawyers (NUPL) na agad nilang kukwestiyunin sa Korte Suprema ang pagiging konstitusyonal ng Anti-Terrorism Bill sakaling tuluyan nang maging batas.

Sa isang pahayag, sinabi ng NUPL na may “kagyat na pangangailangang pigilan ang pagpasa ng panukalang batas sa pinakamaagang pagkakataon”. Hindi umano masukat ang binabadyang panganib ng Anti-Terror Bill at “ang mga banta nito ay masyadong matindi para magbulag-bulagan lang”

Pinuna ng mga abugado ang “napakalawak at malabong pakahulugan ng terorismo” na “maaaring magparusa” o “magpigil sa mga legal na gawain at ng karapatang magpahayag at maging bahagi ng isang organisasyon”.

Binibigyan umano nito ng lisensya ang mga puwersang panseguridad ng estado, mula sa pinakamataas hanggang pinakamababang posisyon, na lumabag sa mga karapatan batay sa sarili nilang mga interpretasyon.

Ipinapaubaya din ng panukalang batas sa maliit lang na grupo ng mga opisyal na itatalaga ng Pangulo ang kapangyarihang ituring o tawaging “terorista” ang isang grupo at mang-aresto ng walang warrant of arrest sa sinumang pinaghihinalaang “terorista”

Pinapayagan din ng Anti-Terror Bill ang elektronikong paniniktik sa mga gawain o pagpapahayag kahit walang katiyakan na ang mga ito ay may kinalaman sa terorismo. Gayundin ang panghihimasok sa mga personal na impormasyon at record sa bangko, at pagpapahinto sa paggamit sa personal na pag-aari ng itinuturing nilang terorista.

Banta pa ng NUPL, kung sakaling maipasa ang Anti-Terror Bill, maaring kaharapin ng samabyanan ang isang antidemokratikong batas, mas mahigpit na pagsikil sa konstitusyonal na karapatan at ibayong pagsikip ng demokratikong espasyo.

Panunupil sa kritiko

Para sa Ateneo Human Rights Center (AHRC), gagamitin ang Anti-Terror Bill para supilin ang mga kritiko ng administrasyon.

Sa isang pahayag sinabi ng grupo na ang pagpasa ng panukalang batas ay isang “pagtatangka na gawing sandata ang batas para patahimikin ang mga kritiko at supilin ang ligal na pagtutol. Ang pagtangka na gamitin ang anti-terror bill bilang gamit sa panunupil kaysa sa pagpigil sa terorismo ay nakakapanghilakbo.”

Bago pa man maisabatas, nanuna nang gumawa ng hakbang ang National Bureau of Investigation para arestuhin ang mga ordinaryong mamamayan na nagpapahayag sa social media ng hinaing sa gobyerno.

Pangamba rin ng AHRC, na gamitin ng gobyerno ang Anti-Terror Bill para parusahan ang mga kasapi ng mga progresibong organisasyon sa pamamagitan ng paggawang krimen ang pagiging kasapi ng isang organisasyon itinuturing na terorista nang hindi binibigyang pagkakataon ang sinuman na tumutol o maghaing ng pangkontrang ebidensya.

Ayon sa NUPL, lubhang mapanganib ito para sa mga organisasyon na matagal nang tinatarget at binabansagang terorista ng mga ahensya ng gobyerno gaya ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) dahil sa pagsusulong ng mga makamahirap at progresibong adhikain.

Pinatotohanan ang bantang ito ng karanasan ng mga manggagawa ng Coca-Cola sa Laguna. Hindi pa man nagiging batas ang Anti-Terror Bill, matindi na ang ginagawang red-tagging at pag-atake sa mga lehitimong unyon at samahang manggagawa.

Noong Mayo 29 at 30, pinuntahan sa kanyang bahay sa Laguna si Franklin Galdone, manggagawa ng Coca-Cola, ng mga nagpakilalang operatiba ng NTF-Elcac. Binansagan siya ng mga ito na kasapi ng New People’s Army at inalok na sumuko. Itinanggi ni Galdone ang paratang at pinatunayang mahigit 3 taon na siyang nagtatrabaho at araw-araw pumapasok bilang “bottler” sa nasabing kumpanya.

Gaya ni Galdone, ilan pang mga kapwa niya manggagawa ng Coca-Cola ang dinalaw ng mga operatiba ng Pulis at Militar para takuting itigil na ang pag-uunyon. Tuluy-tuloy rin ang paglulunsad ng mga porum ng AFP at PNP katuwang ang mga local na pamahalaan sa Laguna na direktang binabansagan ang mga lehitimong unyon bilang mga teroristang grupo.

Pagtutol at protesta

Samantala, tuluy-tuloy namang lumalaganap ang pagtutol mula sa iba’t ibang grupo at sektor laban sa pagratsada ng Anti-Terror Bill.

Mula sa mga abugado, nagpahayag na rin ng pagtutol ang mga samahang relihiyoso, mga unibersidad, mga negosyante, mga artista, musikero at mga organisasyong pangkarapatang pantao sa loob at labas ng bansa.

Tuluy-tuloy din ang pagiging trending ng #JunkTerrorBill sa social media.

Dahil sa malinaw na malawak na pagtutol ng publiko, kahit ang mga mambabatas na nauna nang bumoto pabor sa Anti-Terror Bill ay nagpahayag na rin ng pag-atras kabilang ang pangunahing isponsor nito sa mababang kapulungan na si Muntinlupa Representative Ruffy Biazon.

Gaya ng naipakita sa “Grand Mañanita” noong Araw ng Kalayaan, inaasahangna marami pa ang mahihikayat na magsalita at magpakita ng pagtutol sa Anti-Terror Bill. At habang unti-unti na ring nagluluwag ang mga restriksyon sa paggalaw sa ilalim ng General Community Qurantine, hindi na rin mapipigilan ang mga mamamayan na magprotesta, este mag-“Mañanita”.

 

Neil Ambion

Neil Ambion

Gitarista, musikero at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa, ngayo'y bahagi ng editorial staff ng PW si Neil Ambion.