FEATURED

Komiks comeback?


Anak ng balbakuwang kiti-kiti*! Sa ikinikilos ng gobyerno, mauubos yata ang porma ng sining na pwedeng maibida dito sa Kultura bago tuluyang mawala ang COVID-19 sa bansa.

Ngayong panahon ng pandemya, malaki ang ambag ng sining para makatulong maintindihan ang mga isyung nakapalibot sa atin, mula sa nagtataasang bayarin sa kuryente hanggang sa karapatan sa malayang pamamahayag. Isa mga pinakasimple o popular na likha ang komiks, isang porma ng sining na mag-iisang siglo nang namamayagpag sa bansa.

Gamit ang pagtalakay sa mga bahagi ng komiks, subukan nating gumawa ng sarili nating bersyon.

Pamagat ng kuwento

“Kalabog en Bosyo” ni Larry Alcala. “Ikabod Bubwit” ni Nonoy Marcelo. “Batang Bangkusay” ni Pablo Gomez at Nestor Redondo. Ilan lamang ito sa mga pamagat na sumikat bago pa man nagkaroon ng selpon sa bansa. Ngayon, mas kilala na siguro ng mas batang mambabasa ang “Kiko Machine” ni Manix Abrera at “Pugad Baboy” ni Pol Medina. Ito na ba ang mukha ng makabagong komiks sa bansa? Puwedeng pagtalunan. Ang hindi maikakaila ay ang makabagong bigat sa bulsa na dala ng mga ito.

Sa pagtatala ng mga eksperto sa sining, nagsimulang lumipat ang base ng mambabasa ng komiks mula masa patungong gitnang uri noong 1990s. Mula sa mga palengke at estante ng diyaryo, nalipat sa de-aircon at may entrance fee pa na mga comics convention.

Marahil dahil sa kawalan ng comics convention ngayong may krisis pangkalusugan, o kaya naman dahil sa tumitinding panggigipit ng gobyerno, nakita natin ang pagdagsa ng komiks sa Facebook at iba pang social media.

Ilang halimbawa nito ang FB page na “Tarantadong Kalbo,” “La Historia Komiks,” at iba pa. Sa dalawang nabanggit na halimbawa, hindi na uso lagyan ng hiwalay na pamagat ang bawat bagong upload. Diretso agad ito sa tinututukang isyu. Mahirap na. Ilang kurap lang kasi at ibang imahe na ang bibihag sa atensiyon ng mambabasa.

Para sa komiks na gusto nating gawin, kailangan muna natin humanap ng tutok. Hinagpis ng mga OFW? Karahasan sa kababaihan? Pag-asa sa bayanihan?

Nakakatulong ang paglikha, at pagbabasa na rin, ng komiks sa pagproseso natin sa patong-patong na isyu ngayon. Nakakalunod ang iba’t ibang numero at datos. Sa komiks, puwedeng itampok ang isang sulyap sa danas o hinaing ng Pilipino.

Kuwadro

Hindi lahat ng nagbabansag komikero sa social media ay natutuwa sa paggamit ng komiks bilang pagsuri sa danas. Sa iba’t ibang FB group para sa mga lumilikha ng sining, may mga panawagan na “huwag gamitin ang sining para sa pampulitikang interes” kasi “dapat ang sining ay para sa kagalingan ng artist o katuwana”.

Sa madaling sabi, ang usaping lipunan ay iwan sa lipunan; huwag na ipasok pa sa kuwadro ng komiks.

Una, kasangkapan pa rin naman sa ilang komiks ang katatawanan. Tignan na lang halimbawa ang isa sa pinakabagong upload sa “Tarantadong Kalbo”: Imahe ni Duterte na isinasayaw ang kantang K-pop na “More and More” habang nagbabalak pang umutang muli.

“Walang sining na alang-alang sa sining lamang, isang sining na walang uring kinabibilangan, isang sining na hiwalay o malaya sa pulitika,” ayon kay Mao Zedong. Kung masusunod ang nais ng ilan sa gobyerno, pati ang simpleng linya na ‘yan ni Mao, puwedeng tawaging subersibo.

Panata naman ng ilang komikero, patuloy lamang nila itatala sa sining ang danas na ikinakaila ng estado. Sa bahaging ito, marapating planuhin ang lalamanin ng bawat kuwadro.

Larawan ng tauhan

Sunod naman ang pagpili ng punto de bista. Puno ang ating mga telebisyon ng imahe ng iba’t ibang opisyal na nagsasalitan ng anunsyo, na minsan hindi pa tugma. Nakakahilo. Lalo na kung magkakamukhang retiradong heneral ang nasa gabinete.

Sa komiks, napaglalaruan kung kaninong mata ang gagamitin para sa kuwento. Nariyan ang paggamit ng “La Historia Komiks” sa mga namayapang bayani. Si Manix Abrera, nilikha ang imahe ni Satanas na naghahanda ng espasyo para sa mga mapang-abuso.

Mula sa kapwa alternative media, nariyan ang Martin’s Perspective ni Dee Ayroso na nilalabas ng Bulatlat. Dito, tampok ang pusang si Martin.

Kaninong punto de bista pa ba ang hindi nagagamit? O kaya ay nawawaglit sa pagbabalita? Baka dito man lang sa sining, mabigyan sila ng puwang.

Lobo ng usapan

Malayo ang pananalita nina Tony Velasquez sa mga komikerong nasa social media ngayon. Minsa’y may bahid ng Espanyol at Ingles ang mga komiks noon, pero ang mga popular na bersyon, gumagamit ng Tagalog at iba pang wika sa bansa.

Noon, kapag sinabing salitang komiks, malapit sa masa. Ganoon pa rin kaya ngayon? Sa wikang sinasalita sa social media, sino lang ba ang hinahayaan natin makapasok sa usapan?

Para sa panghuling bahagi na ito, at hakbang sa ating pagkatuto, magandang tandaan ang gawain ng ilang progresibong grupo tulad ng Alay Sining. Upang makalikha ng sining na tunay na para sa masa, kailangan ang danas, pag-aaral, at pakikiisa.