Malawak na paglaban sa Terror Law

June 26, 2020

Pambihirang pagtutol sa bagong mapanupil na batas ni Duterte ang nakikita ngayon, matapos malagdaan ng pangulo ang Anti-Terrorism Act of 2020.

Humanay sila, mga lider-kababaihan mula sa iba’t ibang grupo at pampulitikang oryentasyon, sa harap ng midya, noong Marso 2 sa Commission on Human Rights, at sinimulan ang programa sa pagkanta.

Sa esensiya, batas militar ang Anti-Terrorism Law of 2020.

Ito ang sabi ng mga grupong pangkarapatang pantao, mga abogado at ekspertong legal, progresibong mga grupo, oposisyonista at iba’t ibang personalidad hinggil sa batas na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Hulyo 3.

“Pinalalawak ng malupit (draconian) na panukalang ito ang depenisyon ng ‘terorismo’ sa malabong mga termino at mistulang gumagana para labagin ang batayang mga karapatan sa buhay, kalayaan, kagamitan at tamang proseso sa batas na batay sa duda pa lang…(L)ahat para daw labanan ang karahasan,” sabi ng joint statement ng pinakatanyag at mahusay na mga abogado at legal na eksperto sa bansa noong Hunyo, matapos maipasa ang panukalang batas at bago lagdaan ni Duterte.

Nitong nakaraang buwan, matapos ang malupit na lockdown ng rehimeng Duterte at habang banta pa rin ang pandemyang coronavirus disease-2019 (Covid-19), nakita ang walang kasinlawak na pagtutol sa noo’y Anti-Terror Bill pa lang. Lahat nang tumututol, ayaw sa panunumbalik ng mistulang batas militar,

Nariyan siyempre ang pagtutol ng rebolusyonaryong mga grupo na tuwirang pinararatangan nang terorista bago pa man maipasa ang batas.

Tutol din ang progresibong mga grupo na madalas ding binabansagang sumusuporta sa mga terorista. Nagpahayag din ang mga abogado. Kahit iba’t ibang unibersidad at kahit grupo ng mga negosyante. Nagbalita rin ang pagtutol dito ng mga artista at alagad ng sining. Binatikos ito kahit ng pandaigdigang mga institusyon.

Pero ano nga ba laman ng Anti-Terrorism Law, at bakit sinasabing mistulang pagbabalik daw ito ng malupit na batas militar?

Sino ang ‘terorista’?

Sinagot ito ni Edre Olalia, abogadong pangkarapatang pantao at presidente ng National Union of People’s Lawyers (NUPL). Sa pahayag na inilabas niya noong Hunyo matapos maipasa sa Kongreso ang bill, nagbigay si Olalia ng walong batayan.

“Una, maaaring magparusa (ito) o kahit magpahina sa legal na mga aktibidad at pag-eehersisyo ng kalayaan sa pagpapahayag at asosasyon sa anumang porma o plataporma, sa loob o labas ng bansa, dahil malawak at malabo ang depenisyon (nito) kung ano ang mga akto ng ‘terorismo’ at kasama rito ang ‘pagpaplano’, pagpapanukala’, at paghihikayat (incitement),” sabi ni Olalia, sa wikang Ingles.

Sinabi rin niya na ipinapasa ng batas na ito sa maliit na grupo ng mga opisyal na hindi-halal ng mga mamamayan at hindi mga hukom ang “absolutong kapangyarihan na mag-utos ng pag-aresto nang walang mandamyento sa sinuman na ‘sinususpetsahang terorista’ at ikulong sila nang walang habla sa korte nang dalawang linggo hanggang 24 araw.”

Sinabi rin ni Olalia na kung dati, tanging ang mga korte lang ang maaaring magtakda sa isang grupo na “terorista,” sa kasalukuyang Anti-Terrorism Law ay iyung mga opisyal na ng Anti-Terrorism Council na hindi halal ng bayan ang magtatakda.

Salugat umano ang bagong batas sa ng Saligang Batas na nagsasabing hanggang tatlong araw lang maaaring magkulong nang walang mandamyento – at para lang sa ispisikong mga krimen tulad ng rebelyon o pananakop (invasion).

Walang ‘due process’

Labag sa Saligang Batas at pagkamakatarungan, ani Olalia, ang nakasaad sa Anti-Terrorism Law (Section 27) na maaaring magdeklara ang mga korte na mga “terorista” ang ilang grupo kahit wala pang buong pagdinig.

“Pinapayagan din (sa naturang batas) ang elektronikong paniniktik at pakikinig sa usapan sa telepono (wiretapping) kahit walang court order sa anumang aktibidad o paraan ng pagpapahayag na kahit walang kinalaman sa terorista sa loob ng tatlong buwan,” sabi pa niya.

Tuluyang pumapayag din ang Anti-Terrorism Law sa akses sa personal na impormasyon, rekord sa bangko, pribadong mga komunikasyon at pag-freeze sa pribadong mga pag-aari.

Sinasabi ni Sen. Panfilo Lacson, prinsipal na awtor ng batas sa Senado, na may mga “safeguard” naman umano sa naturang batas para hindi maabuso ng mga nasa puwesto, nasa pulisya, at nasa military.

“(Pero) ang sinasabing mga safeguard ay nakakansela na sa malawak na diskresyon ng pulisya, militar, at ehektutibong sangay…” sabi pa ni Olalia. “(H) indi rin sinusunod sa praktika (ang mga safeguard) kahit na may mga batas ngayon, may mga panuntunan at kumbensiyon hinggil sa karapatan…(M) istulang walang napapanagot sa mga paglabag.”

Kinukuwestiyon ng lahat

Naglunsad na ng serye ng mga protesta ang iba’t ibang grupo’t sektor, sa iba’t ibang bahagi ng bansa, para labanan ang Anti-Terrorism Law – sa kabila ng pandemya, at sa kabila ng paghihigpit pa rin ng rehimeng Duterte sa kilos ng mga tao.

Noong Hunyo 12, isang “mananita” na protesta ang isinagawa ng di-bababa sa 5,000 katao sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman para malakas na ihayag ang pagtutol sa naturang panukalang batas noon. Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, naglunsad din ng mga protesta. Kahit ang Pride March na isinagawa ng mga aktibistang LGBTQ+ na nauwi sa pag-aresto sa kanila, ay nagpahayag ng pagtutol sa Anti-Terrorism Law.

Nitong Hulyo 4, isang araw matapos lagdaan ni Duterte ang batas, matapang na inihayag ng daan-daang kabataan, aktibista, at ordinaryong mga Pilipino ang pagtutol sa Anti-Terrorism Law. Isinagawa muli ang protesta – nang may social distancing hanggang bumagsak ang ulan – sa UP Diliman.

Samantala, nagsumite na ng petisyon ang isang propesor ng batas, si Howie Calleja, sa Korte Suprema, para kuwestiyunin ang legalidad ng naturang batas. Sumunod na nagsampa rin ng petisyon si Albay Rep. Edcel Lagman. Pangatlo namang nagsumite ng petisyon ang ilang mga propesor sa batas sa Far Eastern University sa pamumuno ni Dean Mel Sta. Maria. Nagpetisyon din ang blokeng Makabayan.

Paglaban

Sa pagkakasulat ng artikulong ito, inihahanda na umano ng NUPL ang isa pang petisyon sa Korte Suprema. Tinitipon pa umano nila ang pinakamaraming bilang ng mga petisyuner na mariing tumututol sa pagsuklob sa bansa sa bagong bersiyon ni Duterte ng batas militar.

Samantala, nagpapatuloy ang paggiit ng karapatan. Pinrotesta ng mga aktibista sa Cabuyao, Laguna ang paglagda ng naturang batas. Dahil dito, inaresto ang 11 sa kanila noong Hulyo 5. Tila patikim ito ng klase ng panunupil ng gobyerno sa sinumang bumabatikos dito kapag epektibo na ang Anti- Terrorism Law 15 araw matapos lagdaan ito.

“Mga tagasuporta siguro ng mga terorista ang mga tumututol sa Anti-Terrorism Law,” sabi ng retiradong heneral na si Hermogenes Esperon, dating hepe ng Armed Forces of the Philippines at ngayo’y National Security Adviser na ni Duterte.

Sinagot ito ng grupo ng mga kabataan na Anakbayan. “Ang mga katulad ni Esperon ang kumakatawan sa lahat ng mali sa Anti-Terrorism Law,” ayon kay Vinz Simon, pangkalahatang kalihim ng Anakbayan.

“Nagrarali ang mga mamamayan laban sa Terror Law dahil namamatay na sila sa gutom at sakit at hindi nila kailangan ang isang batas na ginawa para supilin sila! Pinamamalas ng pagtawag ng gobyerno sa mahihirap at sakit na ‘tagasuporta ng mga terorista’ ang prayoridad nito sa panahon ng pandemya – sariling interes higit sa buhay ng mga mamamayang Pilipino,” pagtatapos ni Simon.

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan is a cultural and political writer who regularly contributes for Pinoy Weekly.