Seguridad sa pagkain ngayong pandemya

June 26, 2020

Sa harap ng kawalang trabaho at kabuhayan bunsod ng krisis sa Covid-19, pagigiit ng seguridad sa pagkain ang kailangan.

“Mamamatay kami sa gutom, hindi sa covid.”

Ganito ang madalas marinig na pahayag ng mga nawalan ng trabaho at kabuhayan mula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ), noong kalahati ng Marso, bunsod ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).

Sa pagpapatupad ng General Community Qurantine (GCQ) noong unang linggo ng Hunyo, sa kalakhan ng bansa, tila malaking usapin pa rin ang gutom at kawalan ng kaseguruhan sa pagkain sa malaking bahagi ng populasyong naapektuhan ng higit tatlong buwan na lockdown.

Walang makain

Tila karaniwang eksena sa nagdaang tatlong buwan ang mga larawan at bidyo ng mga namamalimos at humihingi ng tulong para may makain ang kanilang pamilya. Marahil, ang kalakhan sa mga ito ay kabilang sa sinasabi ng Philippine Statistics Aurthority na mahigit pitong milyong manggagawang nawalan ng trabaho at kabuhayan bunsod ng pandemyang Covid-19.

Malaking kabalintunaan na maging ang mga prodyuser ng pagkain ay nawalan ng kaseguruhan sa pagkain sa panahon ng pandemya. Sa taya ng Ibon Foundation, mayroong 2.5 milyong magsasaka, manggagawang bukid at mangingisda ang naapektuhan ang kabuhayan noong lockdown. Bukod sa hindi pinapayagang magtrabaho sa sakahan at pangisdaan, maging ang kanilang produkto ay pahirapan, kundi man pinagbabawalan, maiangkat mula probinsiya tungo sa Maynila o sa iba pang mga sentro ng kalakalan.

Umasa na lang sila sa ayuda’t donasyon, mula sa iba’t ibang indibidwal, grupo at lokal na mga pamahalaan na nagkawang-gawa, ang naturang mga sektor na nawalan ng pinagkakakitaan. Sardinas, iba pang delata, noodles at bigas ang tila naging karaniwang pagkain nila sa loob ilang buwan.

May ayuda man ang gobyerno sa pamamagitan ng Social Amelioration Program at iba pang katulad na programang cash assistance, nahuli, kulang o di sapat at limitado ang saklaw. Taliwas sa sinasabing “lahat ay mabibigyan” ng P5,000 hanggang P8,000, sa aktuwal, Ayon sa Ibon, pili lang ang nabigyan at nasa P4,000 hanggang P6,000 lang ang nabigyan. Saad ni Sonny Africa, executive director ng naturang institusyon, katumbas lang ng natanggap na ayuda ang P80-119 kada araw sa loob ng halos dalawang buwan ng lockdown. Mas mababa anila ito sa poverty line na P353 kada araw ng pamilya na may limang kasapi.

Panukala ng Ibon na ipagpatuloy ang pagbibigay ng ayuda sa loob ng tatlo pang buwan matapos ang lockdown na may katangiang unconditional cash tranfer.

Food self-sufficiency

Bago pa man ang krisis sa Covid-19, dinaranas na ang pinakamalalang krisis agrikultura. Ayon kay Rosario Guzman, puno ng Reseach Department ng Ibon, umabot ng 1.4 milyong trabaho ang nawala sa sektor noong 2017 hanggang 2019, pinakamalaki sa loob ng tatlong taon sa nakaraang dekada. Umabot lang diumano ng 7.8 porsiyento ang naging ambag nito sa Gross Domestic Product. Dagdag pa anila ang pagbagsak ng 1.2 porsiyento sa output ng agrikultura noong unang kuwarto ng kasalukuyang taon.

Saad pa ni Guzman, posible ang food self-sufficiency bilang new normal. Aniya, sa kagyat, kailangan ng mga magsasaka ng sapat na ayuda para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan maging sa aspetong pangkalusugan, at ang subsidyo sa produksyon. Dagdag pa ni Guzman, kinakailangan din na hindi na pagbayarin ang mga magsasaka sa kanilang mga utang sa mga usurero at maging sa mga pautang ng gobyerno.

Para sa Ibon, ang food self-sufficiency ay isang pag-gigiit ng isang buong saklaw ng karapatang panto. “Dapat kilalanin ng estado ang karapatan sa pagkain, karapatan na makapaglikha ng pagkain, ang karapatan na makapagsaka ng lupa, at maipamahagi sa mga magsasaka ang lupang nililinang na ng ilang henerasyon,” ani Guzman.

Joseph Dy Tioco

Joseph Dy Tioco

Si Joseph Dy Tioco ay staff reporter ngayon ng Pinoy Weekly.